Analysis

Bakit hindi delikado ang dagdag-sahod? (At ayaw nilang malaman mo ito)


Bakit ganoon na lang ang pagtutol ng gobyerno at mga kapitalista sa dagdag-sahod? May sabwatan ba ang dalawa para patuloy na ipako sa mababang halaga ang sahod?

Marahil hindi na bago sa ating pandinig ang propaganda ng mga kapitalista at ng mga economic manager ng pamahalaan na ang dagdag na minimum na sahod ay magkakaroon ng negatibong epekto tulad na lang ng tanggalan sa trabaho at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Matatandaang mahigpit na tinutulan noong nakaraang taon ang P100 hanggang P200 legislated wage increase noong nakaraang taon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) dahil sa sinasabing epekto nito sa ekonomiya

Tutol din sa dagdag-sahod sina Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, noo’y Finance Secretary Ralph Recto, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, noo’y Budget Secretary Amenah Pangandaman, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. at Trade Secretary Ma. Cristina Roque.

Naglabas na rin ng pahayag ang Department of Labor and Employment na walang aasahang anunsiyo ng dagdag-sahod sa buong bansa ngayong darating na Mayo Uno at hahayaan ang mga Regional Tripartite Wage and Productivity Board na magpasya para rito.

Ngunit ang kumbensiyonal na paniniwala na ang dagdag-sahod ay makakasama sa trabaho at implasyon ay matagal nang binasag ng labor economist at 2021 Nobel Peace Prize na si David Card, gayundin ang isa pang pag-aaral mula sa University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP Solair).

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Simulan natin sa pananaliksik ni Card, kasama si Alan Krueger, na isa ring ekonomista sa Princeton University, na kanilang isinulat na “Minimum Wages and Employment: A Case Study of the Fast-Food Industry in New Jersey and Pennsylvania.”

Sa kanilang argumento, ang dagdag na minimum na sahod ay hindi nangangahulugan na magkakaroon ng pagtanggal sa trabaho. Gamit ang natural na eksperimento, sinuri nina Card at Krueger noong 1992 ang epekto sa trabaho ng 410 na fast food restaurant sa nabanggit na dalawang estado ng Amerika, na kung saan nagtaas ng minimum na sahod mula $4.25 tungong $5.05 kada oras sa New Jersey, samantalang nanatili lang ang sahod sa Pennsylvania.

Lumalabas sa kanilang pagsusuri na walang naging kabawasan sa trabaho sa dalawang estado, bagkus nadagdagan pa ang bilang ng full-time equivalent employees ng 13% kada tindahan sa New Jersey matapos ipatupad ang dagdag-sahod sa nasabing estado.

Lumalabas din na ang tindahan na nagpapasahod lang ng $4.25 bago ang dagdag-sahod sa New Jersey, ang siya ring nakapag-ulat ng pinakamalaking pag-unlad sa bilang ng trabaho pagkatapos ng dagdag-sahod, kumpara sa tindahang dati nang mataas ang sahod sa nasabing estado. 

Wala ring ebidensiya na nagkaroon ng negatibong epekto sa mga outlet ng isang kilalang fast food chain sa nasabing estado ng dagdag-sahod. Ito ay matapos suriin ang isang kilalang fast food chain kung saan siya nagtayo ng mga sangay sa mga estado ng Estados Unidos kung saan nagkaroon ng dagdag-sahod. Kaya hindi hadlang ang dagdag-sahod sa pagbubukas ng mga bagong outlet.

Nasa pag-aaral din na bagama’t may bahagyang pagtaas ng presyo ng fast food meals sa New Jersey, magkahalo ang ebidensiya kung ang dagdag-sahod ay nagresulta sa mas mataas na presyo sa mga fast food. Wala ring ebidensiya na mabilis na tumaas ang presyo sa mga tindahan sa New Jersey pagkatapos ng dagdag-sahod.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Sa pananaliksik naman nina Czar Joseph Castillo, Adolfo Jose Montesa at Benjamin Velasco ng UP Solair na “Impact of wage hikes on employment and inflation,” lumalabas din na walang signipikanteng relasyon ang dagdag-sahod sa tanggalan sa trabaho at implasyon.

Gamit ang Difference-in-Differences regression model, sinuri ang mga taon mula 2013 hanggang 2017, kung saan sa taong 2013-2014 nagkaroon ng positibong epekto sa trabaho ang dagdag-sahod. Samantalang negatibo naman sa taong 2016-2017 at hindi signipikante naman sa natitirang taon. Pinapakita lang nito na hindi dagdag-sahod ang rason sa malawakang tanggalan.

Samantala, sa pagsusuri kung ang dagdag-sahod ay makakaapekto sa mga presyo ng mga bilihin, lumalabas na hindi gaanong signipikante ang epekto ng dagdag-sahod sa presyo ng mga bilihin. Ito ay matapos sukatin ng mga mananaliksik ang pagbabago sa consumer price index pagkatapos tumaas ang tunay na sahod mula 2003 hanggang 2020. Lumalabas din na hindi masyadong malaki ang epekto sa presyo sa mga rehiyon kapag may regional wage hike.

Kung hindi sahod, ano ang salik ng paggalaw ng mga presyo? Ayon kay Hansjorg Herr, isang ekonomistang Aleman, ang paggalaw ng presyo ay maaaring nagmula sa tinatawag na cost-related factors o demand and supply imbalance. Sa Pilipinas, napakalaking salik ang gastos sa enerhiya bilang cost-related factor. 

Dagdag pa, magdudulot ang pagtaas ng sahod ng dagdag-gastos sa paggawa (labor cost), ngunit maaaring mabawi ang inflationary impact nito sa pamamagitan ng mataas na produktibidad.

Kung pagbabatayan pa ang pag-aaral kung saan ipinatupad ang huling legislative wage hike noong 1989 ay nagkakahalaga na P25 across-the-board, hindi naganap ang kinatatakutan ng lahat na economic shocks noong panahon na iyon.

Kung tutuusin, mas mataas ng 40% ang dagdag-sahod na iyan, kumpara sa P200 na wage increase na panukala sa House of Representatives na katumbas lang ng 31% sa Metro Manila.

Bakit ganoon na lang ang pagtutol ng gobyerno at mga kapitalista sa dagdag-sahod? Marami-rami na ang mga literatura na nagpapaliwanag nito na ayaw naman talagang mabawasan ang kita ng mga kapitalista at maging “kompetitibo” ang Pilipinas, lalo na sa mga dayuhang pamumuhunan. At dito papasok ang sabwatan ng gobyerno at mga kapitalista na panatilihin ang murang lakas-paggawa bilang atraksiyon sa dayuhang kapital.

Sa mga pananaliksik na ito, malinaw na hindi puwedeng idahilan ang gasgas na argumento at pananakot ng mga kapitalista at mga economic manager na ang dagdag-sahod ay nangangahulugan ng malawakang tanggalan sa trabaho at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kung tutuusin, makakatulong pa ang dagdag-sahod para sa mas mataas na produktibidad at malakas na konsumo na mas magpapalago sa ekonomiya at hakbang para sa inklusibong pag-unlad.

Kaya mas dapat lang na itulak ng mamamayan ang pagkaroon ng legislated wage increase at national minimum wage, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng ginawang giyera ng US at Israel sa Iran, at sa patuloy na pagbaba ng purchasing power o kakayahang bumili ng mamamayan.