Tumataas na presyo, bumababang sahod
Para sa bottom 30% ng populasyon, mas mataas ang kanilang inflation—ang taunang inflation para sa mga maralitang lungsod ay 6.7% kumpara sa kabuuang inflation para sa taong 2023 na 6%.

Pasado na sa Committee on Labor and Employment ng Kamara ang pinagsamang House Bill (HB) No. 514, 7568 at 7871 o ang panukalang batas para sa P200 across-the-board na dagdag-sahod para sa lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Pero nag-aatubili pa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madaliin ang panukalang dagdag-sahod. Kailangan pa aniyang suriin ang magiging epekto nito sa mga maliliit na negosyo at ang posibilidad na pataasin nito ang presyo ng bilihin.
Gayunpaman, sa pagsapit ng bagong taon, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin na may nararapat na kaakibat na pagtaas din sa sahod. Isang salik ito ng ekonomiya na ipinangako ng pangulo na tinutugunan ng kanyang administrasyon.
Sa nakaraang taon, inilatag ng mga ahensiya ng gobyerno ang kanilang iba’t ibang mga hakbang upang matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.
Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), naabot ng gobyerno ang inflation target sapagkat nakatungtong sa 3.2% ang average na inflation rate kung susumahin ang bawat buwan ng taong 2024.
Dagdag pa ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, matagumpay daw ang kanilang mga pagkilos upang pababain ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Kaakibat nito ang kanilang ipinagmamalaking pagtaas ng ating gross domestic product, o ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na ginawa ng ating ekonomiya, kaya’t umaasa ang NEDA na muli nila itong maaabot sa bagong taon.
Hindi makataong “kaunlaran”
Bagaman isang batayan ng kaunlaran ang pagbagal ng inflation sa pagsugpo sa masidhing hindi pagkakapantay-pantay sa alokasyon ng kaban ng bayan sa mga mamamayan nito, huwad ang tagumpay na idineklara ng NEDA sapagkat hindi nito isinasaalang-alang ang mga iba pang mga sanhi ng marahas na kahirapan sa ating bayan.
Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, ang paglago ng ekonomiya ay hindi nangangahulugan na natutugunan nito ang hindi pagkakapantay-pantay. Bagaman isang marka ito ng malawak na kaunlaran ng bayan, hindi pantay ang mga benepisyo na natatanggap ng bawat uring panlipunan.
Globalisasyon ang isang halimbawa ng isang daungan ng kaunlarang pang-ekonomiya ngunit dala ng mga epekto nito sa mga manggagawa, kagaya ng pagtaas ng pangangailangan sa mga tinatawag nilang specialized jobs na nangangailangan ng mga bihasang manggagawa upang gumana ang linya ng produksiyon, hindi natatamasa ng mga maralitang sektor ang kaunlarang ito.
Malaki man ang ibinaba ng poverty rate kung ikukumpara ang kasalukuyang porsiyento ng 13.6% sa nakaraang taon sa 49.2% noong 2011, makikita kung bakit tinatawag pa rin tayo bilang isa sa mga “fastest growing economy” sa Asya ngunit mapanlinlang ang mga datos na ito kung hindi binigyan ito ng lalim sapagkat masidhi pa rin ang kahirapan bagaman mabilis ang usad ng ekonomiya natin.
Binibigyang lawak ng isang pananaliksik mula sa World Citi Colleges ang kaunlarang ito sapagkat salungat daw ang ating malagong ekonomiya sa patuloy na paglala ng hindi pagkakapantay-pantay ng sahod.
Dagdag pa dito, ipinahayag din ng pag-aaral na malaking porsiyento sa kabuuang kayamanan ng ating bayan ay nasa kamay ng ilang tao lang na siyang nagpapalala sa hindi makataong pasahod na kinakaharap ng ating mga manggagawa.
Bagaman mabilis ang paglago ng ekonomiya at pababa ang poverty rate sa ating bayan, hindi pa rin maipagkakaila na mahigit 17% ng kabuuang pambansang kita ang nasa kamay ng mga pinakamayamang kapitalista, politiko at asyendero na inookupahan ang 1% sa rurok ng kabuuang bilang ng populasyon.
Samakatuwid, mahigit 14% lang ng kabuuang pambansang kita ang hawak ng nasa ibabang 50% ng populasyon mula sa mga maralitang lungsod at ibabang baitang ng panggitnang uri.
Upang bigyang imahen ang lawak ng hindi pagkakapantay-pantay na ito, sinabi sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies na unang-una ang Pilipinas sa anim na mga pinakamalaking ekonomiya sa Association of Southeast Asian Nations sa batayan ng Gini coefficient.
Mayroon umanong naitalang 41.58% ang Pilipinas noong taong 2022 ibig sabihin mataas ang hindi pagkakapantay-pantay ng Pilipinas sa batayan ng kita at ng alokasyon ng kabuuang kaban ng bayan.
Panangga sa tumataas na presyo
Sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, tumataas din ang pangangailangan ng makataong sahod. Ngunit taliwas dito ang matagal ng paniniwala ng mga Keynesian na mga ekonomista, isang klase ng pag-aaral ng ekonomiya na hango mula sa mga gawa ni John Maynard Keynes, na may epekto ang sahod sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Pinabulaanan ito ni Faith Cacnio, isang ekonomista mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, sa kanyang pananaliksik kung saan sinuri niya ang ang epekto ng pagtaas ng sahod sa inflation. Mahina aniya ang ugnayan na nagtuturo sa pagtaas ng presyo kapag itinataas ang sahod.
Kabaligtaran ang naging resulta ng kanyang pananaliksik sapagkat sinuri niya ang datos na humihigit sa dalawang dekada ng pagtaas ng presyo at ng sahod, nakita niya na tumataas ang presyo ng bilihin kapag tumataas ang sahod ng mga manggagawa.
Sa isang ideyal na ekonomiya, dapat pantay ang paglago ng dalawa upang patagin at patibayin ang pundasyon nito. Ngunit sa konteksto ng Pilipinas taliwas ang nangyari bagama’t lumalago ito.
Ipinaliwanag ni Benjamin Velasco ng University of the Philippines (UP) School of Labor and Industrial Relations na bagaman magandang balita ang pagbagal ng inflation, nangangahulugan ito na ang totoong sahod ay hindi pa rin tumataas.
“Tumaas ang nominal minimum wages [ang pinakamababa na sahod na matatanggap ng isang manggagawa ng hindi isinasaalang-alang ang inflation] ng bahagya lamang pero nasa ibaba pa rin ito ng inflation. Hindi gumagalaw ang tunay na sahod kahit ng kaunti, na siyang matagal nang karanasan sa Pilipinas,” ani Velasco.
Ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin ng kahit kaunti lang ay nangangahulugan ng pagbabawas sa kakayahan ng tao upang bumili.
Para sa bottom 30% ng populasyon, tuloy na ipinaliwanag ni Velasco, mas mataas ang kanilang inflation ayon sa datos mula ng Philippine Statistics Authority—ang taunang inflation para sa mga maralitang lungsod ay 6.7% kumpara sa kabuuang inflation para sa taong 2023 na 6%.
“Para sa bottom 30%, ang buslo ng pamilihin ng mga maralitang Pilipino ay nakatuon para sa pagkain. Sa kasamaang palad, ang inflation sa pagkain ay higit na mas mataas kesa sa inflation ng ibang mga produkto,” sabi ni Velasco.
Presyo at sahod
Sa National Capital Region (NCR), nananatiling P645 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa industriya ng produksiyon at serbisyo, habang P608 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa agrikultura, trabahador ng retail at sa industriya ng serbisyo na hindi hihigit sa 15 ang mga manggagawa sa pagsapit ng bagong taon.
Mula ito sa ipinasang P35 na pagtaas sa sahod ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region (RTWPB-NCR) sa ilalim ng Wage Order NCR-25 na nilagdaan noong Hun. 27, 2024.
Gayunpaman, iginiit ng Ibon Foundation na malayo ang arawang sahod na ito sa kanilang tinatayang family living wage o ang kinakailangan sahod para punan ang mga pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro sa NCR.
Ayon sa kanilang datos, ang isang pamilyang may limang katao ay dapat kumita ng arawang sahod na P1,227 upang mapunan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan na may P582 na agwat kung ikukumpara sa kasalukuyang minimum na sahod.

Hinggil sa malalang sitwasyon ng pasahod sa bayan, matagal nang kinakalampag ng sektor ng paggawa ang administrasyong Marcos Jr. upang makamit ang pagtaas sapagkat hindi na nakahabol ang pagtaas ng sahod sa tumataas na presyo ng mga bilihin.
“Ang kailangan talaga ng mga manggagawa ay ang nakabubuhay na sahod. Ito ay nagkakahalaga ng P1,200 batay sa totoong presyo ng mga bilihin sa merkado,” ani Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU) patungkol sa datos ng Ibon Foundation.
Binigyang diin naman ni Sonny Matula, pangulo ng Free Workers President, na kinakailangan pagtuunan ng ating Kongreso ang pagtaas ng sahod.
Isang pagkakataon lang daw ang pagbagal ng inflation upang maisagawa ang isang kongkretong wage hike ngunit para sa mga manggagawa na walang unyon na walang kapangyarihan upang igiit ang kanilang mga hinaing. Nanatili pa rin daw desisyon ng mga malalaki at maliliit na negosyo kung paano nila ilalaan ang kanilang pera.
Patunay ito na inuuna ng gobyerno dingin ang hinaing ng mga malalaking negosyante at mga kapitalista imbis na lutasin ang masidhing kahirapan na tampok sa sektor ng mga manggagawa. Kailangan kilalanin ng gobyerno na mamimili din ang mga manggagawa at ang mga maralitang lungsod ay nababaon ng patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin.
Ang mamimili sa merkado
Upang bigyan ng mas malawak na larawan ang mamimili sa konteksto ng kasalukuyang estado ng sahod, ang mamimili ay madalas na bumibili ng limang klaseng gulay sa bawat punta nila sa palengke na tumitimbang ng mahigit 250 hanggang 600 gramo sa bawat klase nito ayon sa pananaliksik ni Sylvia Concepcion, pangulo ng UP Strategic Research and Management Foundation.
Ayon sa kanyang pananaliksik, okra, sitaw, talong, kalabasa at repolyo ang madalas na binibili ng mga kalahok ngunit marami pang klase ng gulay ang ginagamit na sangkap.
Ito ang pagbubuod ng mga presyo ng ilan sa mga gulay na binanggit ni Concepcion ayon sa datos mula sa Department of Agriculture (DA) na kinuha ang average ng mga presyo sa lahat ng mga merkado na pamilihan sa NCR.
Gulay | Presyo (per kilo) | Presyo (half kilo) |
---|---|---|
Bawang (Imported) | P162 | P81 |
Sibuyas na Puti | P121 | P60 |
Kalabasa | P70 | P35 |
Kamatis | P125 | P62.5 |
Sitaw | P124 | P62 |
Carrots | P137 | P68 |
Patatas | P160 | P80 |
Siling Pula | P478 | P239 |
Pechay | P74 | P37 |
Bell Pepper (Pula) | P301 | P150 |
Average | P175.2 | P87.45 |
Per 5 Items | P876 | P437.25 |
Ayon sa datos, ang pangkaraniwang mamimili ay inaasahang gagastos ng mahigit P175.2 para sa isang kilo o P87.45 para sa kalahating kilo ng isang klase ng gulay sa mga merkado sa NCR ngayon.
Gayunpaman, importante na bigyang-diing nakadepende sa putahe ang bibilhing dami ng gulay kaya ang pangkaraniwang pamilya ay hindi bibili ng tig-iisa o tigkalahating kilo ng bawat limang gulay na binibili niya sa kada punta niya sa palengke.
Dala ng masidhing kakulangan sa datos tungkol sa mga mamimili sa merkado, walang kongkretong tantiya ang gobyerno kung magkano ang makatotohanang magagastos ng pangkaraniwang mamimili sa gulay pa lang.
Ang pinakamalapit na dito’y ang kanilang datos tungkol sa food threshold o ang pinakamaliit na sahod na kinakailangan ng isang pamilya upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan sa pagkain. Itinakda ito sa halagang P9,550 kada buwan o P64 kada araw ayon sa NEDA.
“Makakabili ang P64 kada araw ng mga murang pagkain kagaya ng bentelog o instant noodles, ngunit hindi nito maibibigay ang mga sustansiya na kinakailangan ng tao,” sabi ni Mimi Doringo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) patungkol sa datos ng NEDA.
Mawawalan ng kapasidad na bumili ang mamimili ng kahit kalahating kilo lang ng gulay kung gagawing batayan ang poverty threshold ng NEDA
Paliwanag ni Xandra Bisenio ng Ibon Foundation, sinasadya ng gobyerno na panatilihin mababa ang food threshold para itatag ang mababang pamantayan ng sahod at pamumuhay upang akitin ang mga dayuhang bansa na mamuhunan sa ating bayan.
Muling binabalikan ang datos ni Velasco, ubos ang arawang sahod ng maralitang mamimili sa gulay pa lang. Kung isinasaalang-alang ang iba pang mga bayarin sa mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay kagaya ng kuryente, tubig at upa sa bahay, higit pa sa kulang ang natatanggap na sahod ng pangkaraniwang Pilipino.
Kaya sa darating na halalan, importanteng suriin kung kaunlaran ba para kanino ang dala ng ating mga kandidato.
Kung hindi para sa taumbayan, walang silbi ang kaunlarang pinaglilingkuran lang ang interes ng mga taong pinagkakakitaan ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino.