P200 taas-sahod, aprub sa Kamara


Pasado na sa Kamara ang panukalang batas para sa P200 dagdag sa arawang sahod ng lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa buong bansa.

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 11376 o Wage Hike For Minimum Wage Workers Act, na magsasabatas ng P200 dagdag sa sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Bumoto pabor sa pagpasa ng panukala ang 171 Kongresista, habang isa naman ang tumutol, noong Hun. 4, anim na araw bago magsara ang sesyon ng Ika-19 Kongreso.

Sa inaprubahang bersiyon ng HB11376, dadagdagan ng P200 ang arawang sahod ng lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor, regular man o kontraktuwal, kabilang ang mga manggagawang agrikultural, sa buong bansa.

Nakasaad din sa panukala na hindi dapat mabawasan ang mga allowance at iba pang benepisyo na dati nang natatanggap ng isang manggagawa dahil sa ipapatupad na umento.

Nagpapataw naman ng P100,000 hanggang P500,000 na multa o dalawa hanggang apat na taon na pagkakakulong sa sino mang lalabag sa naturang panukalang dagdag-sahod.

Tinatayang mahigit limang milyong manggagawa ang makikinabang sa panukalang umento ayon sa Trade Union Congress of the Philippines.

Maaaring tumanggap ng mga insentibo mula sa Department of Labor and Employment ang maliliit na negosyong magpapatupad ng dagdag-sahod.

Puwede namang humiling ng eksempsiyon sa pagbibigay umento ang mga negosyong may hindi lalampas sa 10 empleyado at mga nasalanta ng kalamidad o sakuna.

Kung pipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ang unang maisasabatas na umento sa nakalipas na 36 taon. Huling nagsabatas ng dagdag-sahod noong 1989, kasabay ng pagtatakda ng iba’t ibang sahod sa kada-rehiyon, probinsya o industriya sa bisa ng Wage Rationalization Law.

“Dapat agarang lagdaan ni [Ferdinand] Marcos [Jr.] ang panukalang batas na ito sa oras na maisumite ito sa kanyang tanggapan,” sabi ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Bagamat malayo aniya ito sa panawagan nilang P1200 na minimum wage, ibinunga pa rin ng tuloy-tuloy na paglaban ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod ang pagkakapasa ng HB 11376.

Para kay Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, “signipikanteng hakbang” ang pagpasa ng HB 11376 para maiusad ang usapan sa pagsasabatas ng dagdag-sahod mula sa matagal nang kawalang-aksiyon ng Kongreso.

Araw ng Paggawa 2025. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Pero kapos pa aniya ang P200 na umento para abutin ang nakabubuhay na sahod.

Sa huling tala ng Ibon Foundation, tinatayang P1,216 ang kailangang sahod para mabuhay nang disente ang isang pamilya, samantalang nasa P474 lang ang average na sahod sa buong bansa.

Wala pang katiyakan kung pipirmahan ni Marcos Jr. para maging ganap na batas ang P200 dagdag sahod. Walang malinaw na posisyon ang Pangulo sa pagsasabatas ng umento.

Noong Mayo 2024, tinanggihan ni Marcos Jr. na isama sa mga prayoridad na batas ng administrasyon ang pagsasabatas ng umento. Sa halip, ibinalik niya ang pagpapatupad ng dagdag-sahod sa mga regional wage board, na matagal nang pinapabuwag ng mga manggagawa dahil sa pagiging inutil sa kanilang panawagan para sa nakabubuhay na sahod.

“Kung ive-veto pa ni Marcos [Jr.] ang kakarampot na dagdag sahod na ito, lalo lamang mailalantad ang pagiging anti-manggagawa ng kanyang rehimen,” ani Adonis.

Kailangan pang pagkasunduan sa bicameral conference ng Kongreso kung ang ipapasa para pirmahan ni Marcos Jr. ay ang P200 na bersyon ng Kamara o ang P100 umento na naunang inaprubahan ng Senado noong Pebrero 2024.

“Hindi tayo titigil maging mapagbantay sa panukalang ito, hanggang ipasa rin ng senado at pirmahan sa Malacañang,” sabi ni Brosas.