Istorya ng Linggo

Semento sa sakahan, dahas sa taniman

April 9, 2022

Kakambal ng pagdami ng imprastruktura sa San Jose del Monte ang panggigipit sa mga magsasaka. Ito ang lihim na hindi maitatago ng “Rising City” ng Bulacan.

Sa gitna ng ipinagmamalaking pag-unlad ng siyudad ng San Jose del Monte (SJDM) sa lalawigan ng Bulacan, hinagpis ang dinaranas ng mga magsasakang ilang dekada na sa lupaing pinaunlad nila.

Ang lupang dati ay mga gubat at taniman, kinakain na ng mga shopping mall, real estate project, at iba pang komersyal na gusali. Hawak ng mga negosyante tulad ng mga Sy, Ayala, Villar, at Araneta ang mga proyekto para sa siyudad. Kamakailan lang, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “highly urbanized city” ang SJDM.

Nilamon na ng semento ang lupain, pero ang mga komunidad ng magsasaka, wala nang makain dahil sa hirap ng buhay at banta ng pagpapalayas.

“Ang karahasan na nangyayari ay sobra-sobra, hindi lang po sa mga karahasan na ngayon, maraming karahasan na ang ginawa nila,” ayon kay Cecil Rapiz, lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

Isa sa mga hinaing ng mga magsasaka ang panggigipit ng SECURICOR Security Agency and Investigation Services, Inc. na may kaugnayan sa Araneta Properties, Inc. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nagtayo rin ahensya ng mga checkpoint sa barangay ng Tungkong Mangga at San Roque. Balakid ito sa mga magsasaka at maging sa kanilang produksyon. 

Tumitinding panunupil

Ayon kay Rapiz, matagal na ang pakikipaglaban ng magsasakang San Joseño mula sa panggigipit ng mga nangangamkam ng lupa. Sinunog ang mga kabahayan ng mga magsasaka sa Purok 4, Brgy. Paradise 3, nasa walong taon na ang nagdaan. “Subalit pinagtatanggi nila, alam natin sila yan, e. Sila yung may mga kagagawan niyan.”

Sa ginanap na solidarity event bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Day of the Landless” noong Marso 29, inilahad niya — sa harap ng ibang magsasaka, mga residente ng Tungkong Mangga, at mga panauhin mula sa mga organisasyong pangsimbahan — ang pinakahuling panunupil ng grupo ni Gregorio “Greggy” Araneta III sa mga magsasaka.

Pinagsisira ng mga tauhan ni Araneta ang mga kabahayan noong Enero at pinaputukan din ng mga guwardiya na may matataas na kalibre ng baril ang mga nagsagawa ng fact-finding mission kasama ang ilang miyembro ng midya. 

“Umabante ang isang guwardiya, nag-warning shot pero ang ating ginawa, sinalubong ko na [at] nag-sigaw ako sa kamera kasi ang talagang pakay nila talaga yung kamera na makuha – makuha ang ebidensya,” sabi ni Ka Cecil.

Si Ka Miling. Litrato ni Gia Boragay

Kwento naman ng 78 anyos na magsasakang si Melecio “Ka Miling” Cañete, naranasan na niya mismo ang serye ng panggigipit: mula sa pagsasampa ng kaso, panunuhol, at banta ng kamatayan.

Nagkampo noon ang mga militar sa lupang pinagtatamnan ni Ka Miling ng libo-libong puno ng saging. Lagi siyang tinatakot at pinagbabantaan ng mga ito na miyembro raw siya New People’s Army. Noong 1992, nasa 85 silang mga magsasaka ang nakasuhan ng illegal squatting nong 1992 sa lupaing kanilang sinasaka.

Mula pa 1990, inaangkin na ng pamilya Araneta ang nasa higit tatlong libong ektaryang lupain sa lungsod matapos bawiin ng Presidential Commission on Good Governance ang mga pag-aari ng mga kroni ni dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Ang bunsong anak ni Marcos na si Irene ang asawa ni Greggy Araneta.

Sa pag-usad ng proyektong MRT-7, sinabi ni Ka Miling na inaalok siya ng salapi upang umalis sa lupaing magiging depot sana ng linya.

“No’ng nagka-dialogue kami [kasama] Anakpawis doon sa Congress kay Ariel Casilao, hindi kami papayag na magka-bayaran kaya hindi sila doon nagtagumpay,” sabi niya.

Nakaraang taon nang ilipat sa Quirino Highway ang Intermodal Terminal ng MRT-7 mula sa naunang lokasyon nito sa loob ng lupaing inaagaw ni Araneta sa Tungkong Mangga.

Dagdag niya, “Ang lupang aming sinasaka [ang] naging tahanan [din] ng aming lahi.”

Gawing komersyal ang SJDM

Isa sa prominenteng proyektong lubhang bumabangga sa kalagayan ng mga magsasaka ay ang MRT-7 project na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong dolyar at babangga sa nasa 300-ektaryang lupa.

Inaasahang magsisimula na ang operasyon ng MRT-7 sa ikaapat na kwarter ngayong taon. Daungan ng ganitong proyekto ang sunod-sunod na komersyo. Plano ni Araneta ang pagtatayo ng 140-ektaryang “Central Business District” sa North Caloocan kapag nabuo ang MRT-7. 

Panibagong serye para gawing komersyal ang lugar habang lumalawak ang kontrol sa lupa ng mga korporasyon. Malaki itong banta sa seguridad ng produksyon ng pagkain sa bansa. Ano na lang kaya ang mangyayari kung isang araw ay titigil na sila sa pagsasaka?

Sa nalikom na datos ng Ibon Foundation mula sa Philippine Statistics Authority at Department of Budget and Management may kabuuang 1.8 Milyong trabaho ang nawala mula sa sektor ng agrikultura, mula Hulyo 2016 hanggang Enero 2022.

Samantalang ang binibigay na pondo para sa agrikultura at repormang agraryo, nasa 3.5 porsiyento lang ng kabuuan na pondo ng gobyerno, mula 2017 hanggang 2022. Ito ang pinakamaliit na pondo para sa sektor, sa nagdaang 21 taon ng Pilipinas, ayon sa Ibon Foundation.

“Saan ba tayo kumukuha ng mga pagkain kundi doon sa lupang sinasaka at pinagyayaman nating mga lupa at doon tayo nakakakuha ng mga pagkain,” sabi ni Ka Cecil.

Sa ilang dekada na pagsasaka ni Ka Miling at kahit ngayong may komplikasyon sa puso, buo ang loob niya hanggang sa kaniyang huling hininga na ipaglaban ang bayan ng Tungkong Mangga. Kaniya rin ipinagmalaki ang kontribusyon bilang magsasaka laluna noong nag-lockdown. Karamihan kasi sa mga magsasakang San Joseño ang siyang madalas na nagsusuplay ng mga masasaganang pananim sa Bagsakan at mga community pantry.

Sa pagtitipon ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. Litrato ni John Russel dela Cruz

Ipinahayag naman ni Danilo “Ka Daning” Ramos ng KMP ang panawagan para “magsuri, tumindig at kumilos, ibayong pagkakaisa, palakasin ang kilusang masa. Gano’n din ang international solidarity work” habang bitbit ang matagal nang ipinaglalabang tunay na reporma sa lupa.

Aniya, matagal na nagtitiyaga ang mga magsasaka na paunlarin ang mga lupaing inaangkin ng mga taong bigla na lang nangangamkam na hindi naman nila pagmamay-ari. 

“Lupa para sa mga magsasaka. Hindi lupa para sa mga haciendero, hindi lupa para [kay] Greggy Araneta, hindi lupa para sa mga dayuhan,” sabi niya.


Featured image: John Russel Dela Cruz
Avatar

Gia Boragay at Eriell Estrada

Si Gia at Eriell ay mga intern mula sa Bulacan State University.