Husgahan Natin

Pagtigil sa suporta, kasalanan ba?

August 13, 2021

Ayon sa Korte Suprema, ang RA 9262 (Anti–Violence against Women and their Children Act) ay nagbibigay ng parusa sa anumang aksyon na magdudulot ng mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation sa isang babae o sa kanyang anak kasama na ang hindi pagbibigay rito ng suportang pampinansiya.

Isang manggagawa ang lumapit sa akin. Nagkaroon daw siya ng relasyon sa kanyang kapitbahay. Nagbunga ang relasyong ito ng isang anak, bagamat hindi sila kasal at hindi rin nagsama.

Kahit hindi sila nagsasama, tuwing buwan ay nagbibigay siya ng konting halaga para suporta sa babae at tulong na rin sa kanilang anak na nasa pangangalaga ng babae. Kaya naman daw kasi ang kanyang sinasahod mula sa pinapasukang pabrika lalo na at mayroon silang unyon.

Kalaunan, nakakita ng mas magandang babae ang manggagawa. Niligawan niya ang babaeng ito at sinagot naman siya.

Balak na niyang magpakasal sa pangalawang babaeng ito. Balak din niyang tigilan na ang pagbibigay ng suporta kanyang anak sa una niyang naging karelasyon.

Tanong ng manggagawa: Maaari ba niyang itigil ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa kanyang naging anak sa una niyang ka-relasyon?

Ang sagot sa tanong ng manggagawa ay makikita sa kasong “Celso Melgar vs. People of the Philippines” (G.R. No. 223477) na hinatulan ng Korte Suprema noong Pebrero 14, 2018.

Sa nasabing kaso, nagkaroon ng romantikong relasyon itong si Celso at si Carla, kapwa taga Cebu.

Ang relasyong ito ay nagbunga ng isang anak sa labas. Kinilala ni Celso na anak niya ang nasabing bata sa pamagitan ng pagpirma sa birth certificate nito.

Kaya lang, nagkasamaan ng loob itong si Celso at Carla, dahil nagkagusto si Celso sa mas nakababatang babae.

Isang taon pa lang ang kanilang anak nang iwananan ni Celso itong si Carla at ihinto ang pagbigay ng suporta sa kanila. Tuluyan na siyang nagpakasal sa nakakabatang babae na iyon.

Napilitang magdemanda si Carla. Isang Civil Case for Support ang isinampa niya laban kay Celso kung saan hiningi niya na ipagpatuloy ang pagsuporta ni Celso sa kanilang anak.

Nanalo naman itong si Carla at inutusan ng hukuman si Celso na ipagpatuloy nito ang pagsuporta sa kanyang anak kay Carla. Sa kabila ng hatol ng hukuman, hindi pa rin tumupad itong si Celso. Hindi pa rin niya sinuportahan ang kanyang anak kay Carla.

Dahil dito, nagsama na muli ng kaso kay Celso itong si Carla. Ngayon ay isang kasong kriminal naman ang sinampa niya laban kay Celso.

Pinaratangan niyang lumabag si Celso sa “Anti– Violence against Women and their Children Act” o Republic Act 9265.

Ayon kay Carla, P5,000.00 na suporta buwan-buwan lamang ang kanyang hinihingi rito kay Celso. Kayang-kaya raw itong ibigay ng huli dahil sa magarang pamumuhay nito kasama ang kanyang pamilya. May-ari sila ng isang Toyota Avanza at lahat ng mga anak nila ay nag-aaral sa mga exclusive schools.

Sa naging hatol ng RTC-Cebu, napatunayan nitong nagkasala si Celso. Sinabi ng RTC na nagkasala ng “economic abuse” o abusong pang-ekonomiya si Celso nang itigil nito ang pagsusuporta kay Carla at sa kanilang anak. Sinabi rin ng RTC-Cebu na ang ginawa ni Celso ay pumapasok sa probisyon ng RA 9262.

Nag-apela si Celso sa Court of Appeals pero ganun pa rin ang naging desisyon. Guilty pa rin si Celso ayon sa Court of Appeals. Hindi pa rin nawalan ng loob itong si Celso at inakyat ang kaso sa pinamataas na hukuman sa ating bansa, ang Korte Suprema.

Sa Korte Suprema ay inargumento ni Celso na ang kanyang ginawa ay hindi pumapasok sa RA 9262 na nagpaparusa lamang kung ang ginawa ng isang lalaki na dating ka-relasyon ng isang babae ay naging sanhi ng mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation ng isang babae o ng kanyang anak.

Hindi pinakinggan ng Korte Suprema ang argumento ni Celso. Ayon sa Korte Suprema, ang RA 9262 (Anti–Violence against Women and their Children Act) ay nagbibigay ng parusa sa anumang aksyon na magdudulot ng mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation sa isang babae o sa kanyang anak kasama na ang hindi pagbibigay rito ng suportang pampinansyal.

Inaprubahan noong 2004, ang batas na ito ay maituturing na pangunahin sa mga batas na nagbibigay ng proteksyon para sa kababaihan, kabilang na ang kanilang anak, laban sa pang-aapi ng kanilang asawa, dating asawa, ka- relasyon, o dating ka-relasyon, sabi ng Korte Suprema.

Ang pang-aaping ito ay maaring maging physical violence, sexual violence, psychological violence, o economic abuse.

Sa kaso nina Celso at Carla, napatunayan ni Carla na nagkaroon sila ni Celso ng romantikong relasyon na nagbunga ng isang anak; na kinilala ni Celso na siya ang ama ng batang ito; na tinigil ni Celso ang pagsuporta sa bata mula nang ito ay isang taon pa lamang ; at mayroon namang kakayanang magbigay ng suportang pinansiyal si Celso sa batang ito.

Dahil dito, sinang-ayunan ng Korte Suprema ang hatol ng mababang hukuman na guilty sa naturang kaso itong si Celso.

Pinarusahan siya ng anim na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwang pagkakulong, bukod pa sa pinagbayad ng multa sa halagang P 300,000.

Kaya ang payo natin sa manggagawa, huwag niyang itigil ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa anak niya sa una niyang karelasyon. Kung hindi, baka mangyari sa kanya ang nangyari sa kaso ni Celso.

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.