Magsasaka

Kapag mapurol na ang karit

June 1, 2021

Kalam ng manggagawang bukid sa palayan sa panahon ng pandemya at krisis.

Buwan ng Mayo ang isa sa mahihirap na panahon para sa mga manggagawag bukid sa palayan. Tapos na ang anihan ng palay sa probinsiya ng Isabela, kaya wala na silang trabaho. Pero iba raw ang kalagayan ngayon. Mas mahirap kaysa noon.

Noon, may trabaho pa sila sa anihan ng Marso at Abril. May naitatabi pa silang kauting pera para sa pagkain sa mga buwan na walang trabaho sa bukid at habang naghahanap ng sideline sa ibang bayan para mag-construction worker o mangatulong. Ngayon daw, ipinagkait ng lockdown ang kanilang saydlayn sa bayan.

At ang kanilang pinakatangi-tanging trabaho sa anihan, inagaw ng makinang panggapas ng palay na pag-aari ng panginoong maylupa. 

Karit lang ang dala

Manggagawang bukid na si Renato noong 1984. Dose anyos pa lang siya noon. Kagaya ng ibang bata sa baryo, kabuhayan na rin nila ang pakikigapas sa lugar. Naghahasa na sila ng kanilang kumpay (salitang Iloko para sa karit) ilang araw bago sumuong sa bukid. 

“Naalala ko noon na kapag panahon ng anihan, nagkakasama-sama kami ng mga kapatid at mga kaibigan ko sa bukid. Nakikisakay kami sa mga kariton na hila ng kalabaw patungo sa tatrabahuhing bukid. Paminsan kung may weapon (tawag sa malalaking trak na pinagkakargahan ng palay patungong ibang bayan) ay makikisakay din kami. Grupu-grupo kaming nakikitrabaho sa mayayamang magsasaka. Lahat may kanya-kanyang kumpay,” ani Renato. 

Cabecilla raw si Renato sa lugar. Ito ang tawag sa mga pinuno ng mga manggagawang bukid sa palayan. Siya ang naghahanap ng mga panginoong maylupa at mayayamang magsasaka sa kanilang bayan at nakikipag-usap para magkaroon sila ng trabaho sa bukid. 

Kung walang mahanap sa bayan, tatawid pa sila sa karatig probinsiya kagaya ng Kalinga sa Kordilyera o Nueva Ecija pa. Pero dahil sa mga lockdown ngayong panahon ng pandemya, hindi na sila nakadayo sa ibang bayan at probinsiya.

Isang grupong pamproduksiyon ang pinamumunuan ng cabecilla. Kadalasaan, 20 hanggang 80 manggagawang bukid ang kanyang hinahanapan ng mapagbebentahan ng lakas-paggawa. Bagaman may titulong cabecilla, wala siyang pinag-iba sa kapwa niya manggawang bukid; kung ano ang hati sa kita ng iba ay iyon din ang sa kanya, kung ano ang tinatrabaho sa bukid ay iyon din ang sa kanya.  Kasama siyang lalahok sa produksiyon mula simula hanggang pagkatapos ng trabaho sa bukid. 

“Kahit naman may trabaho sa panahon ng anihan, karamihan sa amin, inutang na ang sasahurin. Kapag walang trabaho sa panahon na walang nagpapagapas o walang mahanap na sideline sa bayan ay binabale na naming ang sahod sa susunod na anihan. Hindi naman puwede magutom ang mga anak namin.” paliwanag ni Renato.

Para pabilisin ang paggagapas ng palay, ay bumili 

na ng combine harvester ang mga panginoong maylupa sa kanilang bayan. Nagkakalagang P1.2 Milyon ang makina. Sa halip na umupa ng lakas paggawa nila, makina na lang ang gagamitin. Nangangahulugan ito ng pagkawala ng natitirang kabuhayan ng mga manggagawang bukid sa palayan.

Sa kanayunan sa Cagayan Valley, pinatitingkad ng kalagayang ito ang kawalan ng lupang sakahan ng mga magsasaka. Ang piyudal na relasyon sa pagitan ng panginoong maylupa at manggagawang bukid: na ang nagdidikta sa buhay at pinagmumulan ng kabuhayan ng busabos na magsasaka ay ang may-ari sa lupa at makinarya. 

Mga magsasaka ng Cagayan Valley: Kalakha’y wala pa ring sariling lupa. Deo Montesclaros

Tiempo ti bisin

Dahil walang sariling lupang sakahan, ito na lang ang natitirang kabuhayan nila. 

Masakit ang kalooban ni Rey, cabecilla rin sa San Francisco, dahil biktima siya ng pang-aagaw ng lupa. Naisangla ang kanilang lupa dahil sa kailangan nila magbayad ng utang. Dahil hindi nakapag-aral, pinagsamantalahan ito ng mayamang magsasaka nang tinangka na papirmahin silang lahat sa dokumento na nagsasaad na ipinagbili na ang lupa sa halip na isinangla. 

Tumutol si Rey at umapela sa Municipal Agrarian Reform Office (MARO) ng bayan.

Hindi din nakatulong ang pag-apela niya sa MARO para mabawi ang lupa. Mula 1997 hanggang 2007, hindi umusad ang usapin. Kinalaunan, gumawa ng dokumento ang MARO na nagsasabing maaari na nilang sakahin ang lupa. Pero hindi pa rin umaalis ang mayamang magsasaka sa kanilang palayan. Bumalik siya upang kausapin ang bagong-upong opisyal ng MARO. Tangan ang papel sa bayan, ipinakita niya ang dokumento. Pero sinabi ng bagong MARO na peke ang papel at wala itong bisa. 

Matapos nito, hindi niya sila bumalik sa MARO. 

“Nakakalungkot nga ang buhay naming,” ani Rey. “Kung titingnan mo ang paligid ng mga bahay namin, puro palayan. Pagkain ang nakikita mo. Pero nakakaramdam kami ng gutom. Eh kami naman ang nagtrabaho diyan.”

Hindi resulta ng katamaran ang gutom na nararanasan nila, kundi ng pangangamkam ng lupa at kawalang oportunidad. Dahil walang sariling lupa, nakaasa na sila sa magpapatanim o gapas ng palayan. 

“Okey naman ang reaper kung may sarili kang lupa. Mayamang magsasaka at panginoong maylupa lang ang makikinabang diyan. Pero sa aming manggagawang bukid, kawalan ng kabuhayan ang dulot ng reaper,” ani Rey. 

Sa kasalukuyan, hindi na makatugon ang kanilang kita sa presyo ng mga bilihin. Sa kanilang kuwenta, gumagastos sila mula P1,226 hanggang P1,473 kada linggo dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law at lockdown para sa pamilyang may limang miyembro. Sa loob ng isang 

buwan, papatak ito ng P6,372. 

Sa dating kalakaran na mayroon pang nakokontrata na mayamang magsasaka para sa package deal – taniman at anihan na trabaho – kumikita ng P5,764 ang manggagawang bukid para sa mga buwan ng Marso at Abril (mga buwan ng anihan) at Hunyo at Hulyo (mga buwan ng taniman). Sa Nobyembre (anihan) at Disyembre hanggang Enero (taniman) ang ikalawang package deal na may parehong bayad. 

Kaya sa loob ng isang taon, may gross na kitang P11,528 ang bawat manggagawang bukid. Kung hahatiin, P960.78 kada buwan ang pagkakasyahin ng pamilya kung isa lang sa bahay ang nagtatrabaho. Masuwerte na raw kung may tatlong (3) nagtatrabaho sa kanila dahil papatak na P2,882 ang pagkakasyahin nila buwanan. 

Kailangan nilang bunuin ang natitirang P3,500 sa buwanang gastos upang makaagapay sa pang araw-araw na pangangailangan. 

Ang iba sa mga manggagawang bukid, pumapasok bilang kargador sa ricemill, naghuhuli ng kiwet (eel na matatagpuan sa bukid), construction worker, at pag-aani ng monggo sa katibing bayan. Ang iba’y nangingibang-bayan ang mga asawa para magkaroon ng dagdag na sahod.

Sa kasalukuyan na ang kanilang nakokontrata na mayamang magsasaka ay hindi na umupa ng kanilang lakas paggawa dahil nagrenta na ito ng reaper. 

“Maaaring mabawasan nang kalahati ang bayad sa amin kada package deal. Wala na ngang package deal ngayon kasi hindi na kasamang babayaran sa amin ang anihan. Kung sa pagkain kulang pa iyan. Paano pa ang gastusin kapag nagkasakit o sa mga bata kapag nag-aaral sila?” ani Rey, habang nagkukuwenta.

“Kung nasa amin pa ang lupang sakahan at di inigaw ng mayamang magsasaka at MARO, may tsansa pa na di (ganito) kalala ang hirap na dinaranas namin,” katwiran ni Rey.

Isang beses lang nakatanggap ng ayuda ang mga mangagawang bukid sa kanila. Abril 2020, nakatanggap sila ng P5,500 mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno. Di na raw dumating ang ikalawang tranche. Liban sa kagyat na tulong mula sa organisasyong magsasaka, wala na silang natanggap sa gobyerno. 

Mga karit ng mga magsasaka ng CagVal: Naghihintay sa bukid. Deo Montesclaros

Karit sa krisis

Salamin ang sitwasyon nina Renato at Rey ng kalagayan ng kanayunan sa bansa. Ibinuyangyang ng pandemya ang matinding kahirapan na pinagdadaanan ng manggagawang bukid sa palayan at ng mga magsasaka sa kabuuan. 

Napatutunayan nito ang kawastuhan ng programa ng tunay na repormang agraryo bilang tumpak na hakbang sa pag-aangat ng kalidad ng pamumuhay ng mga manggagawang bukid sa kanayunan. 

Pero habang nasa kamay ng panginoong maylupa at gobyerno ang lupa at kasangkapan para linangin ito, anumang yamang iluluwal ay hindi para sa pakinabang ng mga magsasaka at manggagawang bukid. 

“Umuunlad ang pamamaraan ng pagsasaka, pero hindi ang kabuhayan ng magsasaka. Ang mga manggagawang bukid noon, manggagawang bukid pa din ngayon,” pagtatapos ni Renato. 

Deo Montesclaros

Deo Montesclaros

Si Deo Montesclaros ay manunulat at tanggol-kalikasan mula sa Cagayan Valley region.