Talasalitaan

Talasalitaan 0912 | Dukha, Maralita o mahirap


Dukha, Maralita o mahirap – estado ng pamumuhay ng isang indibidwal na walang kakayahang mabili ang mga pangangailangan, hindi sapat o gipit ang salapi o sahod upang maipantustos at mabili ang mga pangangailangan.  Ang pagiging maralita o dukha, ito din ay isang matinding problemang kinakaharap ng maraming pamilya ang nagugutom at naghihirap sa ating bansa Pilipinas. Sa […]

Talasalitaan 0912 Dukha, Maralita o mahirap
Talasalitaan 0912 Dukha, Maralita o mahirap

Dukha, Maralita o mahirap – estado ng pamumuhay ng isang indibidwal na walang kakayahang mabili ang mga pangangailangan, hindi sapat o gipit ang salapi o sahod upang maipantustos at mabili ang mga pangangailangan. 

Ang pagiging maralita o dukha, ito din ay isang matinding problemang kinakaharap ng maraming pamilya ang nagugutom at naghihirap sa ating bansa Pilipinas.

Sa ginawang pagsusuri ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021, lumobo pa ang bilang ng mga pobre na pamilyang Pilipino ngayon. 

Sa madaling salita, hindi maitatangging lumala ang kahirapan sa bansa. Sa giyera kontra kahirapan, nagdudusa tayo ng matinding kagipitan.

Noong lumabas ang sukatan ng kahirapan noong 2018, ipinagmalaki pa ng administrasyong Duterte na naranasan ng bansa ang pinakamabilis na pagbaba ng antas ng kahirapan. Mahigit 6 milyon daw ang nabawas sa bilang ng mahihirap, at nakamit daw iyon apat na taon bago ang huling araw na itinakda nila.

Batay sa mga numerong iniulat ng PSA noong Agosto 15, ang eksaktong bilang ng mahihirap ay 19.99 milyon na mga Pilipino o 18.1% ang mga dukha. Mas mataas ito kaysa sa 17.67 milyon o 16.7% na mga pobreng Pilipino noong 2018.

Ibig sabihin, 2.3 milyong Pilipino ang naidagdag sa mahihirap sa loob ng tatlong taon.

Noong Agosto 2020, ng mag-simula ang pandemya, inasahan na ng isang pag-aaral mula sa Philippine Institute for Development Studies na maaaring umabot sa 1.5 milyon hanggang 5.5 milyon ang madadagdag sa mahihirap, batay sa laki ng ayudang nakukuha mula sa gobyerno.

Samakatuwid, mas malala ang kahirapan kumpara sa tinarget ng gobyerno. Sa 17 rehiyon sa bansa, ang Region 7 o Central Visayas Region ang may pinakamalaking pagtaas ng mga pamilyang dukha sa taong 2021 mula 2018.

Kung hinimay ang datos sa mga rehiyon, lumalabas na pinakadumami ang mahihirap sa Central Visayas, kung saan mahigit 850,000 ang nadagdag sa mahihirap. Sinundan ito ng Central Luzon (+593,000) at Calabarzon (+574,000).

Pinakamataas naman ang bilang ng mahihirap o poverty incidence sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa 37.2% ng kabuuang populasyon.

Nakaaalarma ang 2.3 milyon dagdag na mahirap. Ibig sabihin kulang ang kinikita para tugunan ang pangunahing pangangailangan sa pagkain at iba pang non-food needs tulad ng pangkalusugan, pang-edukasyon, upa sa bahay, ilaw, tubig at pananamit.

Kung ang mamamayang Pilipino mismo ang gagamit at lilinang sa likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling pakinabang, sobra-sobra pa ito para sustinihin ang populasyong makailang beses ang laki kaysa kasalukuyan. 

Ang mamamayang Pilipino ay isang makapangyarihang puwersa para sa pag-unlad. May angkin silang lakas at talino para magpakahusay sa iba’t ibang larangan ng gawain sa lipunan.

Kaya nilang magtayo ng lipunang nagkakaisa, makatarungan at maunlad. Sa lakas at talino ng mamamayang Pilipino, naiipundar ang malawak na agrikultura, mga pabrika, minahan, transportasyon at komunikasyon na bumubuhay sa lipunan. Dapat sana’y sila ang nagtatamasa sa mga biyaya ng mga ito. 

Pero sila ang pinaka dukha at matinding pinagsasamantalahan at inaapi ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.  Kinakatas ng iilang imperyalistang dayuhan at mga lokal na naghaharing uri ang lakas at talino ng mamamayan para sa kanilang pakinabang. Kaya, mayaman man ang Pilipinas, dumaranas ng sobrang kahirapan ang mamamayang Pilipino.

Hanggat hindi nalulutas ang ugat ng kahirapan ng bansa at walang malinaw na plano ang pamahalaan para sa mga dukha. Ang mga gutom na sikmura ay magpapasyang kikilos at kikilos para ibagsak ang mapag-samantalang naghahari-harian sa ating lipunan.