FEATURED Magsasaka

Kumusta ang magsasaka


Noong 2016 elections, sinabi ni Duterte na tututukan niya ang pag-abante sa agrikultura na nabigong gawin ng administrasyon ni Aquino.

“Binigyan mo ng ilan, two, three o five hectares—land reform? Ibigay mo sa tao. Wala ka namang binigay na fertilizer, walang seedlings, walang suporta.” Noong Pebrero 2016 ipinukol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kritisismong ito sa administrasyon ni Noynoy Aquino.

Palpak, sabi ni Duterte, ang reporma sa lupa. Siya lang sa mga kandidato ng pagkapangulo ang tumugon sa paanyaya sa forum ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Sa harap ng organisasyon at nga iba pang mga magsasaka sinabi niya na oras na maging presidente, sisiguraduhin niyang may maayos na sistema ng suporta ang mga nasa sektor ng agrikultura.

Higit limang taon na ang nakalipas nang maipangako ito at itong nagdaang Oktubre na ang huling National Peasant Month na ipinagdiwang sa ilalim ng administrasyon ni Duterte. Sa kaliwa’t kanang mga protesta, iisa ang tanong ng mga magsasaka: nasaan na ang sapat na suporta?

Kakulangan sa subsidyo sa produksyon at hindi maayos na irigasyon ang ilan sa mga dahilan bakit sumama sa kilos-protesta sa Mendiola nitong Oktubre 21 si Leo Villanueva, magsasaka mula sa Langkaan Uno, Dasmariñas, Cavite.

“Walang patubig doon,” sabi ni Villanueva. Kaya umaasa lang raw sila sa ulan, na mas mahirap na nga antabayanan ngayon dahil sa krisis sa klima.

Lumahok si Villanueva sa malawakang protesta ng mga manggagawa ng agrikultura para makiisa sa panawagan na sapat na ayuda para sa kanilang pamilya at sapat ng panggastos sa produksyon.

“Mahal ang abono. Yung traktora, pinapaupa ng local government unit, P1,500 kada oras,” sabi niya, kaya kulang na kulang panggastos ang kinikita nila. Hindi rin sapat ang ayudang limang kilong bigas at lilimang delata.

Dalawang beses lang daw nakatanggap ang kanyang pamilya ng ayuda. Hinala niya, iniiwasan bigyan ng barangay ang mga kagaya niyang “kumukontra” lang. Sa tunay, aniya, may basehan naman at lehitimo ang kanilang panawagan.

 

Inaagawan

Sa San Jose, Del Monte, Bulacan naman, kung saan nagsasaka si Rolando Javier, dagdag sa banta ng pandemya at naluluging mga lokal na produkto ang nagaganap na pangangamkam ng lupa.

“Humihingi kami ng katarungan para sa mga kasamahan naming pinaalis ng mga Araneta,” ani Javier, kaya sumama rin sila sa protesta sa Mendiola. Kakarampot na nga lang ang kinikita nila, sabi niya, may posisbilidad pang mawalan ng kabuhayan.

Hindi naiiba ang mga problemang ito sa sinabi noong 2016 ni Duterte na kapalpakan ng administrasyon ni Noynoy Aquino.

“Hindi nakapagtataka, kasi kontra-magsasaka si Duterte. Tulad din ng pinangako niyang ibabasura ang kontraktwalisasyon pero mabilis nya rin itong inabandona,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

Giit naman ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at Anakpawis Party-list, “patuloy kaming maniningil sa kanyang kriminal na kapabayaan at kapalpakan.”

Makikita sa datos ng gobyerno na bumaba ang gross domestic product (GDP) ng sektor ng agrikultura noong 2017 hanggang 2020, sabi ng Ibon Foundation. Nasa 9.8 na porsiyento na lang ng GDP ang mula sa sektor, pinakamababa nitong tala sa lahat ng administrasyong lumipas pagkatapos ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.

Sa pinakahuling pagsisiyasat ng Philippine Statistics Authority, ngayong ikatlong kapat ng taon, agrikultura ang nakakaranas pa rin ng contraction o pagbagal sa pagitan ng tatlong mayorya na sektor sa ekonomiya—industry, services, at agriculture.

Ani Adonis, malinaw na trinaydor ni Duterte ang mga magsasaka.

 

Kasalukuyan at susunod

Business as usual naman ang pagtitipid sa badyet pang-agrikultura ng gobyerno para sa susunod na taon, puna ng Ibon Foundation. Tulad ng nagdaang limang taon, hindi lumalagpas sa apat na porsiyento ng kabuuang badyet ng Pilipinas ang nilalaan para sa agrikultura at repormang agraryo.

Ayon kay Rafael Mariano, pambansang tagapangulo ng Anakpawis, bukod sa kawalan ng suporta, hindi rin natigil ang panghaharas at pagpatay sa mga magsasaka.

Sa datos ng Karapatan, mga magsasaka ang bumubuo sa 36 porsiyento ng mga biktima ng massacre sa Pilipinas mula 2016 hanggang nitong Hunyo 2021.

“Hindi tayo dapat pumayag na makapanatili ang mga Duterte sa kapangyarihan,” sabi ni Mariano.

Kasama na rin daw dito ang ang pagbabalik ng mga Marcos, at ng diktadurya.

Hamon naman ni Estavillo sa mga kakandidato para sa eleksiyong 2022, “maglahad ng kongkretong plataporma na tutugon sa deka-dekada nang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, support services at subsidyo sa produksyon, at hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.”

Dagdag niya, “nasa nagkakaisang lakas ng mamamayan ang kapangyarihan para mamili ng kandidatong tunay na magsusulong sa interes ng magbubukid at ng mamamayang Pilipino.” /Pananaliksik ni John Russel Dela Cruz.