P1,200-P1,500 dagdag-sahod, ipinetisyon sa Calabarzon


Muling naghain ng petisyon para sa makabuluhang dagdag-sahod ang alyansa ng mga obrero sa Calabarzon na anila’y makatuwiran at kagyat na kailangan lalo ng mga bulnerableng manggagawa.

Ilang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naghain ng petisyong P1,200 hanggang P1,500 dagdag-sahod ang mga organisasyon at unyon sa ilalim ng alyansang Workers Initiative for Wage Increase (WIN4WIN) sa Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa Calamba City, Laguna nitong Ago. 1.

Ayon sa WIN4WIN, hindi man lang nabanggit sa SONA ni Marcos Jr. ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

“Pinakita lamang niya na wala siyang malasakit sa manggagawa kasama ang kasabwat niyang mambabatas sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso,” sabi ng WIN4WIN sa isang pahayag.

“Hindi pa rin nawawala sa isipan naming mga manggagawa ang nangyaring pagpatay ng Senado sa P200 na dagda- sahod, na ang gusto [niya] ay pag-usapan na lang sa mga regional wage boards,” dagdag ng alyansa.

Nasa P560 kada araw ang pinakamataas na sahod ngayon sa rehiyon. Kapos pa rin ito kahit sa kalahati ng P1,143 family living wage ayon sa Ibon Foundation, lalo na sa P1,500 kada araw na resulta ng pag-aaral ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

Kahit sa komputasyon ng Philippine Statistic Authority, mas mababa ang sinasahod ng mga manggagawa sa Calabarzon kumpara sa Income Poverty Threshold na P710.67 kada araw. Ang naturang threshold ay ang minimum na kailangan ng isang pamilya para makatugon sa kanilang mga batayang pangangailangan.

Para sa alyansa, makatuwiran ang kanilang hinihinging umento at kagyat na kailangan ito ng mga manggagawa, lalo na ng mga bulnerableng kontraktuwal at manggagawang walang unyon at collective bargaining agreement sa mga pagawaan.

Sa rekord ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno, nananatiling nasa 70% hanggang 80% ang mga manggagawang kontraktuwal sa rehiyon.