FEATURED Migrante

Pag-agapay sa mga migrante


Napakalaki ng ambag ng mga Overseas Filipino Workers lalo na sa ekonomiya ng bansa. Ngunit patuloy ang kanilang pagdurusa, at sa haba ng panahon, hindi natutugunan ang kanilang kagalingan at mga karapatan.

Sa lumillit na kita dulot ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo at kakulangan ng oportunidad dahil sa pandemya at krisis, paano pa nga ba tayo makaaagapay?

Para sa maraming Pilipino, ang sagot ay ang pagtatrabaho sa ibang bansa.  Kahit sa gitna ng krisis at kaguluhan sa maraming mga bansa sa daigdig, itinutulak ng kalagayan ang marami sa atin na maghanap-buhay sa ibayong dagat.  

“Wala kaming mapagpipilian.  Kailangang kumain ng pamilya namin at ang pagkakataon para sa amin na matugunan iyon ay nandoon sa abroad,” ani Marvin Rimas, isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa United Arab Emirates.  

Noong 2020, natanggal sa trabaho at napauwi ng Pilipinas si Marvin matapos magsara ang restaurant na kanyang pinagtatrabahuhan, dulot ng pandemya. May maliit siyang nalikom para makapagsimula ng milk tea shop sa Tanauan, Batangas. Pero hindi nagtagal, nagsara din dahil sa liit ng benta. Hindi mawala sa isip niyang na muling magtrabaho sa ibang bansa. 

Migrante Philippines

“Napakahirap mabuhay sa Pilipinas. Gustuhin man ng maraming katulad ko na manatili kasama ang pamilya namin, hindi man lang kami nabibigyan ng pagkakataong makipagsapalaran at kumayod dito sa bansa,” aniya.

Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), may 70,000 Pilipinong umaalis ng bansa kada buwan noong 2021.  Inaasahang tataas pa ito ngayong 2022. 

Ang mga migrante bilang ‘economic frontliner’

Napakalaki ng papel ng remittances para mapanatiling tumatakbo ang ekonomya ng Pilipinas. Sa kabila ng mababang antas ng empleyo, atrasadong agrikultura at mababang sahod, inililigtas ng padalang pera ng mga migrante ang ekonomya natin sa ganap na pagbagsak. Dito nakukuha ng mga nasa manupaktura at serbisyo ang kitang magagamit upang magpatuloy sa operasyon.

Umabot sa $34.9 bilyon ang remittances noong 2021. Katumbas ito ng siyam na porsiyento ng kabuuang kita ng bansa o Gross Domestic Product. Tatlong ulit ang laki nito kumpara sa $10-B mula sa dayuhang pamumuhunan.    

Kahit pandemya, naghanap ng dagdag na pagkakakitaan ang maraming migranteng nabawasan ng kita para patuloy na makapagpadala. Sa halip na umuwi, marami sa mga nawalan ng trabaho ang nagsumikap maghanap ng kabuhayan.

Pinagkakakitaan, pinahihirapan

Siguradong may pakinabang ang gobyerno sa bawat migrante, mula sa $25 na membership fee sa Overseas Workers Welfare Administration, gayunin sa iba pang gastusin para makapagtrabaho sa ibang bansa. 

Kahit sa gitna ng pandemya, nagpapataw ang gobyerno ng dagdag singilin.  Itinutulak nito ang sapilitang pagbabayad ng mga buwanang premium sa Social Security System na P2,400 at sa PhilHealth na P700, at ang mandatory insurance na nagkakahalaga ng $144.

Migrante Philippines

Lubos na ikinagalit ng mga migrante ang malakihang pagtaas ng singilin sa passport renewal sa mga embahada ng gobyerno sa ibang bansa na umaabot sa P4,900 hanggang P7,540.   

Ngunit ang papalaki at dagdag na singilin ay hindi naman din nagdulot ng mas mabuting serbisyo. Sa panahon ng pandemya, pahirap sa mga migrante ang pasikot-sikot at mabagal na proseso ng pag-aabot ng tulong ng gobyerno.

Hindi nawawalan ng mga istranded na Pilipino sa mga pasilidad ng gobyerno sa ibang bansa. Nasaksikhan natin ang libo-libong kababayan nating pinabayaan at pinahirapang makauwi mula sa temporary shelters, quarantine facilities at mga paliparan.  

Marami ang humihiling nang mapauwi pero hanggang ngayo’y nasa ibang bansa pa.  Malaking bahagi pa rin ng mga displaced OFWs, sa panahon ng pandemya na tinatayang mahigit isang milyon, ang wala pa ring natatanggap na ayuda mula sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE-AKAP).  Tambak din ang mga hindi pa naaksyunang reklamo ng mga biktima ng abuso at pangmamaltrato na naghahangad ng hustisya at kompensasyon sa POEA, National Labor Relations Commission, at OWWA.

Kalagayan ng mga migrante

Sinasalamin ng mga OFW sa Hong Kong na nagkaCovid-19 ang kalagayan ng ating mga migrante — dumaranas ng diskriminasyon at abuso mula sa amo at hindi nakatatanggap ng sapat na tugon mula sa gobyerno. 

Daan-daan sa kanila ang basta na lamang tinanggal dahil sa pagkakasakit at pinabayaang magpakalat-kalat sa siyudad.  Dahil hindi agarang nakikita ng gobyerno ng Pilipinas ang kanilang kalagayan, namumuhay sila ngayon sa awa ng goberyno ng Hong Kong, at tulong ng mapagmalasakit na mamamayan, at organisasyong maka-migrante. 

Sa Middle East, walang tigil ang pagpapaabot ng reklamo ng pagmamalupit sa mga Pilipinong domestic worker.   Araw-araw, isinasalaysay ng marami sa kanila, kahit sa mga social media, kung paano saktan, gutumin, pagtrabahuhin nang walang pahinga.  Hindi rin matigil ang mga sekswal na pang-aabuso at trafficking na kung minsa’y alam, kung hindi man kinukunsinte at kasabwat pa, ng kanilang recruitment agencies at ilang tauhan ng gobyerno ng Pilipinas. 

Tinatayang 60,000 manggagawa mula Saudi Arabia na naging biktima ng krisis mula 2014 ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang mga pinaghirapang sahod at benepisyo. 

Taong 2016 pa nangako si Pangulong Rodrigo Duterte at si Labor Secretary Silvestre Bello III na titiyakin ang distribusyon ng kanilang claims ngunit 2022 na ay wala pang kasiguruhan kung kailan at paano nila ito makukuha.

Sa huling datos ng International Organization for Migration (IOM), 83 porsiyento o walo sa sampung migranteng napauwi dahil sa pandemya ang nananatiling walang trabaho pagkatapos ng tatlong buwang pananatili sa PIlipinas.

May programang reintegrasyon ang gobyerno pero nagmimistula itong ‘token’ dahil hindi sapat ang pondo para sa lahat ng apektadong OFW.  Wala ring estratehikong plano kung paano makabangon at magkaroon ng oportunidad na magtrabaho sa Pilipinas ang mga umuwing OFW.

Patakaran ng gobyerno

Naniniwala ang gobyernong Duterte na para kalingain ang mga migrante at ayusin ang sistema ng migrasyon sa bansa, kailangang magbuo ng ahensyang magbibigay prayoridad at magpapadali ng mga proseso hinggil sa migrasyon. 

 

Sa bisa ng RA 11641 na pinirmahan ni Duterte noong Disyembre 30, 2021, kinulumpon sa Department of Migrant Workers ang mga opisina ng gobyerno, sa pangunguna ng POEA, para daw maging mas epektibo ang paglilingkod sa mga OFW. 

Hindi nito binago ang patakaran sa migrasyon na nagdudulot ng pagdurusa ng mga migrante at mamamayan.  Bagama’t laman ng batas na pansamantalang programa lamang ang pagpapadala ng Pilipino sa ibang bansa, at na nakatuon ito sa pagbibigay ng trabaho sa loob ng bansa, tunguhin pa rin nitong pagtibayin ang eksportasyon ng mga manggagawa.

Nakatuon ang batas sa “propesyonalisasyon” at pagpapadali ng proseso ng rekrutment sa mga Pilipino.  Malinaw din sa mga  probisyon ang paghuhubog sa mga OFW para maging mas kompetitibo.

Isinasaad ng batas ang AKSYON FUND o pondong ilalaan para sa serbisyo sa mga OFW. Pero kaiba sa Legal Assitance Fund, walang tiyak na halagang inilaan para dito.  May probisyon tungkol sa reintegrasyon ngunit nananatiling maliitan at walang pagsaalang-alang sa paglikha ng maramihang disente, sapat at regular na trabaho. 

Migrante International

Produktong pang-eksport pa rin ang turing sa mga migrante, kaya’t may ibubunga mang pagbuti ang reorganisasyong ito kumpara sa dating kaayusan, hindi ito magiging signipikante para abutin ang kanilang aspirasyon para sa serbisyo at proteksyon, pagpapatigil sa makabagong porma ng pang-aalipin, pantay na pagrespeto sa karapatan at pagwawakas ng kondisyon para mapilitang mangibang bayan.

Hamon sa mga migrante

Maryoong magagawa ang mga migrante upang makaagapay at lubusang mawakasan ang mga pagsubok at balakid. Habang ipinaglalaban ang ating kabuhayan, kailangang may gawin tayo upang baguhin ang ating kalagayan.

Makatarungan ang bawat kahilingan ng mga OFW para sa makataong sahod, mabuting kalagayan sa paggawa at respeto sa ating karapatan bilang migrante.  Nararapat lamang na matamasa ng mga OFW ang sapat at agarang ayuda, serbisyo at proteksyon.