Usapin tungkol sa appeal bond
Ang appeal bond na dapat bayaran ng kompanya ay kung magkano ang halagang naipanalo ng manggagawa sa Labor Arbiter, bawas lamang ang halagang binigay sa manggagawa bilang attorney’s fees at damages.
Sa isang labor case, maaring ipanalo ng Labor Arbiter ang mangggagawa, o maari ring panalunin niya ang kompanya.
Kung sakaling hindi sila kuntento sa desisyon ng Labor Arbiter, maari mag-apela ang manggagawa o kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Sa apelang ito, kailangan nilang magbayad ng tinatawag na appeal fee.
Maliit lamang ang babayaran na appeal fee ng manggagawa. Ngayon siguro ang appeal fee na ito o bayad sa pag-apela ay hindi aabot sa P500.00.
Ngunit kapag ang kompanya ang natalo at gusto niyang iapela ang desisyon ng Labor Arbiter sa NLRC, obligado siyang magbayad ng tinatawag na appeal bond.
Magkano naman ang appeal bond na ito?
Ang appeal bond na dapat bayaran ng kompanya ay kung magkano ang halagang naipanalo ng manggagawa sa Labor Arbiter, bawas lamang ang halagang binigay sa manggagawa bilang attorney’s fees at damages.
Halimbawa, sa isang labor case ay pinanalo ng Labor Arbiter ang isang manggagawa ng halagang P500,000.00 para sa kanyang backwages; P50,000.00 para sa kanyang attorney’s fees; at P50,000.00 naman para sa kanyang moral damages.
Sa pag-compute ng appeal bond na dapat bayaran ng kompanya, hindi dapat isama ang attorney’s fees at moral damages.
Ang kanyang babayaran bilang appeal bond ay limitado lamang sa backwages na binigay ng Labor Arbiter sa manggagawa. Kaya, ang appeal bond na babayaran ng kompanya ay P 500,000.00 lamang lahat.
Kailan dapat magbayad ang kompanya ng sinasabing appeal bond?
Kailangang bayaran ito sa loob ng 10 araw matapos matanggap ng kompanya ang Desisyon ng Labor Arbiter.
Sa madaling sabi, ang pagbabayad ng appeal bond ay kasama na sa Notice of Appeal with Appeal Memorandum na gagawin ng kompanya.
Sa pagbayad ng appeal bond, maaring magbayad ang kompanya ng cash bond o surety bond.
Kung cash bond ang kanyang pipiliin, kailangang i-deposito niya ang buong halagang pinababayaran sa kanya ng Labor Arbiter, bawas ang damages at ang attorney’s fees.
Kung sakaling manalo siya sa apela ng kaso sa NLRC, pwede niyang mabawi ang appeal bond na kanyang ibinigay.
Kung sakali namang siya ay matalo, gagamitin ang naibigay niyang appeal bond para sa pagbayad sa halagang naipanalo ng manggagawa.
Kung gugustuhin naman niyang magbayad sa pamagitan ng surety bond, kailangan niyang maghanap ng isang surety company na kinikilala ng NLRC.
Ang surety company na ito ang gagarantiya na babayaran niya ang manggagawa kapag nanalo pa rin ito sa kanilang kaso sa NLRC. Obligado naman siyang magbayad sa surety company sa serbisyo nito.
Kalimitan, 10 o 15 % ng monetary award ang sinisingil na bayad ng mga surety company pero merong iba na mas mataas pa ang singil.
Ang halagang ito ay kailangan bayaran ng kompanya taun-taon, samatalang nakabinbin ang apela nito sa NLRC. Kapag tapos na ang kanyang apela, hindi na niya mababawi ang halagang naibayad niya sa surety company.
Kaya nasa kompanya kung paano niya babayaran ang appeal bond kaugnay ng kanyang apela. Ang mahalaga, mabayaran niya ito para matuloy ang kanyang apela at hindi maituturing na tapos na ang kaso.
Paano ngayon kapag kulang ang pera ng kompanya para pambayad sa appeal bond?
Maaring mag-file ang kompanya ng Motion to Reduce Appeal Bond.
Ngunit, kailangan pa rin niyang bayaran ang maski 10% ng halaga ng appeal bond na ito.
Kailangan ding maaprubahan ng NLRC ang ginawa na Motion to Reduce ng kompanya bago aksyunan ang apela nito.
Ganoon kahigpit ang patakaran ng ating batas pagdating sa apela ng kompanya sa labor cases.
Tinitiyak lamang ng ating batas na ang ginawang apela ng kompanya sa desisyong pabor sa manggagawa ay hindi pang- delay lamang para huwag kaagad mapatupad ang desisyon ng Labor Arbiter, kundi may sapat ring batayan.
Sa kaso ng Pacific Royal Basic Foods, Inc. versus Violeta Noche, et. al., (G. R. No. 202392; October 4, 2021 ay tinalakay ng Korte Suprema ang usapin sa tamang pag-apela sa mga labor cases.
Sa nasabing kaso ay manggagawa itong sina Violeta sa Pacific Royal Basic Foods, Inc., isang kompanya na gumagawa at namamahagi ng mga coconut products para pang-export.
Nagsampa ng kaso para sa kanilang regularisasyon sa Department of Labor and Employment itong sina Violeta.
Ayon sa kanila, matagal na silang nagtatrabaho sa kompanya ngunit hindi pa rin sila regular sa kanilang mga trabaho.
Makalipas ang isang linggo, nakatanggap sila ng mga sulat mula sa kompanya.
Ayon sa kompanya, maraming kustomer nito ang nagrereklamo dahil sa kontaminasyon ng kanyang mga produkto. Dahil, dito hinihingan sila ng paliwanag ng kompanya kung bakit nangyari ito at kung bakit hindi sila dapat lapatan ng kaukulang parusa.
Binigyan din sila ng 10 araw na preventive suspension ng kompanya samantalang iniimbistigahan pa ang reklamo laban sa kanila.
Sa kanilang sagot sa sulat ng kompanya, niliwanag nina Violeta na wala silang kinalaman sa sinasabi ng kompanya na kontaminasyon sa kanyang mga produkto.
Makalipas ang isang buwan, tinanggal ng kompanya sa kanilang mga trabaho itong sina Violeta. Di umano, ito ay sa dahilang napatunayan ng kompanya na sila ay may kasalanan.
Dahil dito, nagsampa ng kasong illegal dismissal, illegal suspension, at regularization sina Violeta laban sa kompanya. Ang kasong ito ay inihain nila sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Sa naging desisyon ng Labor Arbiter, ipinanalo nito sina Violeta. Sinabi niyang walang katuwiran ng pagtanggal sa mga ito bukod pa sa walang due process na sinunod ang kompanya.
Iniutos ng Labor Arbiter na ibalik sina Violeta sa dati nilang posisyon bukod pa sa pagbayad sa kanila ng backwages at attorney’s fees.
Dahil sa 11 lahat sina Violeta na nagreklamo laban sa kompanya, umabot sa P1,000,000. 00 lahat ang kanilang backwages ayon sa desisyon ng Labor Arbiter.
Ang kompanya naman ngayon ang nag-apela sa NLRC.
Ngunit dahil sa wala itong sapat na pondo, hindi nagawa ng kompanya na magbayad ng buong appeal bond.
Sa halip, nagbigay lamang ang kompanya ng halagang P 100,000.00 o 10% ng dapat nitong ideposito Ngunit sinabayan niya ito nang pag-file ng Urgent Ex-Parte Motion to Reduce Bond.
Pagdating sa NLRC ay binaliktad nito ang naging hatol ng Labor Arbiter. Sinabi nito na walang masamang motibo ang kompanya sa pag-akusa kina Violeta ng kontaminasyon sa kanyang produkto. Ang tanging depensa nina Violeta na di-umano’y wala silang kinalaman dito ay isang pagtatanggi na mahirap paniwalaan, ayon sa NLRC.
Kaya, dinismiss ng NLRC ang demanda nila Violeta. Ngunit kapuna-puna na walang ruling ang NLRC kung ina-aprubahan ba nito ang Motion na sinampa ng kompanya para babaan ang appeal bond nito.
Sa pagkakataong ito, sina Violeta naman ang umakyat sa Court of Appeals. Sinabi nina Violeta na nagkamali ang NLRC sa pagtanggap sa apela ng kompanya sa dahilang hindi tama ang appeal bond na binigay nito.
Pinaniwalaan ng Court of Appeals sa argumento nilang ito sina Violy. Ayon sa Court of Appeals, may depekto ang ng kompanya sa NLRC dahil sa hindi nito pagbayad sa tamang appeal bond.
Dahil dito, binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng NLRC at pinanalo si Violeta at mga kasama nito.
Ang kompanya naman ngayon ang umakyat sa Korte Suprema.
Sinabi ng kompanyang nagkamali ang Court of Appeals sa desisyon nito dahil nakapagbayad naman ng appeal bond ang kompanya.
Iginiit nito na ang pgbayad niya ng halagang P 100,000.00 para sa appeal bond, kasama na ang pag-file nito ng Motion to Reduce Bail Bond, ay makabuluhang pagsunod na ng kompanya tungkol sa alituntunin sa bagay na ito.
Hindi nakumbinsi rito ang Korte Suprema.
Kailangan tayong maging mahigpit sa bagay na ito, sabi ng Kataastaasang Hukuman.
Binabanggit sa NLRC Rules of Procedure na kapag pabor sa manggagawa ang desisyon ng Labor Arbiter, maaring mag-apela sa NLRC ang kompanya. Ngunit, kailangan magbayad ang kompanya ng bond (cash deposit o surety bond ) para maaprubahan ang kanyang apila.
Kung sakaling hindi sapat ang pera ng kompanya, kailangan niyang maghain ng Motion upang mabawasan ang nasabing appeal bond. Ganun pa man, kailangan pa rin niyang bayaran niya ang kahit 10% man lamang ng halaga ito.
Kailangan ding aprubahan ng NLRC ang Motion to Reduce Appeal Bond ng kompanya.
Sa kaso nina Violeta, walang naging desisyon ang NLRC na inaaprubahan nito ang Motion ng kompanya para babaan ang kanyang appeal bond, sabi ng Korte Suprema.
Kaya, dahil sa kakulangang ito, kinatigan ng Korte Suprema ang Court of Appeals sa desisyon nitong i-dismiss ang apila ng kompanya at ipatupad ang hatol ng Labor Arbiter tungkol sa pagpabalik kina Violeta sa dati nilang posisyon sa kompanya, bukod pa sa pagbayad sa kanila ng backwages.
Naway maging aral ang kasong ito para sa lahat tungkol sa usapin ng appeal bond.