Konteksto

Ilang paglilinaw hinggil sa fact-checking

April 9, 2022

Sa fact-checking, hindi naman dapat mahabang mahaba ang paglalahad ng katotohanan.

Pera o prinsipyo? Black propaganda o peryodismo? Kasinungalingan o katotohanan? “Fake news” peddling o fact-checking? Mamili ka!

Sa panahon ngayon, may pera sa pagpapakalat ng black propaganda, kasinungalingan at pekeng balita. Basta’t kayang lunukin ang prinsipyo, mayroong magbabayad sa iyo. Hangga’t masisikmurang talikuran ang katotohanan, mayroon kang kumikitang kabuhayan.

Ayon sa isang balita noong 2019, puwede kang kumita mula P30,000 hanggang P70,000 bawat buwan sa tinatawag na trolling. Kaya mo bang gumawa ng humigit-kumulang 200 pekeng accounts sa social media? May abilidad ka bang magkunwaring nanay, tatay, tambay, estudyante, pahinante at iba pang personahe? Makakapag-post ka ba sa social media ng wagas na panlalait at pagmumura? Kung malakas ang sikmura, mag-apply ka na! Kailangan ka ng hukbong sandatahan ng kasinungalingan.

Dahil sa pagkompromiso sa katotohanan, naging popular ang terminong “fake news.” Idineklara nga itong salita ng taon ng Collins Dictionary noong 2017. At sa Sawikaan 2018 na inorganisa ng Filipinas Institute of Translation (FIT), isinulong ko ito bilang salita ng taon sa Pilipinas at nakuha nito ang ikalawang puwesto. Mainam na balikan ang panukala kong kahulugan para sa terminong ito: 

fake news (feyk nyus) png [Ing] 1: pekeng balita 2: kasinungalingang ipinapalaganap, sinasadya man o hindi, sa pamamagitan ng midya para pagtakpan ang nangyayari sa lipunan 3: maling impormasyong naglalayong suportahan ang isang adhikain, polisiya, proyekto o programa 4: akusasyong ibinabato sa mga kritikal sa gobyerno, pati na sa organisasyong pang-midya dahil sa mga ulat na hindi pumapabor sa mga nasa kapangyarihan.

Ang malawak na kahulugan ng “fake news” ay mistulang katumbas ng pagkalat nito. Lumalabas sa mga sarbey na talamak na nga ito, lalo na sa social media. Ayon sa Social Weather Stations (SWS), 70 porsiyento ng mga mamamayan ay naniniwalang seryoso ang pagkalat ng “fake news” sa telebisyon, radyo at diyaryo samantalang 67 porsiyento naman ay nakikitang seryoso ito sa internet. Kung may isang bagay na sadyang nakakabahala sa datos ng SWS, ito ay ang katotohanang isa sa bawat dalawang Pilipino ay nahihirapang matukoy kung ano ang “fake news.”

Maraming dahilan kung bakit mahirap nang malaman ang katotohanan sa kasinungalingan. Halimbawa, umunlad na kasi ang teknolohiya sa paggawa’t pag-edit ng mga litrato’t bidyo. Habang napapatingkad ng ganitong teknolohiya ang produksiyon ng isang orihinal na obra, nagiging sandata naman ito ng mga may masamang balak. Napepeke ang larawan habang nakakayang gayahin ang graphics ng mga lehitimong organisasyong pang-midya para ipasok ang mga pekeng impormasyon at palabasin itong totoo.

Para labanan ang pagkalat ng kasinungalingan, kailangang isulong ang sistematikong paglalahad ng katotohanan. Dito pumapasok ang tinatawag na fact-checking. Ipinapaliwanag sa simpleng salita kung bakit kasinungalingan ang kasinungalingan at kung bakit katotohanan ang katotohanan. Bagama’t madaling sabihin, kailangan ang masinop na pagtatrabaho. Kapag may isang bagay na kailangang pabulaanan, gawin ang sumusunod:

Una, magsaliksik. Kailangang tukuyin kung ano ang mga datos at sangguniang dapat gamitin para patunayan ang kasinungalingan.

Ikalawa, magsulat. Kailangang isulat sa simpleng salita at maikling pamamaraan ang impormasyong magpapatunay sa katotohanang nais isapubliko.

Ikatlo, magberipika. Kailangang siguraduhing tama ang mga datos, mapagkakatiwalaan ang mga sanggunian at maayos ang pagkakasulat ng paliwanag.

Ika-apat, ipalaganap. Kung may sapat na kakayahan, puwedeng gumamit ng graphics para may kasamang artwork o larawan ang teksto.

Kung tutuusin, posible rin ang paggawa ng maikling bidyo para sa fact-checking. Syempre’y kailangan pa rin ng pananaliksik, pagsusulat at pagbeberipika. Mas epektibo kasi ang mensahe kung ito’y may datos at malinaw na mensahe batay sa piling-piling mga salita. Mahirap ang pag-record ng bidyo nang walang kaukulang paghahanda. Hindi kasi nakakatulong sa paghuhubog ng opinyong pampubliko ang paliwanag na walang malinaw na direksyon at may limitadong datos na ibinibigay (na kung minsa’y hindi pa sigurado kung totoo talaga).

Sa fact-checking, hindi naman dapat mahabang mahaba ang paglalahad ng katotohanan. Hangga’t direkta sa punto, hindi problema ang maikling diskurso. Mas mainam pa nga ang dalawa o tatlong talatang paliwanag para mabilis na mababasa’t maiintindihan.

Sana’y palakasin ang kultura ng fact-checking para manaig ang katotohanan. Pera o prinsipyo? Black propaganda o peryodismo? Kasinungalingan o katotohanan? “Fake news” peddling o fact-checking? Kailangan ka pa bang tanungin kung malinaw na ang iyong paninindigan?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Danilo Araña Arao

Danilo Araña Arao

Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat Multimedia at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.