Husgahan Natin

Hindi pagbanggit sa naging dating trabaho


Kung ang isang empleyadong nag-apply sa trabaho ay nakaligtaang magsabi sa kanyang aplikasyon na dati na siyang nagtrabaho sa ibang kompanya, maaari ba itong maging dahilan upang tanggalin siya sa bagong trabaho?

Husgahan natin

Kung ang isang empleyadong nag-apply sa trabaho ay nakaligtaang magsabi sa kanyang aplikasyon na dati na siyang nagtrabaho sa ibang kompanya, maaari ba itong maging dahilan upang tanggalin siya sa bagong trabaho?

Ito ang karanasan ni Nancy sa kasong Nancy Claire P. Celis vs. Bank of Makati, etc., GR No. 250776, na hinatulan ng Korte Suprema noong Hunyo 15, 2022.

Sa nasabing kaso, nag-apply sa trabaho si Nancy. Natanggap naman siya at nagsimulang magtrabaho bilang account officer ng bangko. Pagkalipas ng tatlong taon, ginawa na siyang administrative officer.

Maayos na sana ang pagtatrabaho niya sa nasabing bangko. Ngunit nakatanggap ito ng report na dating nagtrabaho si Nancy sa ibang bangko kung saan siya nasangkot sa kasong embezzlement of funds.

Lumalabas na hindi ito nasabi ni Nancy sa kanyang aplikasyon sa bago niyang trabaho. 

Ngunit ayon kay Nancy, maituturing na in good faith ang kanyang nagawa. Isa pa, wala siyang kinalaman sa kasong sinasabi ng dating pinagtrabahuhan. Pinalaki lamang ‘di umano ng top management ang bagay na ito dahil sa pagdiskubre niya ng korupsiyon sa bahagi ng mga matataas na opisyal ng bangko.

Binigyan ng bangko ng Notice to Explain at nilagay sa Preventive Suspension si Nancy. 

Sa paliwanag naman ni Nancy, inamin niyang hindi nga niya nailagay sa kanyang application form ang tungkol sa dati niyang trabaho. Ngunit pinaliwanag niya na iyon ay dahil sa kanyang kasabikan sa pag-fill-up ng nasabing form. 

 Sa kabila ng kanyang paliwanag, tinanggal pa rin ng bangko si Nancy sa trabaho.

Sa tingin ng bangko, ang ginawa ni Nancy na pagbigay ng hindi tamang impormasyon sa kanyang aplikasyon ay paglabag sa patakaran ng bangko at maituturing na serious misconduct, fraud, o willful breach of trust and confidence sa ilalim ng ating Labor Code.

Bilang pagtatanggol sa kanyang karapatan, nagsampa si Nancy ng kasong illegal dismissal laban sa bangko sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Pinanigan ng Labor Arbiter si Nancy. Sinabi niya na ang ginawa nitong hindi pagbigay sa nasabing impormasyon ay hindi napakalaking kasalanan para tanggalin siya sa trabaho. 

Isa pa, hindi napatunayang nagkasala ng embezzlement si Nancy sa dati niyang trabaho. Kaya inutos ng Labor Arbiter na bayaran ng bangko si Nancy ng kanyang backwages at separation pay.

Nag-apela ang bangko sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngunit sinang-ayunan din ng NLRC ang Labor Arbiter sa desisyon nito.

Inakyat ng bangko sa Court of Appeals (CA) ang kaso.

Dito, nanalo ang bangko. Binaliktad ng CA ang desisyon at sinasabing may tamang batayan ang bangko sa pagtanggal kay Nancy.

Si Nancy naman ngayon ang nagdala ng kaso sa Korte Suprema. 

Sa desisyon na nilabas ng Korte Suprema, sinabi nitong ang parusa sa isang kaso ay dapat na maging kasukat sa bigat nito. 

Ang pagtanggal sa isang empleyado dahil lamang may hindi siya nabanggit kaugnay sa dati niyang pinagtrabahuan ay masyadong malupit na parusa.

Giniit ng Korte Suprema na nakalagay sa ating Saligang Batas na kung sakaling mayroong duda sa interpretasyon ng mga kontrata sa paggawa (labor contracts) ito ay dapat resolbahin sa panig ng mga manggagawa.

Kung titingnan, hindi talaga nagbigay ng maling impormasyon si Nancy kaugnay ng kanyang dating trabaho sa ibang bangko. Hindi lamang niya nabanggit na nagkaroon pala siya ng dating trabaho sa ibang banko, ngunit napakaliit nito para siya ay parusahan ng pagkatanggal sa trabaho.

Isipin natin na matagal na ring nagtatrabaho sa bangko itong si Nancy bago naungkat ang bagay na ito, sabi ng Korte Suprema . 

Halos limang taon na si Nancy sa kanyang trabaho. Marami ng mga bagay ang dumaan sa kanyang buhay. Nakapagtataka kung bakit biglang binuksan ng manedsment ng bangko ang bagay na ito. Maaring totoo nga ang sabi ni Nancy na ito ay dahil sa pagkadiskubre niya ng korupsiyon ng mga matataas na opisyal ng bangko. 

Kaya inutos ng Korte Suprema ang pagbayad ng bangko ng backwages at separation pay kay Nancy.

Sa karaniwang kaso, kapag napatunayang iligal ang pagtanggal ng kumpanya sa kanyang empleyado, inuutos ng husgado ang pagbabalik sa empleyado sa kanyang dating puwesto (reinstatement), paliwanag ng Korte Suprema.

Ngunit sa kasong ito ay hindi ito nasunod. Ito ay sa dahilang sira na ang relasyon ni Nancy at ng bangkong kanyang pinagtatrabahuhan at hindi magandang magsama pa silang dalawa.

Sana mga kasama ay may natutunan kayo dito sa kaso ni Nancy.

###