Husgahan Natin

Paid pandemic leave bill ng mga manggagawa: kailan pa kaya maaprubahan?

October 29, 2021

Ayon sa datos, hindi bababa sa 4.5 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho simula nang magkaroon ng Covid-19 pandemic. Sa loob naman ng nakaraang 15 taon, ito na ang pinakamataas na unemployment record sa ating bansa.

Alam ba ninyo na sa halos dalawang taon nang sumasagupa ang Pilipinas sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) ay wala pang naaprubahang batas na nagbibigay ng paid leave sa mga manggagawa sa panahon ng kalamidad na ito?

Ang Bayanihan Law o Republic Act No. 11469 ay nagbibigay ng benepisyo sa mga public at private health workers dahil sa kanilang pagkakasakit sanhi ng Covid-19 ngunit wala pang batas na nagbibigay ng espesyal na benepisyo sa mga manggagawa tulad ng pag-leave sa kanilang mga trabaho na may bayad sa panahong ito ng pandemya.

Ito ang dahilan kung bakit bakit noong Oktubre 2020 ay sinampa nina Representative Arlene Brosas, Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, France Castro, at Sarah Jane Elago ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang panukalang batas tungkol sa paid pandemic leave.

Ang panukalang batas na ito (House Bill No. 7909) ay nagbibigay ng 14 na araw na may bayad na bakasyon sa mga manggagawa sa pribadong sektor na pinaghihinalaan o kumpirmadong nahawa ng Covid-19.

Ito ay inaasahang magbibigay ng additional safety nets sa mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya na patuloy na nagdurusa dahil sa nabawasan nilang kita sanhi ng pandemya.

Kailangan lang nilang magbigay sa kanilang pinagtatrabahuhan ng medical records at iba pang patunay na sila nga ay kwalipikado sa benepisyong ito.

Pagkatapos nito, kailangang iproseso ang kanilang aplikasyon sa loob lang ng tatlong araw ng kanilang mga kompanya, para malaman kung sila ba ay kwalipikado o hindi sa benepisyong ito.

Ang pandemic leave na ito ay babayaran muna ng kompanya. Pagkatapos, ang halagang kanyang ibinayad sa mga manggagawa ay ibabalik sa kanya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pondong manggagaling sa Department of Labor and Employment o sa Social Security System (SSS).

Kaagad namang inaprubahan ng House Committee on Labor and Employment ang House Bill na ito.
Sa kasalukuyan, naka-binbin pa ang panukalang batas na ito sa Committee on Appropriations.

Subalit hindi lamang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso may panukalang batas tungkol sa benepisyo para sa mga manggagawa sa panahon ng Covid-19.

Sa Senado rin nitong nakaraang Mayo lang ay sinampa naman ni Senador Leila De Lima ang Senate Bill No. 2148.

Ito ay naglalayong magbigay ng paid pandemic leave sa loob ng 10 working days sa lahat ng empleyado sa bansa, nasa gobyerno man o nasa pribado.

Mapapansin na bukod sa mas maikli ang panahon ng paid leave sa Senate Bill ni Senador De Lima (10 araw lamang samantalang 14 na araw ang nasa House Bill No. 7909), ito ay limitado lang sa mga confirmed cases ng Covid- 19.

Hindi ito katulad sa House Bill No. 7909 na pati probable at suspected cases ng Covid- 19 ay kasama.

Ayon din sa Senate Bill ni Senador De Lima, ano mang ibinayad sa mga empleyado dahil sa benepisyong ito ay maaaring i-reimburse ng SSS kapag ang babayaran ay nasa pribado o ng Government Service Insurance System kapag ang babayaran ay nasa gobyerno.

Ngunit hindi lang ang panukalang batas ni Senador De Lima ang nakabinbin sa Senado sa ngayon.
Nitong nakaraang Setyembre, naghain naman si Senador Lito Lapid ng kanyang bersiyon ng batas tungkol sa Covid-19.

Sa kanyang Senate Bill No. 2404, ang sinumang manggagawang taga-gobyerno o kahit sa pribado na mai-expose sa Covid-19 o magkasakit sa virus ay dapat bigyan ng paid leave sa panahong siya ay kailangang nasa mandatory quarantine.

Ang mandatory quarantine period na ito ay dapat hindi lumampas sa 28 araw bawat taon. At ang halaga ng paid leave na ibibigay sa manggagawa ay kailangan hindi bababa sa minimum wage.

Ang pagbayad sa quarantine leave ng empleyado ay hindi makakaapekto sa kanyang kasalukuyang mga benepisyo, kasama ang sick leave at vacation leave, pati na ang hazard pay.

Kaya mga kasama, iyan ngayon ang mga panukalang batas tungkol sa pandemic leave na pinag-aaralan ng Kongreso.

Kung iisipin, matagal nang pinag-uusapan ang kahalagahan na mabigyan ng paid leave ang ating mga manggagawa sa panahon ng pandemya.

Ayon sa datos, hindi bababa sa 4.5 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho simula nang magkaroon ng Covid-19 pandemic. Sa loob naman ng nakaraang 15 taon, ito na ang pinakamataas na unemployment record sa ating bansa.

Kung kaya, tama lang na gumawa ang Kongreso ng nararapat na hakbang para maproteksyunan naman ang kawawa nating mga manggagawa. Dangan nga lang at mukhang napakabagal nito.

Nariyan na ang mga bakuna laban sa Covid-19 ngunit hanggang ngayon ay nananatiling nakapako sa Kongreso ang batas tungkol sa paid pandemic leave ng mga manggagawa. Ito ba ay dahil hindi prayoridad ng Kongreso ang interes ng mga manggagawa?

Magiging prayoridad siguro, gawa ng gaganaping halalan sa susunod na taon.

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.