Editoryal

Biyakan


“Ugat ng kaguluhan sa partido ng administrasyon ang pagmamaniobra ni Duterte na patakbuhin ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangulo at siya naman bilang pangalawang pangulo.”

Desperado na si Duterte. Kahit sariling kapartido, babrasuhin makapanatili lang sa puwesto. Makikita sa biyakan sa loob ng PDP-Laban ang pagkukumahog ni Duterte na magkapit-tuko sa kapangyarihan para matakasan ang pagkakasakdal sa kanyang mga kasalanan sa sambayanan.

Ugat ng kaguluhan sa partido ng administrasyon ang pagmamaniobra ni Duterte na patakbuhin ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangulo at siya naman bilang pangalawang pangulo. Tingin niya, ang pananatili sa poder ang magsasalba sa kanya mula sa magiging hatol ng International Criminal Court sa kanyang karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao, at sa nakaamba pang patung-patong na kaso ng krimen niya sa mamamayan na maaring isampa sa sandaling mawala na siya sa pwesto.

Gusto ring tiyakin ni Duterte na pinakamatatapat niyang kampon lang ang bubuo sa kanyang tiket sa senado, kongreso at mga lokal na posisyon. Sa sobra kasing baho at hiwalay sa masa ni Duterte, kahit mga kapartido niya ay nagsisimula nang tumalon ng bangka. Ang pambabraso niya para biyakin ang PDP-Laban ay banta sa mga kapartido na sinumang maglalaglag sa kanya ay hindi makikinabang sa pondo at makinarya ng administrasyon, at sa kapangyarihan nitong manipulahin ang elektronikong halalan.

Bakit kailangan pang biyakin ni Duterte ang PDP-Laban at sagasaan ang ambisyon ng sarili niyang mga kapartido? Bakit hindi na lang ito pumaloob sa partido ng anak niyang Hugpong ng Pagbabago? Wala kasing katiyakan na suportahan nina Senador Manny Pacquiao at Koko Pimentel ang kanyang maniobrang manatili sa puwesto. Banta rin kay Duterte kung tumakbong pangulo si Pacquiao na makakahati sa boto at suportang para dapat sa kanya. Posible rin siyang ilaglag nito sakaling dumating ang pagsasakdal sa kanya ng mamamayan.

Sa harap ng paglaglag sa kanila ni Duterte, kailangang gumawa ng matalinong hakbang sina Pacquiao at Pimintel kung gusto nilang ituloy ang ambisyon sa politika. Tama ang tinahak na landas ni Pacquiao sa paglalantad nito sa korupsyon sa ilalim ng administrasyon. Nagbibigay ito ng dagdag na dahilan kung bakit hindi na dapat tumakbo o manalo si Duterte at mga manok nito sa halalan. Sa kabilang banda, nakakadiri naman ang patuloy na panunumpa ni Pimintel ng katapatan kay Duterte kahit isinuka na siya nito.

Habang naglalaglagan at nagtatalunan sa Bangka ang mga nasa administrasyon, kailangang magkaisa, magpalawak at magpalakas ang oposisyon at lahat ng pwersang anti-Duterte. Napakahalaga ang pagkakaroon ng iisa at solidong oposisyon na maninindigan sa layuning biguin ang tangka ni Duterte na manatili sa poder.

Nagsimula na kasi ang maniobra ng mga kampon ni Duterte para hatiin at pahinain ang oposisyon.

Nariyan ang paganunsyo ng pagtakbo nila Senador Ping Lacson at Tito Sotto bilang pangulo at pangalawang pangulo, at ang pagbubuo nito ng tiket sa pagkasenador, na maaring makahati sa boto at suporta para sa oposisyon. Inunahan na ring makipagalyansa ng Hugpong sa iba pang pambansa at lokal na partido.

Kung walang titindig na iisang oposisyon, magiging madali para kay Duterte na magdomina sa halalan 2022, makapanatili sa kapangyarihan, at matakasan ang mga kasalanan nito sa sambayanan.

Sa huli, anuman ang maging laro sa politika ng administrasyon at oposisyon, ang pagwawakas sa palpak, pabaya, pasista at papet na paghahari ni Duterte ay nasa kamay ng sambayanang Pilipino. Kailangan nilang ibayong palakasin ang pakikibaka para wakasan at panagutin si Duterte. Kailangan nilang ipakita ang kanilang solidong lakas sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos para basagin ang ilusyong popularidad ni Duterte.

Ang malakas na daluyong ng protesta at paglaban ng nagkakaisang mamamayan ang tatangay sa mga nasa oposisyon na sumagupa sa agos at sa mga nasa administrasyon na tumalon sa bangka.