Talasalitaan

Sahod


Kahit ilang beses nang itinaas ang sahod ng mga manggagawa, kulang pa rin ito.

Sahod – Ang bayad, suweldo o kita ng isang manggagawa bilang kapalit ng kanyang lakas-paggawa (labor power) na sinusukat sa oras na inilaan sa trabaho. Ito ang perang pinagpaguran na natatanggap nang regular (kadalasan ay arawan, lingguhan o buwanan) mula sa employer. Tinatawag din itong upa o pabuya. 

Ginagamit din ang sahod upang panatilihin ang manggagawa sa isang siklo ng dependency o kawalan ng kakayahang umasenso.

Sa Pilipinas, magkakaiba ang sahod o suweldo ng mga manggagawa sa iba’t ibang lugar at rehiyon.

Ang arawang minimum na sahod sa National Capital Region ngayon ay nasa P780 kada araw nang ianunsiyo ang P85 dagdag-sahod matapos ang anunsiyo ng Department of Labor and Employment noong Hunyo 30.

At kahit magkakaparehas naman ang presyo ng mga bilihin sa iba’t ibang sulok ng bansa, ginawa ng gobyerno na mas mababa ang basic pay sa labas ng Kamaynilaan.

Narito ang listahan ng arawang minimum wage sa buong bansa mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa:

  • NCR: P718–P780 (in tranches)
  • Region III (Central Luzon): P515–P600 (in tranches)
  • Region IV-A (CALABARZON): P508–P600 (in tranches)
  • Region VI (Western Visayas): P520–P550
  • Region XI (Davao Region): P525–P540 (in tranches)
  • Region VII (Central Visayas): P500–P540
  • Cordillera Autonomous Region: P505
  • Region I (Ilocos Region): P480–P505
  • Region II (Cagayan Valley): P500Region X (Northern Mindanao): P485–P500 (in tranches)
  • Region V (Bicol Region): P480 (in tranches)
  • Region XIII (Caraga): P475 (in tranches)
  • Region VIII (Eastern Visayas): P440–P470 (in tranches)
  • Region IX (Zamboanga Peninsula): P451–P464
  • Region XII (SOCCSKSARGEN): P443–P460 (in tranches)
  • Region IV-B (MIMAROPA): P455
  • BARMM: P366–P411

Kahit ilang beses nang itinaas ang sahod ng mga manggagawa, kulang pa rin ito. Kasabay nito ang pagtaas din ng presyo ng pangunahing bilihin at krudo. Hindi naman dapat pinanonood lang ng gobyerno ang paghihirap ng taumbayan sa gitna ng krisis. 

Sa kabila ng mga nakaraang pagtaas, patuloy ang panawagan ng mga grupo ng manggagawa (gaya ng Kilusang Mayo Uno at iba pang kilusang manggagawa) para sa mas mataas na sahod nitong nakaraang Mayo Uno dahil sa mahal na bilihin.

Mula sa mga kaisipan ni Karl Marx ang teorya ng halaga ng paggawa (labor theory of value) na nagmumungkahi na ang halagang pang-ekonomiya ng anumang kalakal ay nasusukat sa “oras ng paggawa na kinakailangan sa lipunan” para maprodyus ito, sa halip na sa presyo nito sa merkado. Ibig sabihin, lakas-paggawa ang pangunahing nagtatakda ng halaga ng isang bagay pagdating sa paglikha nito.

Ikinakatuwiran nito na ang paggawa ng tao ang tanging pinagmumulan ng bagong halaga, kung saan ang halaga ay umiiral bilang ugnayang panlipunan, hindi bilang likas na ari-arian.

Ayon pa kay Marx, ang sahod ay hindi patas na kabayaran sa buong halaga ng trabahong ginawa ng isang manggagawa. Sa halip, ito ay ang presyo lang na binabayaran ng kapitalista upang mapanatiling buhay at produktibo ang lakas-paggawa ng manggagawa.

Ginamit ni Marx ang teoryang ito upang ipakita na tumatakbo ang kapitalismo sa pagsasamantala at paggawa ng karaniwang tao. Ang halaga ng isang produkto ay ipinapatong sa halaga ng paggawa, ito ang sinasabing labis na halaga na pinagmumulan ng kita. Sa madaling sabi, ang labis na halaga ay patong ng kapitalista sa isang produkto kahit na ang halaga nito ay ang ibinayad lang niya para sa produksiyon, kagaya ng sahod ng mga gumawa nito.

Sa kanilang sipag, tiyaga at dedikasyon sa paggawa, nalilikha ang mga serbisyo at produkto, kalakal na bumubuhay sa ekonomiya at nagbibigay ng kita sa mga negosyo. Ngunit sa kabila ng kanilang mahalagang ambag at papel sa lipunan, nanatiling mahirap, busabos at dukha ang nakararami. Habang ang mga nasa tuktok ay patuloy na umaani ng malalaking tubo o kita at nagpapasasa sa luho, ang mga manggagawa ay nahihirapang makaagapay at nakikipagbuno sa tumataas na presyo ng mga bilihin. Panahong kilalalin natin ang kanilang napakahalagang ambag at tunay na halaga sa produksyon sa pamamagitan ng makatarungan at nakakabuhay na sahod.

Ang mga manggagawa ay may karapatang tumanggap ng makatarungang sahod, hindi lang karaniwang sahod, kundi isang nakabubuhay at nagbibigay-dangal na sahod na nakakatitiyak na maitataguyod at mapoprotektahan ang kanilang pamilya sa isang ligtas at disenteng tahanan. 

Dapat din pahalagahan ang mga manggagawa, hindi lang bilang kasangkapan sa pagkita at tubo, kundi bilang mga taong may dignidad at karapat-dapat na tratuhin nang may katarungan at paggalang. Sapagkat ang bawat isa sa atin ay tinatawag na gumawa hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kapakanan ng nakararami.