FEATURED Rebyu

Pulitika ng laro


Maikling rebyu ng Squid Game, bagong palabas ng Netflix.

Pagkatapos ng tagumpay ng mga pelikula ng Hunger Games (2012), hango sa mga librong isinulat ni Suzanne Collins, mapapansin ang sunud-sunod na pagsulpot ng mga palabas na kagaya nito.  

Dumating ang As The Gods Will (2014), Alice in Borderland (2020): lahat, tungkol sa mga laro o paligsahan, na bagaman nagpapangako ng malaking premyo (karangyaan, kayamanan, o kaligtasan), buhay ang nakataya. Kadalasan ay labag sa kalooban ng manlalaro ang mga itinakdang patakaran. Naging mas madali rin ang pagtukoy ng iba pang may parehong tema, gaya ng naunang Battle Royale (2000) at Saw (2004). 

Ngayon, ang pinakabagong series na Squid Game (2021) mula sa South Korea ang nagpapatuloy ng ganitong tradisyon.

.

Ang laro

Sinusundan ng Squid Game ang kwento ni Gi-hun (Lee Jung-jae), diborsiyadong lalaki, lulong sa sugal, patuloy na umaasa sa kanyang ina para sustentuhan ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan. Umpisa pa lang ay pinakita na ang mga kahinaan niya bilang indibidwal, bilang isang ama at anak. 

Sa panahon ng lubhang kagipitan, nakatanggap siya ng imbitasyon para lumahok sa isang laro kung saan maaaring magwagi ng salapi na magiging solusyon sa kanyang mga problema. Makikilala niya ang iba pang gaya niyang gipit (migranteng walang mga legal na dokumento at babaeng tumawid sa border ng North Korea ang ilan). Doon nila matutuklasan na ang mga kinagigiliwan nilang larong pambata ay tila naging parusa.

Hindi kagaya ng Hunger Games at Battle Royale, pinaghahalo ng Squid Game ang konsepto ng tsansa at kompetsiyon sa bawat laro.  Habang inaasahan ka nitong magtagumpay gamit ang sariling lakas at galing (halimbawa sa pagtakbo at biglaang pagtigil sa Red Light, Green Light, o sa tug of war), nakasalalay rin sa suwerte ang pagkapanalo (pagtukoy kung odd o even ang bilang ng holen sa kamay ng kalaban o pagpili ng hugis sa hindi pa tinutukoy na laro). 

Ang kalikasang ito ng Squid Game ang naglalatag ng kondisyon para mas bumaba ang tiyansang manalo ng mga manlalaro. Maging ang lebel ng bawat lumilipas na laro ay humihirap nang humihirap, para masiguradong iisa lang ang magwagi sa dulo.

Ang mga naglalaro at pinaglalaruan

Pinapakita sa serye na nakadisenyo ang laro para biguin ang kakayanan ng tao upang magbuklud-buklod. Anumang binuong alyansa o pagkakampihan ay panandalian lang at siguradong mauuwi sa madugong pagtatapos.

Sa unang episode, pagkatapos ng unang laro, nagbotohan ang lahat kung itutuloy pa ba nila ang kompetisyon o hindi, pagpoposturang nananatili pa rin ang demokrasya dito. At kahit na pinauwi na ang mga manlalaro, sigurado ang gamemaker na babalik ang kalakhan para ituloy ang sugal. Sa katunayan, halos wala pang isang araw nang muli silang makatanggap ng panibagong imbitasyon para bumalik. 

Maging sa sleeping quarters, kahit na hindi direktang sinabi, ang katahimikan ng mga staff at guwardiya sa karahasan sa pagitan ng mga manlalaro ay implikasyon ng pagpapahintulot nito. Ang ganitong patakaran—o kawalan ng patakaran—ang nag-udyok sa ilan upang gumawa ng paraan para mabawasan ang mga kakompitensiya at mas tumaas ang tiyansa para sa sarili. Nakalulungkot ngang ang tanging paraan para masabing naigpawan ng isang tauhan ang kasakiman o karahasan na niyakap niya’y kailangan niyang mamatay.

Gaya ng malalaking korporasyon at asyenda, iginigiit din ng mga nasa likod ng laro na malinis ang kanilang mga kamay sa anumang sakripisyo’t pinsala na dadanasin ng manlalaro dahil kusang-loob nilang isinusuko ang sarili kapalit ng malaking halaga. Ipapaalala sa mga manlalaro ang pinirmahan nilang kontrata na nagsasabing di nila maaaring baliin ang mga patakaran, hindi maaaring tumigil hangga’t di pinahihintulutan.

Sa mundo ng Squid Game (o sa mundong kanyang sinasalamin), ang mga manlalaro—parehong ang mga sadlak sa kahirapan at maging ang mga ubod nang yaman na tumataya sa paborito nila—ay pumapasok sa pantay at patas na kasunduan, anuman ang rason ng kanilang paglahok. Sabi pa nga ng karakter ni Il-nam (Oh Yeong-su), ang pagkakapareho ng walang makain sa napakayaman ay ang kawalan ng ligaya sa buhay, kaya nagsisilbing pag-asa ang Squid Game, bilang dingas sa namamatay nang apoy ng buhay. 

Dito siya nagkakamali, sa aking palagay. Ang kawalan-ng-pag-asa na nararamdaman ng api ay kumukubabaw, kundi man nag-uugat, sa pagpapatuloy ng makauring pag-aalipusta sa kanila ng nasa itaas. Ang dahilan ng kalakhan ay pang-ekonomiya—bagaman may tendensiya ring magpakita ng dahas, at maaaring malisyoso pa nga ang intensiyon ng ilan, base pa rin ang lahat ng ito sa reyalidad na lahat ay kapit sa patalim at ang buhay na naghihintay sa kanila sa labas ng laro ay walang dangal, walang pag-asa, kung mananatiling mahirap.

Tinutukoy ng Squid Game, at ng iba pang palabas gaya nito, ang paghihinalang ang mga buhay nati’y tila bahagi ng isang malaking laro, pakikipagkompitensya sa iba at pag-asa sa sariling swerte. Tahasan nitong hinahayag na ang larong kinapapalooban natin ay kontrolado at dinidiktahan ng mga makakapangyarihang nilalang. 

Pero, higit sa lahat, ipinakita din nitong ang problema’y sistematiko at pangmalawakan. Tignan na lang ang orihinal na bilang ng mga manlalaro: 456, lahat may nakalululang utang sa bangko, loan sharks, saanman. Binanggit pa sa isang balita ang krisis na kinakaharap ng mga mamamayan sa pagkalubog nila sa utang. Malinaw na hindi ito tadhana, kundi manipestasyon at epekto ng disenyo ng sistemang ito.

.

Mga nagwagi

Kahit naitakda ang nanalo sa Squid Game, tila walang tagumpay sa dami ng buhay na nasayang. Ang natatanging nakalabas nang buhay, si Gi-hun, ay kinain ng sariling konsensiya at nagpasyang mabuhay gaya ng dati, walang balak galawin ang napanalunan. Nagising na lang siya nang muling mabigyan ng imbitasyon para sa huling laro. Doon nabunyag na ang may pakana ng lahat. 

Nagpustahan ang dalawa kung may tutulong sa pinapanood nilang lasing sa gilid ng daan, kung mamamatay ba ito sa lamig o maaabutan ng tulong, bago pumatak ang alas-dose. Kahit papaano ay nagwagi si Gi-hun dito. Testamento ito na sa mundo ng karahasan at lipunang pilit na pinaglalaban-laban ang mga mamamayan, may bakas pa rin ng pag-asa na maaaring umiral ang kabutihan, ang pagiging makatao. Ang mga sadlak sa hirap ay hindi lang kabayong pinagpupustahan sa karera, kundi mga tao, buhay at puno ng lakas, may napakalaking kapasidad para sa pagbabago ng sarili at lipunan.

Natapos ang Squid Game sa patuloy na pag-iral ng laro, mga bagong manlalaro, at mga bagong tagapagmasid sa karahasang ito. Personal nang palagay ang pagtingin na hindi na kailangan ang open-ended na pagtatapos bilang posibilidad para sa sequel. 

Sa kabilang banda, maganda rin, marahil, na tanawin ang posibilidad na iyon. 

Mananatili ang pagka-tagibang ng laro, nakadisenyo hindi para magwagi ang mga api kundi para magkaroon ng pampalipas oras ang may kapangyarihan, hangga’t walang tunay na sistematikong pagbabago.