Mega-vax facility: Panganib sa ibon at tao

June 1, 2021

Asilo ng nanganganib na mga ibon at hingahan ng nanganganib na mga Pilipino sa panahon ng pandemya ang luntiang espasyo ng Nayong Pilipino – na gustong pagtayuan ng mega-vax facility ni Enrique Razon.

Ang Manila Bay: Reclaiming Lives ay serye ng imbestigatibo, naratibo at in-depth na mga ulat hinggil sa mga buhay at pakikibaka ng mga komunidad at mamamayang apektado ng malawakang reklamasyon sa kahabaan ng baybayin ng Manila Bay sa ilalim ng programang pang-imprastraktura na Build Build Build ng rehimeng Duterte.

(May karagdagang pananaliksik mula sa Pag-asa o People for Accountable Governance and Sustainable Action)

Sa kahabaan ng Manila Bay, mula Brgy. Taliptip sa Bulacan sa hilaga hanggang sa Sangley Point sa Cavite sa timog, natatagpuang lumilipad, nagpapahinga, at kumakain ang isang grandiyosong ibon. Mayroon itong puti at gintong plumahe, mahabang itim na binti, at itim at malapad na tuka. Ito ang Black-faced Spoonbill, isang migratory bird, o ibong palipat-lipat ng malalyong lugar depende sa panahon. Isa itong endangered species, o uri ng hayop na nanganganib na maubos sa mundo.

Noong Enero 2020, natagpuang lumilipad ang 24 na Black-faced Spoonbills sa Manila Bay. Ito raw ang pinakamaraming bilang ng naturang ibon na nakita at narekord sa bansa. 

Sa pagdaan ng panahon, lumawak nang lumawak ang lupang reklamasyon sa Manila Bay. Halos naubos na rin ang luntiang mga espasyong dating tirahan ng mga ibon na tulad ng Black-faced Spoonbill dahil sa pagsulputan ng mga casino, mall at resort. Nitong nakaraang taon, dahil sa nasimulang pagtatayo ng international airport sa Taliptip, lalong kumaunti ang espasyong ito. Sa pagitan ng Las Piñas at Parañaque, sa tabi ng Manila Bay, matatagpuan ang ilan sa natitirang luntiang espasyo: ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area o LPPCHEA. 

Sa hilaga nito, tatlong kilometro lang ang layo, sa gitna ng mga casino, sa puso ng tinawag ng gobyerno na Entertainment City, matatagpuan ang tinaguriang “buffer area” ng LPPCHEA. Ito ang 9.5 ektaryang patse ng lupa na pag-aari ng Nayong Pilipino Foundation (NPF). Isa ito sa pinagpapahingahan ng Black-faced Spoonbill, at iba pang nangananib o “endangered” (tulad ng Far Eastern Curlew, Great Knot), bulnerable (Chinese Egret at Philippine Duck, na nangingitlog sa LPPCHEA), at posibleng manganib o “near-threatened” na mga ibon.

“Isang tuluy-tuloy na lugar (contiguous area) ang Manila Bay,” paliwanag ni Asst. Prof. Carmela Española, propesor sa University of the Philippines (UP) Institute of Biology, sa wikang Ingles, sa isang webinar ng Environmental Landscapes Studio Laboratory noong Mayo 18. Mahalaga umano ang puntong ito, dahil kailangang tingnan ang buong lugar, at di lang LPPCHEA, o Taliptip, bilang tahanan ng naturang mga ibon na unti-unti nang napapalayas dito.

Noong nakaraang buwan, naging pokus ang patse ng lupang ito ng kontrobersiya. Gagawin daw kasing “mega vaccination facility” ang lugar. Ang nagmungkahi sa gobyerno, at siyang magpapatayo: ang bilyonaryong si Enrique Razon Jr., pangatlong pinakamayamang Pilipino, at tagapangulo ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) at Bloombery, na siyang nagpapatakbo sa Solaire Casino and Resorts sa Entertainment City.

Umalma ang mga tanggol-kalikasan, dahil planong tanggalin ang lahat ng puno sa lugar. Nagsalita sa midya si Razon, nagngingitngit, dahil damo lang naman daw ang nandoon. Siya na nga raw itong sa panahon ng pandemya’y gustong tumulong. Siya pa ang pinalalabas na masama. 

Black-faced Spoonbills. Wikimedia Commons

Mabuting intensiyon?

Problema pa rin sa bansa na dalawang porsiyento ng populasyon (sa pagkakasulat ng artikulo) pa lang na naaabot ng pagbabakuna ng gobyerno para labanan ang coronavirus disease 2019 (Covid-19). Nakaatang sa lokal na mga pamahalaan ang pagbabakuna ng mga bakuna na order ng rehimeng Duterte sa iba’t ibang dayuhang kompanyang pharmaceutical (gumagawa ng gamot). 

Sa ngayon, malayo pa ang bansa sa inaasahang 500,000 kataong nababakunahan kada araw para makamit ang tinaguriang “herd immunity” na magwawakas sa pandemya bago matapos ang taon. 

Ayon kay Razon, ambag niya sa malawakang pagbabakuna ang minungkahi ng kanyang ICTSI Foundation na mega vaccination facility. Marso 25, sumulat si Razon sa tanggapan ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat para ipagpaalam ang pagtatayo ng nasabing pasilidad. Marso 31 nang sumagot si Atty. Lucille Karen Malilong-Isberto, noo’y executive director ng NPF.

Tatlong dahilan ang ibinigay ni Malilong-Isberto kung bakit di sang-ayon ang board ng NPF: Una, dahil nangangahulugan umano ito ng pagtalikod sa tungkulin ng NPF na “extraordinary diligence” o “ekstraordinaryong paniniguro” na nasa interes ng mga mamamayang Pilipino ang proyekto. Hindi kasi malinaw ang panukala ng ICTSI kung ano ang gagawin sa lugar. Ayon kay Malilong-Isberto sa mga panayam sa midya matapos niya magbitiw na “YouTube video” ng isang drive-in vaccination facility sa US ang pinakita ng mga taga-ICTSI Foundation.

“Ang tingin ng NPF, kayang maipagpatuloy ang pagbabakuna ng gobyerno (kahit hindi sa lugar ng NPF) dahil may iba pa namang alternatibong lugar kung saan puwedeng gawin ito,” sulat ni Malilong-Isberto kay Romulo, sa wikang Ingles, noong Marso 31.

Plano ng ICTSI ni Enrique Razon Jr. sa lupain ng NPF.

Pangalawa, kung isusuko umano ng NPF ang lugar kina Razon, hindi nito maitatayo ang pinaplano nitong “cultural park and creative hub” o “urban forest” sa lugar. Pangatlo, natukoy na umano ito ni Pangulong Duterte bilang isa sa “legacy projects” niya. Layon ng naturang “cultural park” na paunlarin ang luntiang lugar bilang sangktuwaryo ng mga ibon tulad ng Black-faced Spoonbill. Sa naturang parke, maipagpapatuloy ng NPF ang pagpapamalas ng kulturang Pilipino katulad ng naunang parke nito malapit sa Ninoy Aquino International Airport na nagsara noong 2002.

Sa kabila ng pagtutol ng NPF, nirekomenda na ng Department of Tourism (DOT) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagtatayo ni Razon ng mega-vax facility. Noong Abril 10, naglabas ng Resolution No. 109 ang IATF na nag-uutos sa National Task Force on Covid-19 (NTF) na makipagkasundo na sa NPF para sa pagtatayo ng mega-vax facility ni Razon.

Samantala, kahit wala pang Memorandum of Understanding, at may pagtutol pa ang NPF sa pagtatayo ng naturang pasilidad, nagsimula nang magputol ng mga puno sa lugar ang Prime Metro MBD Corp., ang kompanyang konstruksiyon ni Razon. Sa kasalukuyan, may mga ulat na todo na ang pagpuputol ng mga puno sa lugar.

Sa kabila ng pinaaabot ng NPF na mga isyung ligal kaugnay ng proyekto, naglabas na ng memorandum ang Malakanyang sa NPF noong Mayo 4 para payagan nang matuloy ang plano ni Razon.

Mayo 6 nang maghain ng sulat ng pagbibitiw si Malilong-Isberto. Sa parehong araw, tinanggap agad ito ng Palasyo.

Ang malagong munting kagubatan sa 9.5 ektaryang lupain ng Nayong Pilipino Foundation sa Entertainment City. Larawan mula sa NPF

Halaga ng luntiang espasyo

“Masasabing maliit lang na lugar para sa mga ibon – 9.5 ektarya – pero mahalagang maseguro natin ang lahat ng natitirang tirahan (habitat) sa Manila Bay,” sabi ni Española. Bahagi umano ang Manila Bay ng East Asian-Australasian Flyway, na tahanan ng 50 milyong migratory water birds na may 250 iba-ibang populasyon, kabilang ang 32 nanganganib na species tulad ng Black-faced Spoonbill.

Pero maliban sa halaga ng lugar na ito sa mga ibon, naniniwala ang mga tanggol-kalikasan at iba pang eksperto na mahalaga sa tao ang pangangalaga sa mga luntiang espasyo sa lungsod. 

“Seryosong pampublikong krisis pangkalusugan ang isang pandemya na nangangailangan ng epidemyolohikal (pag-aaral sa medisina ng pagkalat ng sakit) na pagsangkot. Kabilang na rito ang pagpapaunlad sa kalidad ng hangin. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating ipreserba ang natitirang mga espasyong mahangin (tulad ng sa NPF),” ani Ramon San Pascual, executive director ng Health Care Without Harm – Southeast Asia, sa press conference ng Kalikasan noong Mayo 19.

Sa pag-aaral ng Harvard TH Chan School of Public Health, napag-alamang may kaugnayan ang polusyon sa hangin sa pagtaas ng bilang ng mga namamatay (mortality) sa Covid-19. 

“Napag-alaman sa Harvard Chan study sa pangunguna nina Xiao Wu at Rachel Nethery at senior author Francesca Dominici na may kaugnayan ang polusyon sa hangin sa mahabang panahon sa 11 porsiyentong pagtaas ng mortality sa mga nahahawaan ng Covid-19 sa bawat 1 microgram/cubic meter na pagtaas ng polusyon,” sabi sa website ng Harvard Chan School of Public Health.

Nasa bilog: Ang NPF property, tatlong kilometro ang layo sa LPPCHEA na Ramsar (Ramsar Convention on Wetlands of International Importance Especially as Waterfowl Habitat) site. Mula sa slide ng NPF

‘Land banking’

Para rin sa mga eksperto, hindi nakakapagtaka ang pagtutulak ni Razon at administrasyong Duterte sa pagtatayo ng mega-vax facility. 

Kung titingan ang lugar ng NPF, ayon sa landscape architect na si Honorio Palarca sa nabanggit na webinar, makikitang napapalibutan ito ng mga casino at hotel sa loob ng Entertainment City (Solaire, City of Dreams, Okada, Resorts World Bayshore, atbp.), high-end residential buildings, mixed-use buildings, at paliparan (NAIA). 

“Nasa gitna ito ng malawakang development. Ano ang puwede mangyari kung napapalibutan ito? Lahat ng interes nakatutok dito. (Ito) lang ang bakante, eh. Lahat ng interesadong investors ay kukunin iyan,” ani Palarca.

Sang-ayon dito ang urban planner at landscape architect na si Paulo Alcazaren. “Walang saysay (ang planong mega-vax facility) hangga’t di mo kuha ang punto na ito’y tungkol sa pagsakop sa mamahaling real estate, sa komersiyal na pagpapaunlad at pagkamal ng kita,” aniya sa nasabing webinar, sa wikang Ingles.

Sinabi pa niya na ito’y “land banking” – taktika sa real estate na pagbili ng lupain na di agad gagamitin, hanggang sa panahong paborable na sa negosyo ang paggamit nito.

Tinanong sa parehong webinar ng abogadong si Rico Domingo: Kung talagang dalisay ang hangarin ni Razon, bakit hindi na lang gamitin ang Solaire na pag-aari niya? Mungkahi naman ni Alcazaren, na “may iba pang lugar tulad ng sa CCP (Cultural Center of the Philippines) na may kagyat na magagamit na 6 ektarya na mabilis magagawang mega-vaccination site”. 

Ang kainaman pa nito, ani Alcazaren, mas madaling puntahan ng mga walang sasakyan ang CCP Complex sa Roxas Boulevard kumpara sa Entertainment City.

Sa bahagi ni San Pascual, kailangan umanong isaalang-alang ang akses ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap, sa pasilidad. “Kahapon (Mayo 18), nag-ulat ang Lungsod ng Maynila na nagbakuna sila ng 16,000 doses sa isang araw. Nagawa nila iyun sa iba’t ibang lugar sa lungsod,” aniya.

Iyung sinasabing 10-12,000 kada araw na mababakunahan ng isang mega vaccination facility, kayang-kaya umanong mahigitan kung desentralisado at nakalapit sa mga komunidad ang pagbabakuna. Ayon kay San Pascual, susi ang suplay ng bakuna – na dapat seguruhin ng pambansang gobyerno. 

Sa desentralisadong pagbabakuna, o sa pagkakaroon ng sentralisado pero madaling maakses na pasilidad sa pagbabakuna, mas mabilis umanong makakamit ang herd immunity. Samantala, mapapanatili nito ang luntiang mga espasyo tulad ng lugar ng NPF na tirahan ng nanganganib na mga ibon – at hingahan ng nanganganib na mga tao. 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.