Husgahan Natin

Pinoy retirement

February 23, 2022

Makakatulong ba ang ating batas pagdating sa mga manggagawang gusto nang magretiro?

Sa isang senior citizen na tulad ko, hindi maiwasang pumasok sa isipan ang tungkol sa pagreretiro.

Pagkatapos ng mahabang taon ng pagtatrabaho at pagtulong sa pamilya, natural lamang sa isang senior citizen na tumingin sa maaliwalas at maayos na pagreretiro. Pero makakatulong ba ang ating batas pagdating sa mga manggagawang gusto nang magretiro? Ang batas natin pagdating sa retirement sa mga manggagawa na nasa pribadong kompanya ay matatagpuan sa Labor Code (PD 442) na nagkaroon ng bisa noon pang 1974. 

Dating matatagpuan sa Artikulo 287 ng Labor Code, ito ngayon ay nasa Article 302 na dahil sa ginawang pag-aamyenda sa Labor Code ng Republic Act No. 7641 noong 1993 at ng Republic Act No. 8558 noong 1997. Sinasabi ng ating Labor Code na ang sinumang manggagawa sa pribadong sektor ay maaaring magretiro alinsunod sa nakasaad nilang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kompanya.

Paano kung walang CBA ang kompanya? Ang dapat sundin ay ang mga patakaran o polisiya ng kompanya na makikita sa mga kontrata nito sa kanyang mga manggagawa. Kailangan lang, ang nakapaloob sa mga employment contracts na ito ay nagbibigay ng benepisyo sa mga magreretirong manggagawa nang hindi bababa sa benepisyong binibigay ng batas.

Paano ngayon kung walang employment contracts ang isang kompanya o kung meron man, walang nakasaad dito hinggil sa pagreretiro ng kanyang mga manggagawa? Sa ganitong sitwasyon, ang nakasaad na mga alituntunin sa ating Labor Code ang dapat sundin.

Una, sinasabi ng Labor Code na ang isang manggagawa na may 60 taon na, basta ba siya ay nakapagserbisyo na sa kompanya nang hindi bababa sa limang taon, ay maari nang magretiro kapag nais o gusto na niya. Ang tawag dito ay optional retirement. Ibig sabihin, ito ay batay sa kagustuhan ng manggagawa. Kung sakaling ayaw pa niyang magretiro at gusto pa niyang magtrabaho, siya ang masusunod at walang magagawa ang kompanya.

Ngunit pagdating ng manggagawa sa edad na 65 taon, obligado na siyang magretiro sa gusto man niya o sa hindi. Ang tawag dito ay compulsory retirement. Ibig sabihin, ang batas mismo ang nag-uutos na magretiro na ang manggagawang nasa edad 65 na taon at obligadong sumunod ang kompanya at ang manggagawa dito.

Ano naman ang benepisyong makukuha ng isang manggagawa sa kanyang pagreretiro sa kompanya?

Ang isang mangagawang magreretiro sa kompanya ay dapat bayaran ng kompanya ng kanyang retirement feeAng retirement fee na ito ay nasa halagang 22.5 na araw niyang sahod sa kompanya na dapat imultiply sa kung ilang taon na siyang nanunungkulan dito. Paano ang tamang pagkompyut sa retirement fee ng isang manggagawa? 

Ipagpalagay nating 40 taon na siyang nanungkulan sa kompanya bago magretiro. Ang kanyang sahod ay nasa minimum wage lamang at nagkataong nasa Metro Manila ang kanyang kompanya. 

Ang pagkuwenta ng kanyang retirement fee ay ganito: P537.00 per day (minimum wage sa National Capital Region ngayon) x 40 years (bilang ng taon ng kanyang panunungkulan sa kompanya ) x 22.5 days = P483,300. 

Kaya, P483,300.00 ang kanyang matatanggap sa loob ng kanyang 40 taong paninilbihan sa kompanya. 

Ang benepisyong ito ay tax-exempt o walang buwis. Kung may SSS ang manggagawa, iba pa ang kanyang matatanggap mula sa SSS. Ngunit hindi kasama ang Cost of Living Allowance (COLA) na binibigay ng kompanya sa kanyang mga empleyado sa pagkompyut ng retirement fee. 

Hindi rin kasama sa batas na ito ang mga retail, service at agricultural establishments na hindi lalampas sa 10 ang kanilang manggagawa o empleyado. Hindi rin kasama ang mga kawani ng gobyerno dahil sila ay may sariling batas na sinusunod sa kanilang retirement benefits. 

Pagdating naman sa underground mine workers, maari na silang mag-optional retirement sa edad na 50 taon basta nakapagtrabaho sila sa kompanya ng hindi bababa sa 5 taon. Pagdating nila sa edad 60 ay obligado na silang mag-compulsory retirement.

Ganun mga kasama ang batas dito sa atin pagdating sa retirement. Ang hindi pagsunod o paglabag sa nasabing batas ay may kaparusahang pagkakulong o di kaya, ang pagbayad ng kaukulang multa.

Ngunit alam ba ninyo na ayon sa isang pag-aaral noong 2019 na ginawa ng Melbourne Mercer Global Pension Index, isang international research group na nakabase sa Australia, lumalabas na ang sistema ng retirement dito sa ating bansa ay isa sa pinakapangit sa buong mundo? Sa kanilang pag-aaral na ginawa sa retirement system ng 37 bansa, lumalabas na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakapangit na sistema.

Kung sa bagay, ayon sa isang sarbey ay 90 porsiyento sa mga Pilipino ang naniniwala na lalong hihirap ang buhay na kanilang haharapin pagkatapos nilang mag-retiro. Ito ay hindi maiwasan dahil mababa ang ating minimum wage. Ayon sa datos, ang minimum wage natin ay hindi nakakatugon sa kalahating halaga man lang na kailangan ng isang pamilya upang mabuhay nang disente.

Kaya kung naghihirap ang isang manggagawa sa panahong siya ay may trabaho pa, paano na kaya sa panahong siya ay nagretiro na at wala nang trabaho?

Wala tayong nakikitang solusyon sa bagay na ito kundi pilitin ang mga may-ari ng kompanya na taasan ang retirement benefits ng kanilang mga manggagawa. At iyan ay magagawa lamang natin kung tayo ay may isang tunay, palaban at makabayang unyon sa loob ng ating mga kompanya.


Featured image: Neil Ambion
Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.