FEATURED

‘Pagbomba sa Samar, sobra-sobra, magastos’


Sobra-sobrang paggamit ng puwersa at pondo ang ginawang paghulog ng dalawang toneladang bomba sa airstrike ng AFP labans a NPA sa Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16.

Kinondena ng Communist Party of the Philippines ang operasyong pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Air Force sa kabundukan ng Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16.

Halos dalawang toneladang bomba ang inihulog ng AFP laban sa tinatayang 50-kataong yunit ng NPA sa airstrike na tumagal ng halos 13-oras.

Ayon sa CPP, nagsimula ang pambobomba bandang alas-4 ng madaling araw gamit ang dalawang FA-50 jet fighters at A-29B Super Tucano light attack aircraft.

“Hindi bababa sa pitong drone paniktik ang ginamit kabilang ang isang Hermes-900 na nauna sa pambobombang himpapawid at nanatili nang ilan pang oras matapos ang unang bugso ng pambobomba,” ani Marco Valbuena, chief information officer ng CPP.

Maghapon din umanong nagpaputok ng mga kanyon ang AFP nang walang direksyon at malinaw na target.

Ayon naman sa AFP, gumamit umano ito ng “air assets” dahil sa nakalagay na anti-personnel landmines sa paligid ng inilarawan nitong malaking kampo na ilang buwan na umanong ginagamit bilang pagawaan ng bomba ng NPA.

“Nagkaroon ng matinding barilan sa pagitan ng ating tropa at mga rebelde. Kinailangan namin humingi ng air support sa Air Force,” ani Captain Reynaldo Aragones, tagapagsalita ng 8th Infantry Division ng Philippine Army.

Pero para sa CPP, kalabisan at hindi kasukat na pwersa ang paggamit ng mga bomba at kagamitang anti-tangke labans a mga natutulog na gerilya at mga medik at hindi armadong tauhan na nasa naturang kampo.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ng CPP na ang yunit ng NPA sa lugar ay nagkakampanya para itaas ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa Covid-19 para hindi maabot ng pandemya ang kanilang liblib na komunidad.

Bahagi din ng yunit ang mga medik na nakatakdang maglunsad ng serbisyong medikal at dental sa mga magsasakang anila’y matagal nang pinabayaan ng gobyerno.

“Ang walang-habas na pambobomba, istraping at paggamit ng mga armas na anti-tangke at panganganyon ng AFP ay lumalabag sa mga patakaran ng sa ilalim ng internasyunal na makataong batas ng na nagtatakda ang lakas ng sandata ay dapat sukat sa target at iyon lamang kailangan,” ani Valbuena.

Kinondena naman ng National Democratic Front – Eastern Visayas ang napakalaking ginastos ng gobyerno para sa naturang airstrike sa kabila ng pagkalugmok ng bansa sa krisis pangkalusugan at sa harap ng lumalalang kahirapan at kagutuman ng mga Pilipino.

“Patuloy na pinopondohan ng pasista at teroristang rehimeng US-Duterte ang all-out war nito laban sa rebolusyonaryong kilusan, kahit ang pagtugon naman ng gobyerno sa pandemya ay nananatiling kapos sa pondo, batbat ng korupsiyon, at kriminal na nagpapabaya sa mamamamayan,” pahayag ng NDFP-EV.

Nasawi sa naturang airstrike ang 19 gerilya ng NPA. Samantala, dalawang bahay ng sibilyan naman ang tinamaan ng bomba habang napinsala rin ang pinagkukunan ng tubig at kabuhayan ng mga lokal na residente.

Ayon pa sa CPP, nagdulot din umano ito ng malawak na pagkawasak ng kagubatan at matinding trauma sa masang magsasaka.

Parangal

Kasabay naman ng pagunita sa Araw ng mga Bayani at anibersaryo ng Sigaw ng Pugad Lawin, pinarangalan ng CPP ang 19 na gerilyang nasawi sa airstrike sa Dolores. Kinilala ang mga nasawing NPA bilang mga martir at bayani ng sambayanang Pilipino.

“Ang mga Martir ng Dolores ay tunay na mga bayani ng masang api at pinagsasamantalahan. Sila ay 19 na Pulang Mandirigma ng NPA, karamihan sa kanila ay mga kabataang magsasaka mula sa mga barangay ng Dolores at kalapit na bayan sa Eastern Samar,” ani Valbuena.

Dagdag pa ni Valbuena, ang mga namartir ay itinuturing na pinakamahuhusay na anak ng mga mamamayan na ibinigay ang lahat para sa paglilingkod sa masa. Sa kanilang pagsapi sa NPA, nilabanan din nila at ng kanilang pamilya ang mga pasistang pagbabanta at pananakot.

“Ang mga Martir ng Dolores at ang kanilang yunit ng NPA ay minahal at lubos na sinuportahan ng masang magsasaka ng Lambak ng Hikontol at Hinolaso,” pahayag ni Valbuena.

Kabilang din ang naturang yunit ng NPA sa mga unang rumesponde sa mga magsasaka ng Eastern Samar sa harap ng pananalasa ng mga nakalipas na bagyo at sakuna.

Sa kabila naman ng matinding pinsala dahil sa airstrike, iginiit ng NDFP-EV na hindi magagapi ng AFP ang NPA. Malalim kasi umano ang suporta rito ng masa dahil sa makatarungan ang kanilang inilulunsad na digmaan.

“Ang pasistang teroristang AFP kabilang si 8th ID Commander Maj. Gen. Pio Diñoso III ay mga hunghang sa paniniwalang malakas ang kanilang hukbo,” pahayag ng NDFP-EV.

Sadyang mahina umano ang AFP at naglulunsad ng isang natatalong digmaan. Pinapaypayan lang umano ng mga pasistang atake ng AFP at pagiging mersenaryo nito ng pasista at tirano ang pagkamuhi ng mamamyan.

“Dinilligan lang nila ang lupa ng dugo ng kanilang mga biktima at ginawang matabang lupa kung saan magmumula ang laksa-laksang rebolusyonaryo na magpapatuloy ng armadong rebolusyon. Sa pagkagalit at uhaw sa katarungan ng mamamayan, lalo lang lalakas ang NPA,” ayon sa NDFP-EV.

Para naman kay Valbuena, dapat umanong halawan ng aral ang nangyari sa Dolores para paunlarin ng NPA ang kakayanan nito sa pakikidigma at biguuin ang paggamit ng AFP ng malalakas na armas.

“Maaaring nawalan tayo ng ilang mahuhusay ng Pulang mandirigma, ngunit laksa-laksa pa ang dadaluyong upang humalili sa kanila bilang bagong mga Pulang mandirigma ng magiting na hukbong bayan,” ani Valbuena.