FEATURED

Tinang 92, nagutom, nagtanim, ikinulong


“Nagugutom na kami, wala na kaming trabaho. Tapos inano kami ng pulis, ayaw namin sumama, pero binitbit kami,” maluha-luhang sabi ni Erlinda Aboy, isa sa mga magsasakang inaresto sa Hacienda Tinang sa Tarlac noong Hunyo 9.

Friends and supporters demand the immediate release of illegally detained farmers, peasant rights advocates and artists. Photo from SAKA.
Friends and supporters demand the immediate release of illegally detained farmers, peasant rights advocates and artists. Photo from SAKA.
Friends and supporters demand the immediate release of illegally detained farmers, peasant rights advocates and artists. Photo from SAKA.

Krimen ba na ang mga magsasakang nagugutom ay magtanim sa lupang matagal nang dapat sa kanila?

“Nagugutom na kami, wala na kaming trabaho. Tapos inano kami ng pulis, ayaw namin sumama, pero binitbit kami,” maluha-luhang sabi ni Erlinda Aboy, isa sa mga magsasakang inaresto sa Hacienda Tinang sa Tarlac noong Hunyo 9.

Tatlong dekada nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ng hacienda ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa. Ilan sa kanila ay kinilala na ng Department of Agrarian Reform (DAR) bilang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs). Sa kabila nito, usad-pagong pa rin ang pamamahagi sa kanila ng lupa.

Noong Hunyo 9, anibersaryo ng pagsasabatas ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), nagdaos ng “bungkalan” o sama-samang pagtatanim ang mga magsasaka ng Hacienda Tinang. Sinamahan sila ng ilang estudyante, artista, at midya sa pagbubungkal ng lupang matagal nang dapat naigawad sa kanila.

Sa kasagsagan ng kanilang pagtatanim, dumating ang kapulisan at inaresto ang mahigit 92 na lumahok. Tinatayang ito ang pinakamalaking maramihang pag-aresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung kailan maraming katulad na pag-aresto ang naganap.

Ayon sa Tinang Multipurpose Cooperative (TMC), nasira ng mga magsasaka ang tanim na tubo sa hacienda. Ngunit kaduda-duda na ang 83 sa mga inaresto ay sinampahan ng mga kasong malicious mischief at illegal assembly, malayo sa akusasyon ng TMC. Dagdag pa, P39,000 ang itinalagang piyansa para sa bawat indibidwal na nahuli; suma total, P3.23 million ang siningil na piyansa para sa tinaguriang Tinang 92.

Sa isang porum, sinabi ni DAR Undersecretary David Erro, “Bakit pa kayo magbubungkalan eh malapit na ngang ibigay? Ibig sabihin konting proseso na lang mai-install na kayo.” Ayon naman kay DAR Secretary Bernie Cruz, “Huwag gamitin ng mga ‘makakaliwang’ grupo ang mga magsasaka ng Tinang para sa kanilang pulitikal na adyenda.” 
Pero ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, ang pakikibaka ng mga magsasaka ng Tinang ay kanilang inisyatiba at tugon sa mabagal na aksyon ng DAR.

Para sa mga magsasaka ng Tinang, ang tatlong dekada ng pakikibaka ay labis nang paghihintay. Ang kalunus-lunos nilang kalagayan ay pinalala pa ng pandemya. Dahil hindi pa nila natatanggap ang ipinangakong lupa, matinding gutom din ang kinakaharap ng mga magsasaka dahil sa sumisirit na presyo ng batayang bilihin tulad ng pagkain at langis, habang wala namang sapat na ayuda at suportang natanggap mula sa pamahalaan.

Sa loob ng piitan, malupit ang pagtrato ng kapulisan ng Concepcion, Tarlac sa mga inarestong magsasaka. Limampung katao ang pinagkasya sa isang seldang may tigtatlong talampakan lang na haba at lapad. Ang ilan sa kanila, nakaranas ng kahirapang huminga, pagkahimatay, at pagsusuka. 

Matapos ang apat na araw, lumaya na ang Tinang 92. Kasalukuyan silang humihingi ng tulong sa Commission on Human Rights o CHR para maibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila. Magsasampa rin sila ng kontra-kaso laban sa kapulisan ng Concepcion. Kasabay nito, patuloy nilang ipinaglalaban ang agarang pamamahagi ng lupa para sa mga ARB ng Hacienda Tinang. 

Para sa mga magsasaka ng Tinang, sa huling mga araw ni Duterte sa puwesto, pamana nito sa kanila ang panunupil at pag-aresto, red-tagging at pag-akusang makakaliwa, at pagkakait ng karapatan sa lupa.