FEATURED Kababaihan Manggagawa Maralitang Lungsod

Inonse sa pakete


Sa likod ng sikat na online shopping platforms at halos instant na pamimili, kaliwa’t kanan ang kuwento ng mga manggagawa na katiting lang sinasahod.

Para kay Delia*, manggagawang kababaihan sa isang pabrika sa Valenzuela City, lampas walong oras ang kailangan para abutin ang pagbabalot ng deliveries na nagkakahalaga ng P5,000 para sa Lazada at Shopee. Ito raw ang arawang quota ng kompanya. 

Ang masaklap, P32 lang ang sahod niya sa unang sabak sa trabaho noong Oktubre 9 – halos anim na porsiyento lang ng P537 minimum na sahod sa NCR. At hindi pa ito binabayaran hanggang ngayon. 

Isa si Delia sa dose-dosenang kababaihang manggagawang nagbabalot ng mga produkto ng isang hygiene and household products company na binebenta sa sikat na e-shopping platforms gaya ng Lazada at Shopee

Kwento ni Delia, nagdadagdag ng on-call workers ang kompanya lalo kapag may big sale gaya noong 11.11. 

Sa Shopee Mall, binebenta ng kompanya ang wet wipes, baby laundry detergent, diapers at iba pang hygiene products mula Tsina. 

Mahigit kalahating milyon ang followers ng kompanya sa kanilang Shopee account at may 4.9 na shoppers’ rating para sa mga produktong pamilyar sa mga ina. Sa likod nito, kalupitan sa manggagawang kababaihan ang temang tumatahi sa mga kwento ng subcontracted packers tulad ni Delia.

“Pag otso oras lang (6 AM hanggang 2 PM), hindi namin kaya yung P5000 na quota… kaya i-extend kami minsan hanggang 10 PM. Kumbaga straight time kami pero ang kikitain namin talagang, Diyos ko, napakababa,” ani Delia, nasa 30s at may dalawang anak.  

“Hindi makatarungan yung trabaho kasi bibilisan mo talaga kasi kailangan talaga. Kasi pakyawan kaya kailangan mong makarami di ba,” dagdag niya. 

Ayon kay Delia, P3.50 ang bayad kada manggagawa sa kada wet wipes na maibabalot. Mas mababa pa ang rate sa iba pang produkto gaya ng diaper. Sa Shopee, nasa P46 ang presyo ng wet wipes ng kompanya. 

Para abutin ang P5,000 na quota, kailangang magbalot ng 108 wet wipes sa isang araw, na hindi ganoon kadali kaya nag-oovertime ang mga manggagawa ayon kay *Sheila, katrabaho ni Delia. At kahit abutin ang quota, nasa P100 hanggang P300 lang ang daily take-home nila.

“Karaniwan na OTTY (overtime thank you) kami, walang bayad yung overtime. Kahit nga yung isa naming team leader, walang OT pay,” ani Sheila. 

Ayon sa konserbatibong pagtataya, nasa 23 porsiyento hanggang 30 porsiyento ang gender wage gap o agwat ng sahod ng manggagawang kababaihan at manggagawang kalalakihan sa Pilipinas. 

Partikular na konsentrado rin ang mga kababaihan sa mga trabahong panandalian, bulnerable at mababa ang pasahod sa wholesale and retail trade at manupaktura, ayon sa Center for Women’s Resources

“Pinapasok ng mga kababaihan ang mga trabahong iregular at sayad sa lupa na pasahod dahil sa malawak na tanggalan bunsod ng pandemya,” ayon kay Lani Buena, Kilusan ng Manggagawang Kababaihan

Ayon sa grupo, ipinapakita ng kalagayan nina Delia at Sheila ang kahalagahan ng panawagang P750 pambansang minimum na sahod at pagwawakas sa kontraktwalisasyon. 

Hiling ni Delia, dapat gawing makatao ang pasahod at trabaho sa kanilang kompanya. “Kapag andyan na yung kukuha ng order gaya ng Shopee, sisigaw-sigawan kami na bilis-bilisan. Hindi naman kami robot, hindi kami makina,” aniya. 

*Hindi inilagay ang tunay na pangalan para sa seguridad


Featured image: Litrato ni Cindy Aquino sa International Working Women’s Day protest sa Liwasang Bonifacio