Husgahan Natin

2022 SONA ni Pang. Bongbong: Naiwanan ang kahilingan ng mga manggagawa?

Hanggang ngayon, pinag-uusapan ang nakaraang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Bongbong Marcos. Sinimulan niya ang kanyang mahigit isang oras na talumpati sa pagkilala na ang paghihirap ng ating ekonomiya sa kasalukuyan ay dulot ng pandaigdigang pandemyang COVID-19 at ng kasalukuyang hidwaan sa Europa. Gayunpaman, nananatili siyang positibo na kakayanin ang lahat […]

2022 SONA ni Pang. Bongbong: Naiwanan ang kahilingan ng mga manggagawa?

Hanggang ngayon, pinag-uusapan ang nakaraang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Bongbong Marcos.

Sinimulan niya ang kanyang mahigit isang oras na talumpati sa pagkilala na ang paghihirap ng ating ekonomiya sa kasalukuyan ay dulot ng pandaigdigang pandemyang COVID-19 at ng kasalukuyang hidwaan sa Europa. Gayunpaman, nananatili siyang positibo na kakayanin ang lahat ng sambayanan.

Ayon sa kanya, magpapatuloy siya sa paghahanap ng solusyon upang mapalakas ang ating ekonomiya at mapamahalaan nang maayos ang pananalapi.

Una, pagdating sa buwis, kailangang magkaroon ng mga reporma para tumaas ang koleksyon na kailangan sa mga programang isasagawa ng kanyang administrasyon.

Pagdating naman sa sektor ng agrikultura, dapat daw itong palakasin sa pamamagitan ng modernong teknolohiya at makabagong siyensya na magbibigay ng mas masaganang ani sa ating mga magsasaka at magpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa palengke.

Binanggit din niya na magbibigay ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng isang taong moratoryo sa mga magsasaka na may utang sa kanilang lupain upang makabangon ang kanilang pagsasaka.

Dapat din daw na isama ng DAR sa programa nito ang bigyan ng lupang masasaka ang mga retiradong sundalo na naghihirap dahil wala nang hanapbuhay, at mga pamilya ng mga sundalo na naiwan dahil nasawi sa digmaan.

Kailangan din daw na dagdagan at pagandahin ang mga paliparan, pantalan at mga highway sa bansa upang mapaginhawa ang paglalakbay ng mga dayuhan at lokal na travelers. Kailangan ang pagtutulungan ng Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) sa bagay na ito.

Kasama rin dito ang pagpapatuloy sa malalaking proyekto sa imprastruktura na sinimulan ng administrasyong Duterte tulad ng mga planong buhayin ang mga proyektong pang-tren sa Luzon, Visayas at Mindanao na napabayaan ng mga nakalipas na administrasyon.

Sa larangan naman ng edukasyon, dapat daw ayusin sabi ni Pang. Bongbong, ang bumababang kalidad ng edukasyon. Nais niyang pagtuunan ng pansin ang mga nilalaman ng mga aklat na pinapagamit sa mga estudyante. Dapat din daw magbigay ng mga modernong kagamitan tulad ng kompyuter sa ating mga pampublikong paaralan.

Dapat din daw atasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ayusin at palakasin ang broadband connectivity upang makatulong sa kalakalan at edukasyon ng ating mga mag-aaral.

Sa enerhiya naman ay bukas si Pang. Bongbong na palawakin ang mga alternatibong pamamaraan upang magkaroon ng sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa at mapababa ang presyo nito. Kasama na rito ang magandang paghahalo sa enerhiya ng coal, wind, solar at gas at lahat ng uri ng renewable energy. Bukas din siya na buhayin ang planong magkaroon tayo ng nuclear energy subalit kailangan pa raw ng masusing pag-aaral dito.

Sa larangan naman ng kalusugan, dapat daw palakasin ang kampanya laban sa COVID-19. Kaugnay nito, hiniling ni Pang. Bongbong sa Kongreso na magpasa ng mga bagong batas na gagawa ng hiwalay na mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Center for Disease Control and Prevention upang mapag-aralang mabuti ang mga makabagong sakit na lumalabas sa makabagong panahon.    

Pagdating naman sa kapakanan ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs), inatasan niya ang Department of Migrant Workers (DMW), isang bagong-tayong departamento ng gobyerno, na tiyaking hindi napapabayaan ang mga OFW at siguraduhing hindi sila maaabuso at malilinlang ng kanilang mga dayuhang amo.

Hindi rin daw pababayaan ni Pang. Bongbong na isuko sa ibang bansa ang kahit isang sukat lang ng ating teritoryo.

Naniniwala raw siya na may bukang-liwayway sa dulo ng mga hamong hinaharap ng bansa. Ganoon pa man, ang malaking hamon ay kung saan makakahagilap ng sapat na badyet ang gobyerno para sa mga planong nabanggit.

Sa unang tingin, mukhang maganda naman ang unang SONA ni Pang. Bongbong. Ngunit kung kikilatisin, mapapansin natin na hindi man lang nabanggit ang kahilingan ng mga manggagawa na kanilang ipinaabot sa bagong administrasyon bago pa man maganap ang SONA.

“Nakinig kami nang isa’t kalahating oras pero wala kaming napala! Wala namang bago sa sinabi niya! Walang tugon sa panawagan ng mga manggagawa!” Ito ang sabi ni Jerome Adonis, secretary-general ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ayon naman kay Atty. Sonny Matula, chairman ng Nagkaisa Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), lumalabas ang agenda para sa labor ay hindi priyoridad ng bagong administrasyon.

Nagkakaisa ang mga lider ng mga manggagawa na ang hindi pagbanggit ni Pang. Bongbong sa mga kahilingan nila tungkol sa seguridad sa trabaho, nakakabuhay na sahod at iba pang mga benepisyo, at pagsuporta sa mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa merkado ay patunay na madilim ang kinabukasan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

“The state of the nation is sound daw pero halatang hindi niya alam ang totoong kalagayan ng masang Pilipino. Wala man lang sagot sa mataas na presyo ng langis at bilihin, malawakang disempleyo, at krisis sa pampublikong transportasyon,” dagdag pa ni Adonis.

Sa bahagi naman ng Nagkaisa, inasahan ng grupo ang pagbanggit man lang sana ni Pang. Bongbong sa pagpapatawag sa Kongreso para amyendahan ang Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act, at itaas na sa P750 ang minimum wage sa buong bansa ngunit hindi ito nangyari. Matagal nang iginigiit ng mga manggagawa ang pag-amyenda sa naturang batas.

Bago ang batas na ito ay iisang minimum wage lang ang sinusunod sa buong bansa magmula Maynila hanggang Tawi-tawi. Ngayon, sa ilalim ng batas na ito, bawat rehiyon at bawat probinsya pa nga ay may kanya-kanyang minimum wage. Ang pinakamataas na minimum wage ngayon ay nasa Metro Manila, na P570 kada araw. Pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao.

Gusto sana ng mga manggagawa na maibalik sa dati ang sistema kung saan iisang minimum wage lamang ang sinusunod sa buong bansa. Gusto rin nilang taasan na ang minimum wage upang ito ay maging P750 para mas matugunan ang pangangailangan ng bawat pamilya na mabuhay nang disente. Ngunit wala ni isang salita silang narinig tungkol dito sa SONA ni Pangulong Bongbong.

Nais din ng mga manggagawa na wakasan na ang sistema ng labor contracting na nakakaapekto sa kanilang karapatang mabigyan ng kaseguruhan sa kanilang hanap-buhay. Ang labor contracting ang paggamit ng kumpanya ng isang kontratista upang makaiwas sa kanyang obligasyon sa kanyang mga manggagawa. Hangad ng mga manggagawa na ipagbawal ang anumang uri ing labor contracting

Ngunit hindi ito nangyari. Ayon sa kasalukuyang patakaran dito, ang DOLE Order No. 174, Series of 2017, ang lahat ng labor contracting ay pinapayagan maliban lamang sa tinatawag na Labor-Only Contracting. Para ikaw ay maituring na isang Labor-Only Contractor, kailangang mapatunayang wala kang sapat na kapital para sa iyong negosyo o di kaya ay wala kang kontrol sa iyong mga tauhan.

Madaling sundin ang mga pangangailangan o requirements na ito kaya’t halos lahat ng nangongontrata sa paggawa ay ligal. Usung-uso ngayon ang paggamit ng labor contractor sa kabila ng pagtutol dito ng mga manggagawa. Dapat lamang na ipasa na ng Kongreso ang House Bill 2173 o ang Anti-Contractualization Bill upang labanan ang ano mang uri ng kontraktwalisasyon. Sa kasamaang palad, hindi ito kabilang sa mga paksang tinalakay ni Pang. Bongbong sa kanyang SONA.

Marami pang paksang mahalaga sa mga manggagawa ang hindi nabanggit sa SONA ng bagong pangulo. Kabilang sa mga ito ang pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagtanggal sa excise tax sa langis, pagpapanagot sa mga lumalabag sa Occupational Health and Safety Standards Law, pagpapatupad ng disente at abot-kayang pabahay. Gayundin ang paglikha ng regular at disenteng trabaho sa bansa para huwag nang umasa sa Labor Export Policy, pagtanggal sa Anti-Terror Law, pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, at pagtigil sa mga pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa gaya ng red-tagging, iligal na pag-aresto at pagpatay.

Bagamat wala sa kanyang SONA, kakayanin kaya itong ipatupad ni Pang. Bongbong katulong ang Kongreso?

Sana. Kung hindi, baka matulad siya sa kanyang ama…