Editoryal

Pag-atras sa laban ng katotohanan


Isang malaking kabalintunaan sa tungkulin ng pamamahayag na walang takot na ipaglaban at igiit ang katotohanan ang pagbaliktad ng posisyon ng kasalukuyang pamunuan ng pahayagan.

Noong Hulyo 2013, isiniwalat ng anim na bahaging serye ng mga artikulo nilimbag sa pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) ang korapsyon sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Tinatayang P10 Bilyong pondo ng bayan ang nakurakot sa PDAF scam mula 2000 hanggang 2013 kasabwat ang mga pekeng non-government organization ni Janet Lim Napoles.

Maliban sa PDAF scam, napag-alaman ding kasabwat si Napoles sa Fertilizer Fund scam at Malampaya Fund scam.

Maliban sa maraming mambabatas, kabilang sa mga nadawit sa scam si Melo del Prado, isang brodkaster ng DZBB 594 Super Radyo ng GMA Network.

Nagsampa ng kasong libelo si del Prado laban sa PDI at mga mamamahayag nito noong Agosto 2014 matapos maglabas ng balita ang PDI noong Marso 2014 na naglilista ng mga personaheng nakinabang sa PDAF scam.

Tumiklop ang kasalukuyang pamumunuan ng pahayagan kamakailan sa isang kompromiso, imbis na patunayan at ilaban sa korte ang mga nailathalang balita na dumaan sa masusing proseso.

Kabilang sa kasunduan ang paglilimbag sa front page ng paghingi ng tawad ng PDI, pag-aalis ng 10 istorya sa archive na nagdadawit kay del Prado sa scam at bayad-danyos na nagkakahalaga ng P1.5 milyong ad space.

Isang malaking kabalintunaan sa tungkulin ng pamamahayag na walang takot na ipaglaban at igiit ang katotohanan ang pagbaliktad ng posisyon ng kasalukuyang pamunuan ng pahayagan.

Ikinadismaya ni Jose Maria Nolasco, dating executive editor ng PDI, ang naging hakbang ng kasalukuyang pamunuan sa kaso.

“It’s a bad call by the PDI management, a setback for press freedom and a sad day for Philippine journalism,” wika ni Nolasco sa isang pahayag.

Tumanggi sina Nolasco, dating PDI news editor na si Artemio Engracia Jr at dating PDI reporter na si Nancy Carvajal na pumirma sa kasunduan sa pagitan ng PDI at kampo ni del Prado. Kasama ang tatlong mamamahayag sa limang sinampahan ng libelo.

Ayon sa tatlo, may sapat na ebidensya upang mapatunayan na walang batayan ang kasong isinampa laban sa PDI at mga mamamahayag nito.

“Instead of fighting out the libel case in court and standing by the multi-awarded Inquirer series on the graft-ridden congressional pork barrel, the PDI management has chosen the path of least resistance and now finds itself at the losing end,” dagdag ni Nolasco.

Habang patuloy na ikinakampanya ang pagdedekriminalisa ng libelo sa Pilipinas, isang dagok naman sa malayang pamamahayag ang ganitong pag-atras at pakikipagkompromiso ng PDI.

Tungkulin ng midya na ilahad ang katotohanan upang mapanagot ang mga nasa kapangyarihan sa kanilang mga gawaing taliwas at labag sa batas, lalo na ang anumang porma ng korupsiyon at maling paggamit sa pondo ng pamahalaan.