Takdang edad ng pagretiro, pinatatanggal
Ipinapanukala ng isang mambabatas na tanggalin na ang takdang edad sa pagreretiro. Makatarungan bang pagtrabahuhin ang mga senior citizen matapos ang ilang taon na nilang serbisyo?
Dating call center representative sa kilalang bangko sa Quezon City si Alma, 60 taong gulang. Ayon sa kanya, kinakailangan niyang umalis sa trabaho noong 2016. Inoperahan kasi siya noon sa likod. Pero makalipas ang anim na taon, napilitan siyang maghanap muli ng trabaho dahil sa nagtataasang mga bilihin.
Maraming senior citizens ang gaya niya na napilitang maghanap ng trabaho sa gitna ng pandemya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas na sa 6.4% ang inflation rate noong Hulyo.
Ang problema ni Alma, sa kabila ng mahigit siyam na taong karanasan sa BPO, hindi na siya binabalikan ng tawag ng inaaplayan kapag nalalaman ang kanyang edad.
Nitong Agosto 5, 2022, inihain ni Senior Citizen party-list Representative Rodolfo Ordanes Jr. ang House Bill 3220 na naglalayong alisin na ang compulsory retirement age sa mga manggagawa.
Paliwanag ni Ordanes, dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyong pangkalusugan, at mabagal na pagtaas ng sahod, ang pagreretiro ng maayos na may sapat na ipon ay isa na lamang pangarap para sa mga senior citizen.
“Ngayon, hindi lubusang ma-enjoy ng mga senior citizen ang kanilang pagreretiro dahil wala silang sapat na ipon para makasabay sa mataas na pamumuhay,” ani ni Ordanes.
Paliwanag ng mambabatas, ang HB 3220 ay pagpapaunlad ng Anti-Age Discrimination in Employment Act na nagbibigay pagkakataon sa maraming senior citizen na magtrabaho dahil sa wala nang age ceiling sa pag-apply sa trabaho. Layon ng HB 3220 na payagan ang mga manggagawang may edad lampas 65 taon na magpatuloy sa kasalukuyong posisyon sa trabaho at maari pang bigyan ng promotion hangga’t pasok sa kuwalipikasyon ng trabaho.
Sa ngayon, 65 taon ang nakatakda o compulsory na edad ng pagreretiro. Pero para kay Ordanes, marami sa mga senior citizen na edad 65 ang kaya at malusog pa, pisikal man o mental.
Sa pangkalahatan, pabor naman si Alexandra sa panukalang batas. Kung wala naman aniyang problema sa kalusugan huwag na dapat pigilan magtrabaho. Pero kung siya ang tatanungin, mas gusto niyang magretiro na at magnegosyo na lang.
Mahigit 29 taon na siyang payment analyst sa isang malaking kompanya ng telekomunikasyon. Ngayong Setyembre, 60 taon gulang na siya. Umaasa siyang magkaroon ng komportableng buhay matapos magretiro.
“Pagdating ng optional retirement age, naiisip ko na magpahinga bilang manggagawa at sulitin ang aking fruit of labor gamit ang benepisyo na makukuha sa pagreretiro ngunit babalik din sa pag ne-negosyo dahil wala rin karampatang ipon para sustentuhan ang araw-araw na pamumuhay,” ani Alexandra.
Sahod at benepisyo
Para kay Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog, makatarungan na mabiyayaan ang mga senior citizen ng kanilang pinaghirapan. Pero giit niya, dapat tiyakin ang kanilang mga benepisyo at retirement pay kung piliin nilang magpatuloy sa trabaho.
Ayon kay Labog, sa umpisa lang mukhang pabor ang panukalang batas sa mga senior citizen. Hindi rin umano ang pagtanggal sa sapilitang pagretiro ang solusyon sa nagtataasang presyo.
“Hindi yung bill (HB3220) ang pangtapat sa mga nagtataasang bilihin, ang pangtapat diyan ay dapat taasan ang maliit na sahod. Malinaw naman na ang kaliitan ng sahod ay hindi makaagapay sa walang humpay na pagtataas presyo ng bilihin at serbisyo,” aniya.
Kagaya ni Ernesto, 70 taong gulang, manggagawa sa maliit na pabrika ng tsinelas sa Valenzuela. Patuloy pa rin siyang nagtatrabaho dahil sa kahirapan sa buhay. Pinakiusapan din siya ng kompanya na huwag munang magretiro.
Aniya, hindi sapat ang kanilang nakukuhang benepisyo at sahod. “Wala akong sapat na ipon dahil maliit lang sahod ko. Makakaipon kung walang pinaggagastusan.”
Kahit lagpas na sa retirement age, patuloy pa rin sa pagtrabaho dahil kailangan ng panggastos para sa pamilya, may pinaaral na apo, at gumagastos sa kanyang mga gamot.
“Kagaya ngayon, nagpadoktor ako may mga ultrasound echography at iba’t ibang test wala akong ipon na gagastusin.Kaya pasampu-sampu lang ang bili ko ng gamot.”
Hindi sang-ayon si Ernesto na alisin ang takdang edad ng pagreretiro, “pinipilit ko na lang magtrabaho pero nagkakasakit na ako.”
Aniya kung nasa malaking kompanya sana siya na may malaking sahod, mayroon siyang maiipon para makapagretiro.
“Nakadepende ang laki ng makukuha sa laki ng kompanya, kung sa malaking kompanya edi malaki ang bigay,” aniya.
Paliwanag naman ni Labog, “Ang susi ay across-the-board na pagtatas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong empresa o gobyerno dahil pagpapabatayan sa retirement pay ay kung ano na ang antas ng kanilang sahod.”
Itinakda ng Article 287 ng Labor Code na dapat makatanggap ng retirement pay ang isang manggaggawa na nagserbisyo nang hindi bababa sa 5 taon na katumbas ng kalahati ng kanyang buwanang sahod para sa kada taon ng kanyang pagseserbisyo. Nag-iiba pa ito depende kung may Collective Bargaining Agreement ang kompanya at unyon ng manggagawa.
Epekto
Maaring maapektuhan ng panukalang batas ang pondo ng Government Service Insurance System (GSIS) ayon kay Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada.
“Nakatakda na kung sino ang magreretiro at kailan sila magreretiro. Na-invest na ‘yung pondo ng GSISS para alam nila ang ROI (Return of Investment), alam nila kung magkano ang kasama kapag nag-retiro,” paliwanag niya.
Sa ilalim ng Republic Act 8291 o Government Service Insurance System Act, ang mga empleyado na nakapagbigay ng hindi bababa sa 15 taon ng publikong serbisyo at 60 taong gulang sa pagreretiro ay maaaring mapakinabangan na ang kanilang pensiyon.
Ani Lizada, ang batas na ito ay umaakma din sa Anti-Age Discrimination in Employment Act, na kumikilala sa pagretiro ng empleyado at voluntary retirement plan alinsunod sa Labor Code. Ang pagbasura sa sapilitang pagreretiro ay potensyal na makaapekto sa pangkabuhayan at pondo ng GSIS para sa benepisyo ng mga manggagawa sa pampublikong sektor.
Dagdag pa ng CSC Commissioner, sa pakikipagkonsultasyon niya sa mga empleyado ay lumalabas na 98-99% sa mga ito ang gusto pa ngang ibaba ang edad ng opsiyunal na pagreretiro. Pilipinas din aniya ang may pinakamataas na takdang edad ng pagreretiro sa buong rehiyon ng ASEAN.
Pinangangambahan din Labog ang maaring epekto ng panukalang batas sa kalagayan ng empleyo ng bansa. Kung aalisin kasi ang takdang edad ng pagretiro, ang mga manggagawang edad 65 na walang trabaho ay mabibilang na unemployed.
“Dapat natin maunawaan na may tatlong milyon tayo na walang mga trabaho, magbibigay bigat ito sa bilang ng ating unemployment rate,” ani Labog.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Mayo 2022, mahigit 46.1 milyon ang may trabaho habang 2.9 milyon naman ang walang trabaho .