FEATURED Plantita C

Masustansyang kangkong sa nagtataasang bilihin


Ang masustansyang kangkong ang maaari nating pagbalingan upang kahit paano mairaos natin ang pangangailangan sa araw-araw.

Mga mare’t pare kamusta naman ang pagkain sa panahong nagtataasan ang mga presyo ng bilihin?

Ngayong napakahirap nang pagtagpuin ang sahod at gastusin, lalong hinahamon tayo na maging maparaan upang mapakain natin ang ating pamilya. Ang masustansyang kangkong ang maaari nating pagbalingan upang kahit paano mairaos natin ang pangangailangan sa araw-araw.

 

Magtanim ng kangkong

Napakadaling itanim ng kangkong. Makakabili nito sa palengke sa halagang sampung piso.  Maaari niyo nang iluto ang kalahating bahagi kung saan nakatumpok ang mga dahon nito at ang bahaging ibaba ay maaari nang itanim o kaya ibabad lang sa tubig.  Itapat sa lilim ng dalawang araw at sa ikatlong araw ay itapat na sa arawan.  Tiyaking ang ibinabad sa tubig ay napapalitan ng tubig upang hindi ito bahayan ng lamok.

Matapos ang isang linggo may matatalbusan at maluluto na kayo.

 

Iba’t ibang paraan ng pagluluto ng kangkong:

  1. Kangkong sa Sinigang – Hindi man natin makayanang bumili ng kalahating kilong baboy o isda, bumili kahit 1/4 at hiwain nang maliliit. Pakuluin kasabay ng sibuyas, kamatis at pampaasim at lagyan ng asin at paminta. Huling ipatong ang kangkong. 

 

  1. Adobong Kangkong – Ipaghalo ang 1 tasang toyo at 1 tasang suka lagyan ng paminta, laurel at konting asukal. Maggisa ng 3 pirasong bawang at 1 sibuyas.  Ihalo ang kangkong at ang tinimplang sarsa. Pakuluin hanggang sa maluto at lumapot nang kaunti. 

 

  1. Kangkong with Oyster Sauce – Igisa ang kangkong sa bawang at sibuyas.  Kung may tokwa hatiin sa cubes at isama sa paggisa. Ihalo ang 1 sachet ng oyster sauce. 

 

  1. Binagoongang Kangkong – Igisa ang 2 kutsarang bagoong sa bawang at sibuyas saka ihalo ang kangkong. 

 

  1. Tortang Kangkong – Paghaluin ang 1 itlog, konting asin, paminta at arina. Ibabad dito ang Kangkong at ipito nang magkakalayo para maging malutong. Pwedeng isawsaw sa ketchup.

 

Nawa’y makatulong ang mga putaheng ito sa araw-araw nating pag-angkop sa nagtataasang presyo ng bilihin (habang ipinaglalaban ang ayuda at pagtanggal ng buwis!)