FEATURED Main Story

Silang buo ang loob at lumalaban


Kung may panahon raw para mas lalong manindigan para sa kalayaan at karapatan, ito ang panahon na iyon.

“Ang bata-bata naman,” tapos “babae pa.” Hindi na bago ang mga hirit na ito mula sa mga nakikiusyoso, siguro dala ng pagkamangha nila sa gawain ng mga kababaihang buo ang loob maglingkod sa iba’t ibang komunidad. 

Si Rose

“Simula noong umupo si Duterte bilang Presidente, sunud-sunod na ang naging atake sa mga lumad,” sabi ni Rose Hayahay, volunteer teacher mula sa Save Our Schools Network. “Umabot na nga sa 95 indibidwal ang humaharap sa iba’t ibang atake at kaso sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil sa kanilang pagtindig para sa karapatan ng mga lumad.”

Ayon pa sa kanya, malaki talaga ang naging dulot ng pagpapasara ni Duterte sa 216 paaralang lumad. “Mahigit 10,000 na estudyanteng lumad ang hindi na nakapag-aral.”

Kontribusyon.

Dahil dito, ang ilan sa mga dapat naging estudyante ni Teacher Rose, maaga nag-asawa o kaya dumiretso sa pagtatrabaho. Ang iba pa nga, aniya, sumama sa militar at kinakasangkapan na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

“Sa kabila nito, marami rin naman ang nagpapatuloy para sa karapatan ng mga lumad,” sabi ni Teacher Rose.

Lubhang nanganib din ang buhay ng volunteer teachers sa kanilang mga paaralan. Humarap sila sa iba’t ibang porma ng panggigipit at pananakot. “Hindi na nga lang pagpapatahimik ang nangyayari ngayon kundi pagpatay na sa mga tumitindig at lumalaban para sa karapatan sa edukasyon ng mga batang lumad,” dagdag ng guro.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang mga guro tulad ni Rose sa pagtulong at pagtuturo sa mga lumad. “Kung mayroon mang panahon upang mas lalong manindigan para sa kalayaan at karapatan ng pambansang minorya, ito ang panahon na iyon,” sabi niya.

Si Alicia

Isa si Alicia Lucena sa mga tumungtong sa entablado noong protesta para sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, Disyembre 10. Isa siya sa maraming kabataan na naniniwalang kailangan ng pagbabago sa bansa. At direkta sa kanyang danas, naniniwala siyang dapat magbago ang trato ng gobyerno sa kanilang mga aktibista.

“Hindi talaga naging mabuti sa akin ang red-tagging lalo na sa mental health ko. Ilang panahon din akong nagkaroon ng matinding pagkabalisa kapag nakakakita ako ng kamukha ng aking magulang at mga pulis,” sabi niya.

Isa si Alicia sa mga aktibista na nakaranas ng matinding red-tagging mula sa kanyang magulang. Pumunta pa sina Francis at Relissa Lucena sa Korte Suprema para manawagan na ibalik na siya sa kanila.

Kasama ang Philippine National Police (PNP) at NTF-Elcac, nagsampa ng kasong kidnapping laban sa Anakbayan, Kabataan Rep. Sarah Elago, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, at Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison, kasama ang iba pang aktibista.

Dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang kaso. Ayon sa Korte Suprema, nasa tamang edad na si Alicia Lucena na magdesisyon para sa kanyang sarili. Malaya siya saan man niya gusto pumunta at kung sino man ang gusto niyang makasama. Kailangang respetuhin ang kanyang desisyon hanggat hindi ito labag sa batas at sa karapatan ng ibang tao.

Litrato ni Tatti Hermoso mula sa Tinig ng Plaridel.

Gaya rin ng naging desisyon ng Korte Suprema, napatunayan ng Department of Justice (DOJ) na hindi siya pinipilit sa kung anuman ang nais niyang gawin.

Ayon naman sa DOJ, ang Anakbayan ay isa lamang komprehensibong pambansa-demokratikong masang organisasyon na kabataang Pilipino na naglalayong ipaglaban ang karapatan sa trabaho, reporma sa lupa, edukasyon, kalayaan, at hustisya.

Agosto 23 ng nakaraang taon, humarap sa media si Alicia para ikuwento ang pinagdaanan niya at bakit hindi niya bibitawan ang pagkilos sa hanay ng kabataan.

“Lumalaban naman tayo hindi lang para sa bayan, para rin sa mga pamilya natin, para sa mga kaibigan natin,” sabi niya noon.

Panawagan nila

Sa magkahiwalay na panayam kay Rose at Alicia, sinabi nila na isa sa inaahasan nilang titindigan na isyu sa papalapit na halalan ang pananatili ng NTF-Elcac.

Sabi ni Alicia, “dapat na talagang buwagin ang walang kwentang NTF-Elcac na walang ibang ginawa kundi siraan ang mga lehitimong organisasyon na nagsusulong ng mga panawagan ng masang Pilipino.”

Ganito rin ang posisyon ni Rose, bukod pa sa paalala sa mga kanindato na dapat nilang ipaglaban ang interes ng pambansang minorya.

“Dapat mayroon silang panigan, dahil kung hindi sila papanig at makikinig sa mga panawagan ng pambansang minorya, iba ang interes na kanilang pinaglilingkuran – iyon ang interes imperyalismong US at Tsina,” sabi niya.