Konteksto

Kalayaan sa pamamahayag bilang isyu sa halalan

March 11, 2022

Nararapat lang na maging bahagi ng mainit na talakayan sa panahon ng kampanya ang midya, lalo na ang kalayaan sa pamamahayag.

Mahalaga ang midya sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Sa panahon ng halalan, nakadepende ang mga botante sa mga peryodista’t manggagawa sa midya para sa impormasyong makakatulong sa pagpili ng mga kandidato’t party-list.

Ano-ano ba ang kanilang kakayahan at plataporma? Sino-sino kaya ang matitino’t karapat-dapat na maupo sa puwesto? Sa kainitan ng kampanya, sana’y maging mainit din ang talakayan hinggil sa mahahalagang isyu sa lipunan.

Bagama’t hindi nagkukulang ang midya sa pagbibigay ng pinakahuling impormasyon tungkol sa mga kandidato’t partido, napapanahon ding suriin ng midya ang sarili. Ano ang kalagayan ng midya? Kumusta ang estado ng pamamahayag? Ano ang relasyon ng mga peryodista’t manggagawa sa midya, sa mga nasa kapangyarihan?

Simpleng tanong: Mayroon pa bang kalayaan sa pamamahayag?

Hindi maikakaila ang mga nangyayaring atake sa midya. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ng Reporters Without Borders na “press freedom predator” si Pangulong Rodrigo Duterte. Ikapito pa rin ang Pilipinas sa listahan ng 12 bansang nasa Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ). Umaabot din sa ibang bansa ang mga balita tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN at panggigipit sa Rappler. Hindi ba’t nakakahiya para sa administrasyong Duterte na binigyan ng parangal noong 2021 ng Nobel Norwegian Committee si Maria Ressa ng Rappler dahil sa kritikal na pag-uulat nito? Aba, kahit ang peryodistang si Manny Mogato ay nanalo ng Pulitzer Prize for International Reporting noong 2018 dahil sa pag-uulat ng kanyang grupo sa Reuters hinggil sa giyera laban sa droga ni Duterte.

Hindi tuloy nakakagulat na nag-uulat na ang midya tungkol sa midya! Ang mga peryodistang dating nasa likod ng kamera’t mikropono, hinahabol na ngayon para mainterbyu ng kapwa peryodista. Maraming organisasyong pang-midya tulad ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) na naglalabas ng pahayag tungkol sa mga isyung may kinalaman sa midya’t demokrasya. Kahit ang news media organizations tulad ng CNN Philippines ay napipilitang maglabas ng pahayag kung nasasangkot sa isyu tulad ng red-tagging. Bagama’t hindi dapat nagiging bahagi ng balita ang peryodista, kakaiba na ang panahon dahil sa pinagdaraanan ngayon ng midya.

Patuloy na magiging laman ng balita ang midya hangga’t walang hustisya para sa halos 200 pinatay na peryodista mula pa noong 1986. Patuloy na mag-aalala habang inaalala ang pag-aresto noong Pebrero 2020 kay Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista na biktima ng red-tagging. Patuloy na kokondenahin habang nilalabanan ang cyber-attacks na ginagawa sa websites ng maraming dominante at alternatibong midya.

Sabi ng gobyerno, buhay na buhay raw ang kalayaan sa pamamahayag. Hugas-kamay naman ang mga nasa kapangyarihan sa pinagdaraanan ng maraming peryodista’t manggagawa sa midya. Sa katunayan, sinisisi pa nila ang mismong midya sa anumang kinasasadlakan nila. Sa kaso ng ABS-CBN at Rappler, wala naman daw kinalaman sa kalayaan sa pamamahayag ang mga isyu dahil simpleng paglabag lang sa mga batas ang nangyari sa kanila.

Sa gitna ng kasalukuyang kampanya para sa halalan sa Mayo, napapanahon nang isama ang kalayaan sa pamamahayag bilang susing usapin. Kung nakakayang mangako ng mga kandidato’t grupong party-list ng kung ano-ano, makakaya naman siguro nilang ipaliwanag ang kanilang paninindigan sa kalagayan ng midya sa pangkalahatan, habang tinututukan ang sitwasyon ng ABS-CBN, Rappler at iba pang organisasyong pang-midyang inaatake sa iba’t ibang paraan.

Simpleng tanong lang: Kung mayroon silang adyenda para sa ekonomiya, ano ba ang kanilang adyenda para sa midya?

Paano kaya maitataguyod ang kalayaan sa pamamahayag? Magkakaroon kaya sila ng imbestigasyon sa maraming kaso ng red-tagging at cyber-attacks kung sakaling manalo sila sa halalan? Ilang halimbawa lang ito sa mga tanong na dapat sagutin ng mga kandidato.

Napakahalaga ng halalang ito para protektahan ang anumang nalalabi sa ating demokrasya, para iligtas ang bayan sa mga nagpapakalat ng kasinungalingan at karahasan. Nararapat lang na maging bahagi ng mainit na talakayan sa panahon ng kampanya ang midya, lalo na ang kalayaan sa pamamahayag.


Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Danilo Araña Arao

Danilo Araña Arao

Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat Multimedia at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.