Kontribusyon

Simpleng Pangalan, Dakilang Ambag

January 22, 2022

Napakasimple lang niya. Pero sa mga panahon ng panghihina, matikas na muog ng lakas si Bok.

Isa sa pinakamakabuluhang karanasan ko ang makasama sa pakikibaka si Menandro “Ka Bok” Villanueva, lider ng Partido Komunista ng Pilipinas at New People’s Army sa Mindanao at buong bansa. Naganap ito mula noong rehimeng US-Arroyo hanggang rehimeng US-Aquino, panahon ng malakas na pagsulong ng rebolusyunaryong pakikibaka sa isla.

Malalaman ko sa mga sumunod na panahon na graduate siya ng Philippine Science High School o Pisay at miyembro ng Samahan ng Demokratikong Kabataan o SDK noong kabataan niya. Maaga siyang nakulong at noong makalaya ay dumiretso na sa pagkilos sa kanayunan.

Marami siyang kwento at mahilig magbiro. Masayahin pero mapanuri, kwela pero napakatalas. Naalala ko noong una naming pagkikita, ipinatawag niya ako sa kubo niya. Matagal na raw kasing walang taga-Maynila na nagagawi sa Mindanao. Una niyang tanong, ano ang laman ng bulsa ko. Sabi ko, toothbrush. Aktibista ka nga, wika niya.

Marami siyang tanong, marami rin siyang kwento. Gaya noong pagkahuli at pagkakulong niya sa Cebu, mga byahe niya sa barko at eroplano, mga karanasan niya noong lihis. Mawawari mong isa siyang taong alam lagi ang patutunguhan, laging nakahanda at tila nakikita ang mangyayari sa kinabukasan at hinaharap.

Hindi ko malilimutan iyung kwento niya nang ipatawag siya sa Maynila dati ng pamunuan ng Kilusan. Pagkatapos noon ay may nahuling mataas na opisyal. Naka-schedule na sana ang flight niya, pero hindi siya tumuloy. Ang nangyari, hinuli sa airport sa Davao iyung taong nakaupo sa dapat sana’y upuan niya. Ibig sabihin, nagturo iyung nadakip na kasama. Ibinalita ng kaaway na nahuli na siya. Kinabukasan din, bumiyahe siya sa eroplano papuntang Davao, tiwala siya kasi tutal, nahuli naman na daw siya. Sa kabila ng mga ganitong karanasan, buo pa rin ang tiwala niya sa mga kasama.

Napakasimple lang niya. Paborito niyang mag-shorts at sweater. Minsan naglakad kami na nakapaa lang ako. Ang sabi niya, mas matibay daw ang mga paa ko kaysa sa kanya, kasi nagsusugat siya kapag nakapaa. Ganyan siya, ituturing kang parang ka-edad lang, walang pagkapyudal kang mararamdaman. Alam niya ang mga latest hits sa radyo, kahit mga bagong expression ng mga kabataan.

Sa mga meeting at kumperensya, maalab siyang maglabas ng mga saloobin. Matalas siyang tumutuligsa sa mga pagdududa at diwang pasuko at laging ipinapaliwanag ang maaliwalas na tunguhin ng rebolusyon. Minsang nagpahayag ang isang kasama ng mga pagdududa sa limang-taong plano ng Partido, at marubdob itong sinagot ni Bok. Ipinaliwanag niya ang syentipikong batayan ng pag-unlad ng mga yugto ng rebolusyon at inihapag ang kasalukuyang kalagayan ng Kilusan, ang mga kalakasan at kahinaan at ano na ang mga dapat gawin.

Bilang rebolusyunaryo, laging nasa puso ni Bok ang interes ng masang Lumad. Sinuportahan niya ang pagsusulong ng maraming kampanya niya, mula sa paglaban sa malakihang pagmimina hanggang sa pagtatayo ng mga paaralan at, syempre pa, hanggang sa pagtatanggol sa lupang ninuno. Itinulak niya ang pag-aambag sa anumang pagpapabuti sa buhay at kabuhayan na natatamasa ng mga Lumad ngayon.

Sa mga panahon ng panghihina, matikas na muog ng lakas si Bok. Noong tumama ang bagyong Pablo, kung saan maging ang gubat na aming kinikilusan ay nasira, malinaw ang naging mga kagyat na tagubilin ni niya — ang pagpapakilos sa masa. Nilinaw rin niyang dahil sa pagbabago ng terrain ay may pangangailangan ding magbago sa kilos ng pwersa. Maging ang pagbabalik ng mga punong nasira sa pamamagitan ng pagtatanim upang maibalik ang pisikal na kamoplahe ay itinakda niyang gawin. Kapag walang kamoplahe ang terrain, gumawa tayo nito, sabi niya. Higit pa riyan, lahat ng pagkilos ay nakaangkla sa pagpapalakas ng digmang bayan — ang mabisang talaban ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng baseng masa, at paglulunsad ng agraryong rebolusyon.

Walang katulad ang talas ng kanyang pag-iisip. Lagi niyang alam ang kahihinatnan ng mga bagay-bagay. Minsan, kinwestyon niya ang desisyon ng isang yunit na gawing kumander ng platun ang isang kasama. Aniya, nagtatago ito ng sigarilyo at Coke sa bag, at kung hindi nito kayang ibahagi ang ganoong kaliliit na mga bagay, hindi rin ito maaasahang ibahagi ang kanyang buhay para sa mga kasama. Ilang buwan pagkatapos, bumaba ang naturang kasama, sumurender at nakipagtulungan sa kaaway. Magaling siyang kumilatis ng tao, at mahusay ring magpalabas ng potensyal ng mga kasama. Maraming kadre ng Partido at Hukbo ang nadebelop sa kanyang paggiya.

Isa siya sa mga pundasyon ng kilusan sa Mindanao. Siya, si Oris (Jorge Madlos) at si Ramon (Antonio Cabanatan), ang tila mga maningning na bituin na nagtuturo ng landas ng pakikibaka noon sa Mindanao. Mga matatayog na bundok na hindi mabubuwal ng kahit na anong pagsubok. Lagi silang nakatanaw sa hinaharap at nakakahalaw sa mga karanasan, gumigiya sa libu-libong masa at kasama.

Ang pagkatalaga sa kanya bilang punong kumander ng Bagong Hukbong Bayan ay pagkilala sa natatangi niyang kakayahan, sa kanyang malalim na gagap sa digmang bayan. Sa panahong nasa pokus ng kaaway ang Mindanao, malinaw ang kanyang tindig na tulungang mapalakas ang ibang rehiyon sa Luzon at Visayas. Palagi niyang ipinapaalala ang gerilyang pagkilos upang mapanatiling hawak natin ang inisyatiba laban sa kaaway.

Sa naging huli naming pag-uusap, sinabi niyang panahon na ng “changing of guards” ng Kilusan. Dapat na raw mamuno ang mga nakababatang proletaryado. Naisagawa naman iyun sa kongreso ng Partido at iba pang hakbangin nito. Mataas ang pagtingin niya sa mga kabataan bilang tagapagmana ng rebolusyon, at ang pangangailangang tanganan ang armadong rebolusyon. Matagal na siyang iginugupo ng sakit niyang diabetes, ngunit pinipili niyang manatili sa larangan. Gusto niya laging maging hands-on sa nagbabagong kalagayan ng digmang bayan.

Nitong Disyembre 24, nadakip siya kasama si Sandra “Ka Kaye” Reyes, isa pang kadre ng rebolusyunaryong kilusan sa Mindanao, sa isang labanan sa Davao de Oro. Nitong Enero 6, inanunsyo ng militar na napatay siya sa isang labanan noong Enero 5. Ibig sabihin, mahigit isang linggo siyang bihag ng militar at malamang na tinortyur. Talagang armadong pwersa ng mga mapang-api ang militar, walang konsepto ng makataong digma.

Alam niya, at handa siya, sa mga maaaring maganap sa kanya. Puno ng ngitngit sa kanya ang kaaway dahil sa napakaraming tagumpay na nagawa ng Partido at Hukbo sa Mindanao sa pamumuno niya. Naihanda niya rin ang mga kasama at masa. Bahagi iyun ng pagiging magaling na lider at guro niya. Malaking kawalan ang kanyang pagkamatay ngunit higit itong magbibigay-tanglaw sa pakikibaka.

Paalam Bok! Hindi kayo malilimot! Isang karangalan ang makilala ka!

Avatar

Julio Umil

Contributor.