Husgahan Natin

Usapin hinggil sa SALN

September 17, 2021

Ang ating mga kapatid na nasa mass media’y ilang beses nang humingi ng SALN ng Pangulo, pero nabigo sila.

Nitong nakaraang mga linggo, naging laman na naman ng mass media ang usapin tungkol sa SALN.

Ano ba ang ibig sabihin ng SALN? Ang ibig sabihin nito’y Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Ito ang deklarasyon tungkol sa lahat ng pag-aari, utang o interes sa negosyo ng isang empleyado ng pamahalaan. Kasama na rito ang mga pag-aari at pagkakautang ng kanyang asawa, o anak na menor-de-edad.

Sinasabi kasi ng batas na lahat ng mga empleyado sa gobyerno’y obligadong gumawa ng SALN na ito sa loob ng 30 araw matapos siya magsimula sa kanyang katungkulan: tuwing Abril 30 sa susunod na mga taon, at sa loob ng 30 araw matapos ang kanyang panunungkulan.

Kung kaya, permanente ka man o temporaryo sa iyong trabaho sa gobyerno, obligado kang magsumite ng iyong SALN. Ang deklarasyon ng SALN na ito’y dapat sa ilalim ng panunumpa na ito’y totoo o under oath.

Iniuutos ng 1987 Saligang Batas, kabilang na ang Republic Act No. 3019 (Anti- Graft and Corrupt Practices Act), at ang Republic Act No. 6713 (Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees) ang pagsampa ng SALN.

Sinasabi ng Saligang Batas na sa pag-upo sa tungkulin ng isang pinuno o kawani ng pamahalaan, dapat magsumite siya ng sinumpaang deklarasyon tunkol sa halaga ng kanyang ari-arian, pananagutan o pagkakautang, at netong kabuuan ng ari-arian. Makikita ito sa Seksiyon 17, Artikulo X1 ng Saligang Batas.

Sinasabi rin ng talatang ito ng Saligang Batas na dapat isiwalat sa madla o sa publiko sa paraang iniuutos ng batas ang deklarasyon na ito ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Kagawad ng Gabinete, mga kasapi ng Kongreso, mga Komisyong Konstitusyonal, at mga pinuno ng Sandatahang Lakas na na may ranggong heneral o kasintaas na ranggo.

Kaya ang pagsasapubliko ng SALN, sa paraang inuutos ng batas, ay malinaw na tinuturo ng ating Konstitusyon. Wala pa man ang 1987 Konstitusyon, ipinapatupad na ang pagsiwalat ng yaman ng mga taong nasa gobyerno sa pamagitan ng RA 3019 o Graft and Corrupt Practices Act na naaprobahan noong 1960.

Pero ang inpormasyong ito’y hindi pa para sa publiko noong mga panahong iyon. Naibigay lang ito sa pangkaraniwang tao nang maaprubahan ang 1987 Konstitusyon at ang Republic Act No. 6713 o Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Mahalagang malaman natin ang assets and liabilities ng mga taong gobyerno upang maiwasan ang pangungurakot o ang graft and corruption. Kaya napaka-importante sa taumbayan ang mga kautusang ito hinggil sa SALN ng mga kawani ng gobyerno. Kapag naisama na ng taong-gobyerno ang kanyang SALN, responsibilidad ng opisinang naatasang tumanggap dito na hawakan ito at isa- publiko kung kailangan.

Sinasabi sa Seksiyon 34 ng Administrative Code of 1987 na ang isang opisyal o empleyado’y obligadong gumawa at magbigay ng kanyang pinanumpaang deklarasyon tungkol sa kanyang assets, liabilities and net worth kasama na ang mga ari-arian ng kanyang asawa, at anak na hindi umaabot sa 18 taong gulang. Kabilang sa mga tanggapan naatasang magtago ng mga SALN na ito ay ang Office of the Ombudsman.

Nakalagay sa Seksiyon 8 ng Rep. Act No. 6713 na lahat ng kawani ng pamahalaan na obligadong magsumite ng dokumentong ito’y obligado ring magbigay ng karapatan para sa Ombusman para makakuha sa ibang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng anumang dokumento kaugnay ng assets and liabilities nila.

Ayon pa rin sa Seksyon 8 ng Rep. Act 6713, ang SALN ay bukas para sa publiko at maari nila itong siyasatin sa loob ng 10 taon mula nang ito’y maisumite. Pero sa totoo lang, ang karapatang magsiyasat sa mga SALN ay hindi basta-basta naibibigay sa publiko dahil sa mga regulasyon na nilalabas ng mga tanggapang may hawak nito, katulad ng Office of the Ombudsman.

Simula kasi ng 2018, hindi nagbibigay ng kanyang SALN ang Pangulong Duterte. Mula nang ang batas tungkol SALN ay ipatupad noong 1989, matatandaan na ang lahat ng limang dating mga Pangulo ay mahigpit na sumusunod rito.

Si Pangulong Duterte lang ang hindi. Ang ating mga kapatid na nasa mass media’y ilang beses nang humingi ng SALN ng Pangulo, pero nabigo sila.

Noong una, ang hindi pagbibigay ng SALN ng Pangulo dahil binabago pa ng Ombudsman ang regulasyon tungkol sa pagbibigay ng SALN at hindi pa tapos ang nasabing regulasyon. Pero noong Setyembre 2020, isang Memorandum Circular ang inilabas ng opisina ng Ombudsman tungkol sa paglalabas ng SALN.

Nagkataong ang Ombudsman ay si Manuel Martires, dating Justice ng Korte Suprema. Siya’y iniluklok sa kanyang puwesto ni Pangulong Duterte na ka-brod niya sa Lex Taliones Fraternitas sa San Beda College of Law.

Nakalagay sa nasabing Memorandum Circular No. 1-2020 ng Ombudsman na mabibigyan lang ng kopya ng SALN ang humihingi nito kung : (1) siya ang may-ari ng SALN na kanyang hinihingi; (2) siya ay kinatawan ng may-ari ng SALN; (3) ang paglalabas ng SALN ay sang-ayon sa utos ng Korte; (4) at ang humihiling ng SALN ay ang Field Investigation Office ng Ombudsman.

Maliwanag sa Memo Circular na ito na ang ordinaryong mamamaya’y hindi na makakakuha ng SALN ng mga nasa pamahalaan. Kailangan rito ang pagpayag ng may-ari maliban lang kung may hinaharap siyang kaso o iniimbestigahan ng Ombudsman.

Ito ngayon ang bagong batayan ng Ombudsman upang tanggihan ang kahilingan ng mga mamamayan na makita ang SALN ng mga taga-gobyerno. Pero paano na ngayon ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon na ginagarantiyahan ng Bill of Rights ng Saligang Batas? Paano na rin ang umiiral na batas na nagsasabing huwag itago sa publiko ang nilalaman ng SALN?

Hindi sang-ayon sa ganitong patakaran si dating Ombusman Conchita Carpio Morales. Ang nasabing Memo Circular ay lumalabag sa prinsipyong “Public office is a public trust “ na tinuturo ng Konstitusyon, sabi ni Morales.

Ganumpaman, sa isang kasong isinampa sa Korte Suprema laban sa nasabing Memo Circular ng Ombudsman, sinabi ng Pinakamataas na Hukuman na masaring pakialaman ng tanggapang ito ang karapatan ng mga mamamayan na makita ang SALN ng Pangulo at ng Pangalawang Pangulo.

Sa nasabing kaso, sumulat sa Ombudsman si Louis Biraogo para mabigyan ng kopya ng SALN ng Pangalawang Pangulo. Dahil sa hindi siya sinagot, tinawagan niya ang nasabing opisina kung saan siya sinabihan na hindi nila ito mabibigay dahil sa Memorandum Circular No. 1-2020 na nangangailangan ng pagpayag ng mga taong may-ari ng SALN.

Umakyat sa Korte Suprema itong si Louis at sinabing lumalabag sa Saligang Batas ang Memo Circular ng Ombudsman. Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Louis sa isang resolusyong may petsang Pebrero 2, 2021.

Una, walang patunay na tinanggihan talaga ng Ombudsman ang hinihiling ni Louis. Ang sinasabi niyang pagtanggi ay verbal lang at hindi suportado ng nakasulat na patunay. Maaring hindi totoong pumunta sa Ombusman itong si Louis, paliwanag ng Korte Suprema.

Pangalawa, nilabag ni Louis ang patakaran sa “hierarchy of courts” sa pagsampa ng kaso diretso sa Korte Suprema na hindi man lang dumaan sa mas mababang korte tulad ng Regional Trial Court o Court of Appeals. Korte Suprema ang pinakamataas na hukuman at dapat lang na pinakahuli na itong hahawak sa isang kaso kung saan ang isyung nalalabi ay ang questions of law.

Pangatlo, samantalang kinikilala natin ang karapatan ng taumbayan na mabatid ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa lahat, maaaring limitahan ng mga opisyal ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamayan na makita ang SALN.

Ibig sabihin, ang karapatang ito ay hindi ganap, pahayag ng Korte Suprema. Isang paurong na desisyon ang hatol na ito ng Korte Suprema sa isyo ng SALN, mga kasama. Kailan kaya makuha ulit ng sambayanan ang karapatang dati na nilang tinatamasa: ang makita ang SALN ng mga taumgobyerno?

Pagkatapos siguro ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.