Husgahan Natin

Desisyon ng Korte Suprema sa pagpapawang-bisa ng kasal

May 27, 2021

Sa buong mundo, Pilipinas at Vatican City na lang ang hindi pumapayag sa diborsiyo ng kanilang mga mamamayan.

Si Juan ay karaniwang manggagawa sa isang pabrika sa Metro Manila. Dahil sa wala silang unyon sa kanilang kompanya, ang kaniyang sahod ay hanggang minimum wage lamang. Natural lamang na maging malungkot ang buhay nitong si Juan.

Ngunit ang malungkot at miserable niyang buhay ay hindi lamang sanhi ng kanyang mababang sweldo. Sanhi din ito ng kanyang asawang si Juana. 

Masyadong pala- away itong si Juana. Walang pinipiling panahon ang pangangaway nito kay Juan. Kahit sa gabi o di kaya pag-gising nila sa umaga ay nagsisimula na itong magalit sa hindi alam na dahilan. 

Napapabayaan din nito ang mga responsibilidad at gawain sa bahay, kaatulad ng pagluluto, paglilinis ng bahay, at paglalaba ng damit ng pamilya. Mas pinipili niya ang pagsusugal at pakikipagtsismisan sa mga kapitbahay. Sa tingin ni Juan ay may pagka-tomboy ang kanyang asawa dahil nakakipagrelasyon ito sa kapwa niya babae. 

Madalas umuwi si Juan na hindi niya nadaratnan ang asawa dahil abala pa ito sa pakikipaghalubilo at pakikipag-mahjong sa kapitbahay. Maliit na nga ang sinasahod ni Juan, lalo itong lumiit dahil pinapatalo lamang sa sugal ng kanyang asawa.

Dumating sa puntong nagpasya na si Juan na hiwalayan na lang itong si Juana. Wala namang reklamo itong si Juana at ang nangyari ay kanya-kanya na sila ng buhay.

Hindi nagtagal, nakakita ng bagong pag-ibig itong si Juan. Nagyaya na ng kasal ang bago niyang karelasyon. Ngunit naging balakid sa balak nilang ito ang unang kasal ni Juan kay Juana.

Dapat munang mapawalang-bisa ang kasal sa pagitan ni Juan at ni Juana bago makapagpakasal sa iba itong si Juan.

Sa ibang bansa, puwedeng humingi ng diborsyo itong si Juan. Ngunit sa ating bansa, hindi pa pwede ang diborsyo, maliban na lamang kung ikaw ay Muslim o di kaya, kasal ka sa isang banyaga at nakipagdiborsyo siya sa iyo, ayon sa kanilang batas.

Sa buong mundo, Pilipinas at Vatican City na lang ang hindi pumapayag sa diborsiyo ng kanilang mga mamamayan.

Ano ngayon ang maaring gawin nitong si Juan? Ayon sa ating Family Code ay maari siyang magsampa ng kasong annulment upang mawalan ng bisa ang kasal nila ni Juana batay sa dahilang psychologically incapacitated itong si Juana para gampanan ang kanyang katungkulan bilang asawa.

Ayon sa dating mga desisyon ng ating Korte Suprema, ang isang nagsampa ng kaso para pawalan ng bisa ang isang kasal batay sa psychological incapacity ay obligadong magpresinta ng isang psychologist o psychiatrist. 

Ang psychologist o psychiatrist. na ito ang siyang gagawa ng psychological evaluation at humarap sa husgado para patunayan ang bagay na ito. Malaking problema ito kay Juan dahil kailangang bayaran ang mga psychiatrist o psychologist sa pagsagawa nila ng evaluation pati na sa pagharap nila sa husgado. 

Ang bayad sa psychiatrist ay tinatantyang mula P40,000 hanggang P100,000 batay sa laki ng kanyang klinika. Kung idadagdag ito sa iba pang gastusin tulad sa bayad sa abogado, malinaw na hindi ito kaya ng pangkaraniwang manggagawa lamang.

Mabuti na lamang at nitong Mayo 11, 2021 ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na hindi na kailangan ang testimonya ng isang psychiatrist o psychologist sa lahat ng kaso ng pagpawalang bisa ng kasal batay sa psychological incapacity. 

Sa kasong Tan-Andal vs. Andal (G.R. No. 196359) ay sinabi ng Korte Suprema na basta’t may malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya sa bagay na ito ay hindi na kailangan ang testimonya ng psychiatrist o psychologist para sa annulment ng kasal. 

Ang desisyong ito ay ikinagalak hindi lamang ng mga karaniwang manggagawa kungdi pati na rin ng mga samahan ng kababaihan na nagpahayag na ang pagtanggal sa rekisitong ito sa mga kaso ng annulment ay di hamak na makakapagpabilis bukod pa sa makakabawas sa dating gastusin para sa ganitong klase ng mga kaso. 

Sa kasalukuyan kasi, umaabot hanggang 4 na taon ang kaso sa pagpawalang bisa ng kasal. Kung mababawasan ang requirements para dito, tiyak na mapapabilis din ang proseso. Ngunit hindi lahat ay natutuwa sa hatol na ito ng Korte Suprema. 

Ayon sa mga sektor na kumakalaban sa diborsyo, ang ginawa ng Mataas na Hukuman na pagtanggal sa psychological o psychiatrist requirement na ito ay mangangahulugan ng pagdami ng dissolved marriage, isang bagay na hindi dapat mangyari sa isang bansang Katoliko tulad ng Pilipinas.

Ang pag-ibig sa pamilya ay bahagi ng kulturang Pilipino, sabi nila. Dapat lamang ipagtanggol ang pagkabuo at pagkaisa ng pamilya sa lahat ng pagkakataon. Huwag nating pabayaang masira ito at dapat labanan ang ano mang hakbang ng pamahalaan o ano mang sektor para gibain ito, banggit nila. 

Ngunit ayon naman sa iba, ang hatol na ito ng Korte Suprema ay nagpapakita lamang na humihina na ang inpluwensya ng Simbahang Katoliko sa pamahalaan at naging open-minded na ang mga Pilipino.

Sa isang sarbey na ginawa ng Social Weather Station noong 2017, lumabas na 53% ang bilang ng mga Pilipinong sumasang-ayon na gawing legal sa ating bansa ang diborsyo o pagpawalang bisa sa kasal.  Kung tutuusin, lahat ng bansang Katoliko sa mundo, maliban lamang sa Pilipinas at sa Vatican, ang pumapayag ng diborsyo sa kanilang mga mamamayan. 

Kahit ang Espanya na siyang nagdala ng relihiyong Katoliko dito sa sa ating bansa ay pumapayag na rin sa diborsyo. Ang iba pang Katolikong bansa katulad ng Brazil at Mexico ay matagal ng may batas na sumasang-ayon sa diborsyo ng kanilang mamamayan. 

Sa nagdaang taon, ilang panukalang batas na ang dumaan sa ating Kongreso para aprubahan ang diborsyo sa Pilipinas ngunit hindi ito pumasa sa dalawang kapulungan nito. Sa ngayon, dinidinig na naman ang bagong panukalang batas tungkol sa diborsiyo na pinanukala ni Rep. Edcel Lagman.

Samantalang ito ay pinag-uusapan pa at hindi pa naaaprubahan ng Kongreso, kuntento na muna tayo sa huling desisyon ng Korte Suprema sa bagay na ito.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.