Husgahan Natin

Ang NTF-Elcac ng administrasyong Duterte

August 27, 2021

Isa sa mga paraan upang masugpo ang paglawak ng komunismo ay ang pagbigay nito ng pabuya sa mga barangay na nagawa nang tanggalin ang banta ng mga communist terrorist group sa kanilang mga nasasakupan.

Matapos niyang hindi ituloy ang usapang kapayapaan sa gitna ng pamahalaan ng Pilipinas at ng National Democratic Front (NDF),nilagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte noong Disyembre 4, 2018 ang Executive Order No. 70 na bumubuo ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Ang NTF-Elcac ang inaasahan na mangunguna sa isang pro-active at inclusive approach sa suliraning matagal nang hinaharap ng bansa: ang problema tungkol sa paghihimagsik ng tinatawag nilang mga teroristang komunista.

Ang chairman ng NTF-Elcac ay ang mismong Presidente at ang vice-chairman naman nito ay ang National Security Adviser. Kabilang sa mga kasapi nito ay ang iba’t ibang department secretaries tulad ng Secretary of Local Government, Secretary of Justice, Secretary of National Defense, Secretary of Budget and Management, Secretary of Agrarian Reform, Secretary of Social Welfare and Development, Secretary of Education at iba pa.

Ngayong 2021, binigyan ng P19 bilyon na badyet ang NTF-Elcac para lubusang magawa ang kanyang tungkulin.

Buhat nang ito ay maitatag, hindi na tumigil ang NTF-Elcac sa kampanya nito upang masugpo ang rebelyong komunista.

Isa sa mga paraan upang masugpo ang paglawak ng komunismo ay ang pagbigay nito ng pabuya sa mga barangay na nagawa nang tanggalin ang banta ng mga communist terrorist group sa kanilang mga nasasakupan.

Ang programang ito ay tinatawag na Barangay Development Program (BDP) at katulong ng NTF-Elcac ang Dept. of Interior and Local Government (DILG) sa pagsagawa nito.

Ngayong Hulyo 2021, sinasabing mga P16-B na ng badyet ng NTF-Elcac ang nai- release nito para sa mga 812 barangay sa ilalim ng programa ng BDP.

Kabilang sa P16-B pondo na ito ay ang P 11.6-B para sa farm-to-market roads, P 569 milyon para sa school buildings, P491-M para sa health stations, P482-M para sa rural electrification, P2.3-B para sa water and sanitations system, P110-M para sa mga indigent individuals, P22.4-M para sa housing, at P22.5-M naman para sa COVID-19- related projects.

Ang maiiwang P3-B ay para sa operational expenses nito.

Pero hindi lamang ito ang pinagkaabalahan ng NTF-Elcac para sugpuin ang mga communist terrorist group. Kabilang din rito ang paglunsad ng kampanya laban sa rebelyong komunista at pagkilala sa mga organisasyong communist fronts at pagbunyag ng mga ito sa publiko sa pamagitan ng traditional at on-line media.

Sa madaling sabi, ang mga grupong nagpapanggap na sumusunod sa batas ngunit sa totoo ay mga communist fronts pala ay ibinubunyag din ng NTF-Elcac.

Marami ang nagsasabing naging palpak ang NTF-Elcac sa gawaing ito.

Matatandaan na kabilang sa mga binunyag nitong mga communist fronts ay ang mga progresibong partido ng mga mamamayan na naglilingkod o nakapaglingkod sa Kongreso. Ito ay ang Makabayan bloc sa House of Representatives na binubuo ng Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Anakpawis.

Sa maraming pahayag na kanilang binigay, sinabi ng NTF-Elcac na wala nang ginawa ang Makabayan bloc sa Kongreso kungdi ang batikusin ang gobyerno kayat habang nariririyan sila ay lalong lumalakas ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ang dahilan kung bakit nagsampa ng kaso ang NTF-Elcac, una laban sa Garbriela Women’s Party, at sumunod laban sa Kabataan Party List, para i-disqualify ng Comelec ang mga partidong ito dahil umano sa paglabag sa Republic Act No. 7941 o ang Party- List System Act.

Sinabi ng NTF-Elcac na ang mga party-list na ito ay nagpapakalat ng karahasan bilang suporta sa CPP at NPA.

Sa bahagi naman ng Gabriela, tumanggap ito diumano ng foreign funding mula sa Belgian at Dutch governments.

Pati ang community pantry na itinayo sa Quezon City ay nakatikim ng red-tagging mula sa NTF-Elcac kung kaya’t nagkaroon ng PNP ng background check sa mga community pantries na ito.

Pinuna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na ginawang ito ng NTF- Elcac at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Sinabi ni Rep. Zarate na ang mga kasapi ng blokeng Makabayan ay pawang mga rehistrado at legal na party-list. Sa katunayan, pinili sila at hinalal ng taong-bayan para maging kinatawan nila sa Kongreso.

Malinaw na ang ginagawa ng NTF-Elcac na ito ay isa sa mga pamamaraan ng administrasyong Duterte para mawalan ng makinarya sa darating na halalan ang Makabayan bloc at hindi na ito makapangampanya laban sa mga kandidato ng administrasyon sa 2022, paliwanag ni Zarate.

Ayon naman kay dating Bayan Muna Congressman Neri Colmenares, ang hakbang na ito ng NTF -Elcac ay pamamaraan ng gobyeno para pigilin ang mga pumupuna laban sa administrasyon at upang mawalan na ng kritiko ang pamahalaan sa mga polisiyang kanyang ginagawa. Ito ay bahagi ng red-tagging, sabi pa ni Colmenares.

Oo nga naman. Ibinoto ng taong-bayan ang Macabayan bloc sa Kongreso. Ibig sabihin, sang-ayon ang mga mamamayan sa plataporma at sa ginagawa ng mga ito. Bago naganap ang eleksiyon, binusisi ng Comelec ang record ng mga party-list group na ito para malaman kung kuwalipikado ba silang tumakbo. Kaya mahirap na dahil lang sa alegasyon ng NTF- Elcac ay aalisin natin sa Kongreso ang mga party-list representatives na ito.

Sinabi naman ng Kabataan Party-list, na ang pagpakalat ng fake news at red-tagging sa buong blokeng Makabayan ay matagal nang plano ng NTF-Elcac at security sectors ng pamahalaan ngunit ang tunay na dahilan nito ay upang busalan ang bibig ng mga kabataan at mamamayan at tanggalan ng tunay na representasyon sa Kongreso.

“Hindi ito totoo, hindi na bago, at ang mga gawa-gawang akusasyon na ito ay ilang beses nang pinawalang-bisa,” paliwanag ni Kabataan Representative Sarah Elago.

“Nasa track record ng Kabataan Party-list ang pagiging boses ng kabataan at mamamayan sa loob at labas ng Kongreso lalo sa pagtindig kontra sa mga anti-mamamayang polisiya ng rehimeng Duterte. Isang pagsasayang lamang ng pera ng taong -bayan ang lahat ng ito,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay ACT Representative France Castro, ang pagtanggal sa kanila sa Kongreso ay hindi makakatalo sa CPP at NPA.

Sila ay ibinoto sa Kongreso ng mga tao dahil nagustuhan nito ang kanilang paninindigan pagdating sa mas mataas na sahod, tutuong reporma sa lupa, at pagrespecto sa karapatan ng mga guro, kabataan at lahat ng mga Pilipino. Sila ay duly-elected law-makers ng ating bansa at hindi sila maaring tanggalin , paliwanag ng Kongresista.

Ang disqualification case na ito ay patunay lamang na hindi sang-ayon ang kasalukuyang administrasyon sa mga lehitimong bagay na kanilang pinaglalaban, tulad ng dagdag na sahod ng mga guro at iba pang manggagawa ng pamahalaan, sabi pa niya.

Sa bahagi naman ng Gabriela Women’s Party , nilinaw nito na hindi siya tumanggap ng financial assistance mula sa Dutch at Belgian government at sinabing ang mga donasyong iyon ay maaring tinanggap ng Gabriela Inc., isang non-governmental organization na hiwalay at magkaiba sa Gabriela Women’s Party.

Itinanggi lahat ng Gabriela ang mga alegasyon ng NTF-Elcac at sinabing ang 2 dekadang panunungkulan ng Gabriela sa Kongreso ay makapagpatunay na ang tanging nagawang kasalanan nito ay ang labanan ang mga maling patakaran ng gobyerno.

Dahil pati ang community pantry na itinayo sa Quezon City ni Ana Patricia Non ay tinaguriang communist front ng NTF-Elcac, nagpasa ng Resolusyon sa House of Representatives itong si Deputy Speaker Mike Romero upang pag-aralan kung paano malipat sa ibang pondo ang higit P19-B na budget ng NTF-Elcac.

Hiniling ni Cong. Romero sa House of Representatives na tanggalan ng budget ang NTF-Elcac upang ilaan ito sa mas mahalagang bagay, tulad ng pagbibigay ng financial assistance sa mga manggagawa o pagdagdag sa mga hospital beds sa gitna ng Covid Pandemic.

Oo nga naman, kung ang P19-B na pondo ng NTF-Elcac ay nakalaaan para sa tulong sa lokal na gobyerno, bakit hindi na lang itong direktang ipamigay sa mga barangay na walang kondisyon?

Bakit pa kailangang piliin ng NTF-Elcac sa ilalim ng counter-insurgency campaign ang mga baranggay na makakatanggap nito samantalang ayon mismo sa military ay wala na sa 4,000 ang bilang sa ngayon ng mga armadong rebeldeng komunista?

Binanggit naman ng Gabriela Women’s Party na magsasampa sila ng Resolusyon sa Kongreso upang mahalungkat ang kwestyonableng paglipat ng pondo na nakalaan sa TESDA patungo sa NTF-Elcac.

Ni-report kasi ng Commission on Audit (COA) na may P160-M na TESDA funds ang nailipat sa NTF-ELCAC na walang approval ang Department of Budget and Management at maaring ito ay maging technical malversation.

Saan kaya papunta itong masalimuot na mga pangyayari kaugnay ng NTF-Elcac mga mahal kong mambabasa? Abangan.

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.