FEATURED Main Story

Nagkakaisa, nagpapatuloy


Sa kabila ng kaliwa’t kanang atake sa karapatan, tuloy lang sa laban ang mga organisasyon at nabuong mga alyansa.

Matatapos na ang huling buong taon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pero hindi pa natatapos ang laban ng mga organisasyon, bagong mga alyansa at network, na naglalayong panagutin ang mga may sala at bigyang hustisya ang mga mamamayang Pilipino.

Ekonomiya at politika

Ngayong papatapos ang pangalawang taon sa ilalim ng pandemya at lockdown, lalong nilalakasan ng Ayuda Network ang kampanya para sa sapat na suportang pinansyal sa iba’t ibang mga sektor.

Nariyan ang 10K AYUDA NA Network, na binubuo ng mga maralitang Pilipino na higit naapektuhan ng mga lockdown at tanggalan sa trabaho. Ayon sa kanila, makatao na gampanin ng gobyerno ang pamamahagi ng P10,000 ayuda sa mga Pilipino, para masabayan ang presyo ng mga batayang pangangailangan.

Panawagan ang ayuda sa mga kakandidato sa halalan. Anakpawis Party-list

Sa sektor ng edukasyon, makikita ang parehong panawagan ng Student Aid Network para sa tulong pinansyal sa mga mag-aaral na humakot ng gastusin para sa distance learning ngayong pang-akademikong taon.

“Napakaliit na nga ng mga tinatakdang ayuda ng gobyerno, hindi pa lahat nakatanggap.  Bukod sa maraming hindi nakatanggap ng SAP 1, marami rin ang nakatanggap ng SAP 1 at hindi ng SAP 2.  Marami rin ang hindi nakakuha sa P1,000 para sa ECQ noong Agosto,” sabi ni Anakpawis Party-list Metro Manila Coordinator Francisco Mariazeta III.

“Kaya ang kampanya ng Anakpawis ngayon ay ugnayan lahat ng mga pinabayaan ng gobyerno at tuluy-tuloy na idulog ito sa iba’t ibang antas ng gubyerno at ahensya,” dagdag niya.

Kung may mapagkukuhanan ng pondo para matugunan ang panawagan ng mga network, tingin ng Ibon Foundation malinaw na mapapanggalingan nito ang pondong binubuhos kontra-insurhensiya.

Isa sa mga panawagan sa protesta noong Nobyembre 30. Neil Ambion

“Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ay malaking pagsasayang sa kulang na ngang pondo sa gobyerno,” sabi ng Ibon Foundation. “Gusto [ng NTF-Elcac] ng P28.1 bilyon para sa social welfare and development kahit pa hindi naman eksperto [ang taskforce] sa isyu.”

Bukod sa mga isyu sa pondo ng task force, nariyan rin ang paggambala nila sa iba’t ibang sektor, mula sa pagpanukalang tanggalin ang mga “subersibo” na libro sa mga paaralan, hanggang sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa mga pabrika at pagawaan.

Sa naunang pagbabahagi ni Gabs de los Reyes, dating pangulo ng Wyeth Philippines Progressive Workers’ Union, pinilit ng task force ang unyon na humiwalay sa mga pederasyon na kasapi sa Kilusang Mayo Uno. 

Hindi ito pasanin lang ng unyon sa Wyeth at nang iba pang apektadong mga manggagawa at unyonista. Bahagi ngayon ng inaasikaso ng Labor Rights Defenders Network ang dayalogo sa komite sa paggawa ng Senado at Kongreso, nang makita ng mga mambabatas ang epekto ng EO 70 sa mga mamamayan.

 

 

Sa COP26 protest sa Commission on Human Rights. Jobelle Adan


Tao at kalikasan

Nagkaisa naman ang non-party delegation ng Pilipinas sa UN Climate Summit sa Glasgow, Scotland, sa paggiit na hindi mahihiwalay ang laban para sa kalikasan at laban para sa karapatang pantao.

“Halimbawa, kapag mas umiinit, tumataas ang temperatura [ng daigdig], magkakaroon ng isyu sa pagkain at tubig, at bahagi ito ng karapatang pantao,” sabi ni Atty. Joy Reyes, legal and policy research associate ng Manila Observatory.

Ayon kay sabi ni Lia Mai Torres, executive director ng Center for Environmental Concerns, kailangan tignan kung paano apektado “yung mga magsasaka na direktang nakaasa sa lupa at tubig para sa kanilang kabuhayan. … Yung mga mangingisda na dahil doon sa pag-init ng tubig, nakakapansin sila ng pagbaba ng huli at pagkasira ng corals.”

Kaya isa ngayon sa panawagang bitbit ng mga grupo para sa kalikasan ang “climate finance” o tulong pinansyal sa mga bansang mahihirap at pinakaapektado sa krisis sa klima.

“Isa isa ba siyang utang o isa ba siyang tulong na walang kapalit. Paano ba matitiyak na mapapamahagi yung pera?” sabi ni Torres.

Sa pagtatasa sa datos ng Asian People’s Movement on Debt and Development, nakikita nilang posibleng umabot sa higit 1 trilyong dolyar ang gastusin ng mga developing na bansa tulad ng Pilipinas kung magpapatuloy ang krisis at kawalan ng ambag ng mga mayayamang bansa na pinagmulan ng iilang korporasyon na pinakasumalanta sa kalikasan ng mundo.

Bukod sa pinansya, kailangan rin pansinin ang pagkakaroon ng epektibong polisiya sa Pilipinas.

Ayon kay Reyes, kailangan ng mas epektibo, mas “streamlined” o pinadali na aplikasyon ng mga batas pangkalikasan sa Pilipinas na may pagkilala sa danas at sitwasyon ng mga komunidad.

Kaya kasama sa panawagan ng mga organisasyong makakalikasan ang “just transition” o makatuwirang pagbabago ng lipunan palabas sa mga gawi na hindi nakakatulong sa kalikasan, sabi Mitzi Jonelle Tan, convenor at internasyonal na tagapagsalita ng Youth Advocates for Climate Action Philippines.

Halimbawa na nito ang naganap na jeepney phaseout kung saan hindi naging makato ang implementasyon ng pagbabago para bawasan ang polusyon, aniya.

Hindi pwede kalimutan ang lugar ng mga komunidad at mga sektor sa laban na ito, giit ni Reyes, lalo na ang mga indigenous people.

“Saan mang bahagi ng mundo, kung may grupo ng tao na kailangang kinokonsulta o sinasama sa laban para tugunan ang krisis sa klima, yung indigenous people talaga ito. Kasi sila yung frontliner at sila yung huling linya ng depensa sa krisis sa klima,” sabi niya.

Walong magkakasunod na taon, Pilipinas ang “deadliest” o pinakanakamamatay na bansa para sa mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan sa buong Asya. Ito ay pandadahas, hindi lang sa mga komunidad, kundi sa pinoprotektahan nilang kapaligiran.

“Kailangan natin suportahan yung mga lokal na komunidad na pinakaapektado ng climate change. Kailangan rin natin magtulong-tulong,”  sabi ni Torres. “Hindi natin matitiyak yung pagpapatupad ng mga ganito kung walang nagbabantay na mga mamamayang Pilipino.”