Obrerong hikahos sa ‘di sapat na sahod
Walang diskarteng uubra kung patuloy na mababa ang arawang sahod ng manggagawang Pilipino at mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Paano nga ba kumita nang sapat para sa pamilya? Madalas nating marinig na diskarte lang ang kailangan.
Pero para kina Nilo Cantos at William Hermogino, mga manggagawang dekada nang nagtatrabaho sa dalawang pabrika sa Kamaynilaan, kailangan nila ng nakabubuhay na sahod.
Kahit anong diskarte, kung barat ang sahod sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, pagpapaaral sa anak, kawalan ng mura at abot-kayang pabahay, mataas na singil sa kuryente at tubig at iba pang gastusin, palaging hindi sapat, palaging hikahos.
Nilo Cantos, Caloocan City
Si Nilo Cantos, 56, isang manggagawa sa isang pagawaan sa Caloocan City. Sa ilang taong pagsisipag, hindi pa rin nakakapagpundar ng sariling bahay para sa kanyang mag-ina. Sa harap ng kanyang inuupahang bahay, ikinuwento niya ang buwanang paghahanap ng paraan para makabayad ng renta. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly
Lingguhang sumahod si Nilo, hinahati ang kaltas sa Pag-ibig at SSS para hindi mabigla ang bulsa. Sa loob ng halos isang dekada sa kanyang kompanya, nasa Php 110 pa lang ang itinaas ng kanyang sahod. Nagsimula sa 500 kada araw noong 2016, ngayon, Php 610 kada araw. Walang unyon sa kanilang pagawaan, kaya’t nakaasa sila sa barya-baryang pagtaas ng sahod mula sa gobyerno. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly
Dala-dala ni Shanel, 41, kinakasama ni Nilo ang mga plastic bag ng biniling ulam sa karinderya para sa kanilang pananghalian. Sa halagang P100, nakabili siya ng adobong pusit at ginataang gulay. Katuwang ni Nilo ang asawa sa paghahanap ng paraan para pagkasyahin ang kanyang buwanang sahod. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly
Kanin, ginataang gulay, adobong pusit at dilis na isinangag ni Nilo ang kanilang pananghalian. Dahil sa taas ng presyo ng bilihin, tingi-tingi lang ang nabibili ng halos P300 nila sa lamesa. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly
Simpleng pananghalian ng mag-asawa. Ani Nilo, malaki ang sakripisyo ng pamilya para makaraos. Hiling ni Nilo, itaas ang sahod, sapat para tustusan ang renta, pagkain at pag-aaral ng anak. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly
William Hermogino, Marikina City

Si William Hermogino, 56, isang manggagawa ng Manila Bay Thread Corporation. Sakay ng kanyang naipundar na motor, oras na umuwi matapos ang 10:00 p.m. hanggang 6:00 a.m. na shift sa pabrika bilang spot checker Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly
Matapos ang mahabang araw sa pabrika, pahinga ang takbuhan ni William. Sanay siya sa pagbabanat ng buto. Matapos makuha ang high school diploma, dumiretso na siya sa pagtratrabaho sa iba’t ibang pagawaan. Inabutan pa niya ang P48 na minimum na sahod noong dekada ‘80. Mula noon, mumo ang pagtaas ng sahod. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly
Dalawampu’t walong taon na siyang nagtratrabaho sa kasalukuyang pabrika. Sa halip na makatanggap ng mas mataas na sahod at dagdag na mga benepisyo, isang sertipiko ng pagkilala lang ang nakuha niya. Ipinaskil na lang niya sa kanyang silid sa bahay. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly
Kagaya ng marami, pinapasan ni William ang nagtataasang mga bayarin. Nasa P775 ang kanyang arawang sahod. Bunga na rin ng pakikipag-bargain ng kanilang unyon, nagawa nilang makapagkamit ng dagdag-sahod. Sa kabila nito, aminadong hindi pa rin sapat. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly
Kagaya ni Nilo, nananawagan si William ng pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod. Para sa kanya, kayang makamit ng mga manggagawa ang P1,200 arawang sahod sa kanilang sama-samang pagkilos. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly