FEATURED Plantita C

Tiwala sa Oregano


Mga kabaro ang ibabahagi ko ngayon ay ang pagtatanim ng halamang Oregano. Bukod sa napakadaling itanim at paramihin, madami din itong gamit.

Ang pagtatanim ng halaman ay magandang therapy sa ating mga nanay at sa lahat ng gustong sumubok nito. Malilibang ka na, may mapapala ka pa. 

Mga kabaro ang ibabahagi ko ngayon ay ang pagtatanim ng halamang Oregano. Bukod sa napakadaling itanim at paramihin, madami din itong gamit. Pwedeng panghalo sa pagkain, gamot sa pagdudumi, pangangati ng balat, ubo at pambugaw din ng mga lamok at ipis.

Mga tanim na oregano ni Cynthia Espiritu

Magtanim ng oregano. Sa pagtatanim, hindi problema kung maliit lamang ang espasyo ng bahay dahil kahit sa lata ng gatas, plastic na lalagyan ng Zonrox at iba pa ay maaaring butasan sa ilalim at lagyan ito ng lupa. Ang halamang Oregano ay nagkalat lamang sa mga bakuran. Magputol at ilubog lamang sa lupa.  Mahalagang matiyak na nakabilad sa araw ang inyong tanim at araw-araw na nadidiligan.

Gamot sa ubo at pagdudumi. Ang Oregano ay maaaring gawing tsaa.  Magputol lamang tatlo o limang dahon at ilubog sa isang basong may mainit na tubig. Haluin at hayaang sumama sa tubig ang katas nito. Gawing regular ang paginom at makakaramdam kayo ng ginhawa. 

Gamot sa pangagati ng balat. Pumitas ng dahon at pigain ito. Ang katas ay ipahid sa inyong balat. Ilang segundo lamang mawawala ang pangangati. 

Halimbawa ng hinimay na oregano. Cynthia Espiritu

Panghalo sa pagkain. Madalas na hinahalo ang oregano sa spaghetti, kaldereta at iba pang masarsang pagkain na kakayanin ng ating bulsa. Magpitas ng isang dahon at himayin ng maliit o kahit buo na lamang. Ipatong lang sa inyong ihahapag na ulam. Tandaang matapang ang lasa nito kung kaya’t konti lang dapat ang hinahalo sa pagkain.

Pambugaw sa lamok at ipis. Ayaw ng mga insekto ang amoy ng Oregano.  Kunin ang mga nalalaglag at natutuyong dahon at gupitin ng maliliit hanggang sa lumabas ang katas. Isaboy ito sa madidilim at malimit na basang  lugar ng inyong bahay gaya ng kusina, labahan at sa mga sulok ng mga kabinet.  Hindi kelangan bumili ng pagkamahal-mahal na ‘baygon’ bukod sa delikado ang kemikal nito sa ating kalusugan.