Magsasaka

Suportang lokal para sa krisis sa baboy

June 1, 2021

Sa krisis na dulot ng African Swine Fever, nasa pagsuporta sa mga magsasaka at sa lokal na industriya ang tunay na solusyon.

Nananawagan ngayon ng Philippine pork industry ng sapat na suportang pinansyal, mahigpit na screening sa imported na karneng baboy, at polisiyang nakaayon sa wastong datos para matugunan ang African Swine Fever (ASF) na nagdulot ng higit P56 Bilyon pagkalugi sa industriya.

Ang ASF ay isang nakahahawang sakit sa baboy na dala ng virus na wala pang bakuna. Nagdudulot ito ng mataas na lagnat, pagsusuka, pagdurugo, at pagkamatay na pwedeng kasing bilis ng dalawang araw. Isinailalim na ni Pangulong Duterte ang buong Pilipinas sa state of calamity dahil dito, dalawang taon matapos unang namataan ang ASF sa bansa.

Sinundan ito ng paglagda sa Executive Order (EO) 128 sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at mga tagapangasiwa ng ekonomiya ng administrasyon, hakbang na tinututulan ng sektor ng agrikultura at mga apektadong industriya.

“Mariin naming kinokondena ang patuloy na pagdepende ng DA sa importasyon sa tuwing may krisis sa suplay ng pagkain,” ayon sa pahayag na inilabas ng Anakpawis Party-list, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Agricultural Sector Alliance of the Phils. (Agap) Party List, Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (ProPork), National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI), SUKI Consumers Network at iba pang apektadong organisasyon.

Sa bisa ng EO 128, itataas ang quota o minimum access volume (MAV) sa 404,210 metric tons mula sa 54,210 metric tons. Kasabay ng lagpas 600 porsiyento na pagtaas sa MAV quota ang pagbaba naman ng taripa mula 30 porsiyento kapag pasok sa MAV, magiging limang porsiyento na lang sa unang tatlong buwan ng pagpirma ng EO at 128 at 10 porsiyento sa susunod na siyam na buwan.

“Ang EO 128 ay pansamantalang solusyon na tutugon sa isyu ng food shortage at patuloy na tumataas na inflation,” ani Finance Sec. Carlos Dominguez III sa pagdinig sa Senado nitong Abril 27.

Ayon sa mga lider ng indus-triya, walang kaseguruhan ang inaasahang benipisyo at mababaw kung ikukumpara sa pangmatagalang pinsala na dala nito, hindi lang sa industriya ng karneng baboy, kundi sa buong Pilipinas.

Baboy sa palengke sa Cubao, Quezon City: Halos di na abot-kamay ng masa. Jobelle Adan

Problema sa polisiya

“Yayariin ang mga lokal natin,” sabi ni Tatay Ambo, apat na dekada nang nagbebenta ng karne. Sa araw ng panayam sa kanya, hindi pa rin nauubos ang isang baboy na alas kuwatro pa ng umaga niya hinanda. Aniya, dati ay umaabot ng dalawa hanggang tatlong baboy ang nabebenta nila.

Sa tingin niya, mahihi-rapang makipagsabayan sa imported ang mga nag-aalaga ng baboy sa bansa, lalo na ang mga nasa Luzon. Galing pa ng Bicol ang kuha niyang baboy sa araw na iyon.

“Mahal din naman ang mga imported,” sabi niya. Sa karanasan niya bilang manininda, hindi naman sobrang binababa ng seller ng imported ang presyo, kung ikukumpara sa lokal. Syempre, aniya, dagdag kita sa kanila iyon.

Sa isang livestock and poultry sectoral workshop noong Marso bago pirmahan ang EO 128,  napag-usapan ng mga miyembro ng sektor na maraming industriya ang maapektuhan kapag lalong lumaki ang pag-angkat ng baboy.

Kasama sa tinawag nilang “value chain” ang mga nagsasaka ng grains na isinasama sa pagkain ng mga baboy, ang mga tagapangasiwa sa transportasyon ng karne, pati mga manininda. 

Ayon kay Dominguez, di naman sinasabi sa EO 128 na pipilitin ang mga industriya na mag-angkat ng 404,210 metric tons ng baboy.

Gayunman, hindi pa rin rasonable ang ganito kalaking pagtaas ng MAV, sabi ni Nicanor Briones ng ProPork. Kung susundin ang pagkukuwenta ng industriya, aniya, dapat lalabas na nasa pagitan lamang ng 145,000 hanggang 167,000 metric tons ang shortage sa karneng baboy, hindi 400,000 metric tons.

Pinuna naman ni Sen. Joel Villanueva sa pagdinig na ito ang hindi pagtutugma-tugma ng datos ng gobyerno. Ayon sa Department of Finance, 1.56 milyong baboy ang naapetuhan ng ASF, pero sa datos ng DA nasa tatlong milyon ito.

Sa naunang mga pagdinig sa Senado, naungkat ang isyu ng smuggling dahil hindi nagtutugma ang datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng DA, at Bureau of Customs (BOC). Ang BAI ang responsable sa meat inspection habang ang BOC naman, sa pinapatong na buwis.

Ayon sa BAI, may 256 milyong kilo ng karneng baboy ang pumasok sa bansa nitong 2020. Pero sa datos ng BOC, nasa 225 milyong kilo lang ito.

“Saan napunta ang aabot sa 30 milyong kilo ng imported na baboy? Dumaan ba ito sa Customs nang walang tax?” tanong ni Sen. Francis Pangilinan. Ang pinupukol ng Senado, mukhang may pinapaboran ang mga proseso ng gobyerno.

Para sa mga nasa industriya ng hog-raising, malinaw na pinapaboran ng DA ang mga importer, at ang pagdepende sa importasyon. Sa kuwenta ng ProPork, mababawasan ng aabot sa P13-B ang taripang kikitain sana ng bansa kung ipapatupad ang limang porsyentong taripa.

Protesta ng Amihan laban sa nagtataasang presyo ng baboy at iba pang bilihin. Kontribusyon

Panukala ayon sa danas at datos

Puwede sanang ilaan sa indemnification fund ang pondo mula sa taripa na magsisilbing direktang suporta ng gobyerno sa mga hog-raiser na naapektuhan ng ASF.

Isinusulong ng nagkaisang mga miyembro ng industriya ang pagtaas ng indemnification fund para sa pinapatay na alagang baboy dahil ito ang kailangang agaran na suporta lalo na ng mga backyard hog-raiser. Anila, kailangan maglaan ang gobyerno ng P10,000 na indemnification para sa bawat baboy na nasawi sa ASF.

Sa sitwasyon ng Eastern Visayas, inanunsiyo ng DA-EV nakapagbigay na ng P7.6 Milyon para sa 11,079 na infected na baboy sa mga apektadong magsasaka, samantalang pinoproseso pa ang karagdagang P5-M.

Ibig sabihin, aabot lang sa halos P1,000 kada baboy ang matatanggap ng mga magsasaka. Ang bentahan ng batang baboy ay umaabot ng P2,000 o higit pa.

Dagdag na pasakit pa rito ang banta ng pandemya ng Covid-19. Kaya sa inilunsad na Ayuda Network, isa sa mga 

pangunahing ipinanawagan nito ang pagbigay ng P15,000 ayuda pamproduksiyon para sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa mga lider ng industriya, kung itatapat umano ang katiting na indemnification fund sa magiging dagsa ng imported pork sa bansa ay lalong mawawalan ng dahilan ang mga backyard hog farmer para subukang magparami ulit ng alagang baboy.

“Sa tingin niyo, yung sinasabi na 70 porsiyento na backyard hog farmer, mayroon ba silang kapasidad na mag-import?” tanong ni Chester Warren Tan, presidente ng NFHFI.

“Yung mga private sector daw na katulad namin, mga stakeholder, pumasok na lang sa pag-iimport,” ani Tan, “Hindi ba dapat ang DA natin, imbis na kumbinsihin kami na pumasok sa pag-iimport, sana bigyan na lang ng programa ng lokal.”

Para naman kay Danilo Fausto ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc., bukod sa kagyat na suportang pinansyal ay kailangan ring maglaan ng sapat na pondo para sa buong industriya.

Aniya, kailangan taasan ang budget at itapat ito sa nagiging kontribusyon ng sektor sa gross domestic product. Mula sa budget para sa DA na nasa 1.5 porsiyento lang ng national budget, hanggang sa 3.68 porsiyento na budget para sa livestock and poultry, wala raw sa kasalukuyang mga numerong ito ang sasapat sa pangangailangan ng industriya.

“Gawing prayoridad ang food security,” ani Fausto. “Bakit, makakain ba ang semento?” Sa 2021 National Budget kasi, ang ahensiyang may pinakamalaking hati ang Department of Public Works and Highways.

Paliwanag pa niya, kapag nabigyan ng sapat na budget ay lalong maipagtitibay ang trabaho ng BAI sa inspeksyon ng imported produce para wala nang makakalusot na infected na karne, at makakapaglaan ng pondo para sa pasilidad na dinadadaan ng lokal na karne.

Ayon naman kay Dr. Rose Sambo, matagal bago mamatay ang virus sa baboy. Kaya umano nitong mabuhay kahit pa kinatay at frozen na ang karne. Kaya kahit wala itong direktang epekto sa mga tao at ibang hayop, kailangan parin ang matinding paglilinis sa pasilidad, mga kagamitan, ultimo damit at sapatos ng mga nag-aalaga ng baboy.

Dagdag pa ni Dr. Sambo, kailangan ring bigyan ng suporta ng gobyerno ang veterinary workforce na magiging katuwang ng mga magsasaka sa pag-aalaga ng livestock.

Sa kabuuan, ayon sa Suki Network, kailangan bigyang prayoridad ng administrasyon ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Anila, pinapakita lamang ng krisis sa karneng baboy at nagdaang mga krisis sa food supply, na ang tunay na solusyon ay nasa pagsuporta ng mga lokal na industriyang magkakarugtong, at mga magsasakang naglalagay ng pagkain sa hapagkainan ng pamilyang Pilipino. 

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.