Pelikulang nagmumulat, libre!

,

Sa harap ng tuluy-tuloy na pambabaluktot sa kasaysayan ng Pilipinas, kapuri-puri ang pagpapalabas ng mga libreng pelikula tungkol sa Martial Law para gunitain ang ika-50 taon ng deklarasyon nito.

Alternatv

Para sa direktor na si Hector Barreto Calma, “luxury” o luho na ang panonood ng sine. Napakamahal na kasi ng presyo nito. Hindi na abot-kaya ng karamihan, lalo na sa harap ng nagtataasang bilihin.

Kaya kapuri-puri ang inisyatiba ng iba’t ibang organisasyon sa sining at midya na magpalabas ng libreng mga pelikula. Ang kanilang ipinapalabas, hindi lang basta sine, kundi mga pelikulang kumokontra rin sa talamak na pambabaluktot sa kasaysayan.

Tuluy-tuloy ang paglulunsad ng Altermidya (People’s Alternative Media Network) ng kanilang mobile cinema program sa ilalim ng AlternaTV. Isa sa bago nilang programa ay  “Ang Katotohanan sa mga Marcos at Martial Law,” libreng mga pelikula ng iba’t ibang direktor tungkol sa mga Marcos at sa Martial Law na ipinapalabas sa mga komunidad, paaralan at online. 

Nakita ng grupo ang pangangailangan na ilapit ang mga pelikula sa tao dahil limitado lang ang kayang abutin ng social media. Ayon kay Chantal Eco ng Altermidya, mas paborable ang mobile cinema dahil nagagawa nila magkaroon ng diskusyon o mag-kuwentuhan pagkatapos ng palabas. 

Sa paggunita ng International day of the Disappeared noong Agosto 30, nagkaroon ng libreng film showing ang Altermidya sa Bantayog ng mga Bayani. Ipinalabas dito ang “Liway” ni Kip Oebanda, “The Kingmaker” ni Laureen Greenfield, “Ang mga Alingawngaw sa Panahon ng Pagpapasya” ni Calma, “Portraits of Mosquito Press” ni JL Burgos, “EDJOP” ng Alternative Horizons, at ang “He Never Wrote 30” ng Kodao Productions. 

Patuloy din ang pagpapalabas ng iba pang pelikula tungkol sa Batas Militar gaya ng klasikong  “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” ni Lino Brocka, “No Time for Crying” ng AsiaVisions at marami pang iba. 

“Bago pa man ang eleksiyon ay nag-iikot na kami sa mga komunidad. Ngunit pormal na nilabas ang programa matapos makita ang resulta ng eleksiyon,” ani Eco.

Kuwento ng Tao

Bahagi ng kampanya para gunitain ang ika-50 taon ng deklarasyon ng batas militar ang pagmumulat at pagpapa-alala sa mga tao sa totoong sitwasyon noong panahon ng batas militar. Sa diwang ito, nakakatulong ang pagpapalabas ng mga libreng pelikula para magmulat at labanan ang mga kumakalat na maling impormasyon, sa pamamagitan ng mga kuwentong makatotohanan.

“Ngayon ay may malaking banta, actually hindi na siya banta kasi nangyayari na, na sirain ang ating kasaysayan, burahin, at palitan. May urgency kaya pumayag ipalabas ng libre ang pelikula ko, dapat mas pursigihin natin ang initiative na gumawa at magpalabas ng libre,” ani Calma. 

Ayon naman sa direktor na si Jay Altarejos, kailangan na “Double-time the effort. Ipalabas kahit saan, online and on-site,” dahil nakabalik ang mga Marcos sa pinakamataas na posisyon. 

“Medyo late na nga tayo e, dapat matagal na natin ‘to sinimulan, naging petiks tayo at some point kasi akala natin hindi siya mangyayari pero guess what? The greatest comeback of all time is here,” sabi naman ni Calma. 

Kung gusto umanong manalo sa tunggalian ng kuwento ng katotohanan, dapat ibigay nang libre sa masa ang mga pelikula na magmumulat sa kanila. 

“Kuwento ng tao ito at para sa kanila ‘to, pero bakit hindi nila napapanood ang kuwento nila kung para sa kanila?” ani Altajeros.

Bukod sa Altermidya, ang 2076 Kolektib ay naglabas din ng mga libreng pelikula ukol naman sa mga kasalukuyang isyu, katulad ng mga pelikula ni Altarejos na “Walang Kasarian ang Digmang Bayan,” “Memories of a Love Story” at “Ang Lalaki sa Parola.”

Nakita ni Altajeros na maraming libreng pelikula ang kumakalat kahit sa Youtube kaya naisipan niyang gawin rin ito. Importante umanong ibahagi sa bayan kung ano ang meron siya. 

“Ano ba ang meron ako? Itong mga pelikula namin, kung kaya ito ang maibibigay ko sa kanila,” aniya. 

Hindi rin natatapos sa libreng pelikula ang programa ng 2076 Kolektib. Mayron ding diskusyon o pakikipagkuwentuhan sa mga nanood tungkol sa natutunan nila mula sa pelikula. Dahil naniniwala si Altarejos na isa sa diwa ng panonood ng sine ang pagkakaroon ng “kausap na makakaintindi sa’yo dahil parehas kayo ng pinanood.” 

Sa Setyembre 17, maglulunsad ang Altermidya ng mga libreng screening sa UP Diliman Film Institute. Balak namang gawing permanente ng 2076 Kolektib ang libreng screening tuwing sabado ng gabi sa kanilang Facebook page. Plano rin nilang dalhin ang mga pelikula sa komunidad.

Lagi ring bukas ang Altermidya at 2076 kolektib sa bawat paaralan, organisasyon at komunidad na gustong makipag-ugnayan sa kanila para sa mga libreng pelikula.