Manggagawa, tagahulma sa kasaysayan
Mayo Uno na naman. Mapupuno ang mga kalsada ng mga manggagawa. Higit sa pag-apresya sa mga nagbabanat na buto nating kababayan, kilalanin natin na may dakilang misyon sila para sa pagbabago ng buong lipunan.

Hindi basta araw ng pamamahinga mula sa paggawa ang Mayo Uno, ito’y bunsod ng malakihang pag-aaklas ng mga obrero sa Haymarket Square noong 1886 sa Chicago, Estados Unidos. Mula noon, ginugunita rin ng mga manggagawa sa buong mundo ang okasyon sa pamamagitan ng paglahok sa mga protesta sa loob at labas ng mga empresa.
Habang papalapit tayo sa Mayo Uno, mahalagang unawain hindi lang ang halaga at kasaysayan ng petsa, kundi pati iyong mga aral nito.
Sa Pilipinas, nagkaroon ng mga tampok na tagumpay kamakailan. May taunang mga dagdag sahod mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, may kinatawan ng manggagawa na maaaring maging senador, at noong Marso, pumutok sa kauna-unahang ang isang higanteng welga sa Nexperia, sa loob pa ng isang special economic zone.
Hindi iyan sadyang ipinagkaloob lang, dahil sa kahusayan ng mga manggagawa sa negosasyon o sa pakikisama nila sa mga kapitalista. Ang lahat ng tagumpay ng manggagawa ay bunga ng sarili niyang mga kamay, hindi ng iilan o ng mga makapangyarihan.
Sama-samang pagkilos ang pinakamabisang sandata ng manggagawa. Pero mahaba pa ang landas ng manggagawa para maipanalo ang lahat ng nararapat sa kanya. Manggagawa ang lumilikha ng yaman sa lipunan at ang kapitalista ang humuhuthot ng tubo at kita mula rito. Ganyan ang kalakaran sa mahigit isang siglo.
Sa yugtong ito ng kasaysayan ng daigdig, nananatiling manggagawa ang pangunahing uring direktang tumutunggali sa mga kapitalistang nagpapatakbo ng buong lipunan. Kasama ang iba pang inaapi, may dakilang tungkulin ito hindi lang para lumikha ng mga bagong yaman, kundi bagong kaayusan sa lipunan.
Ilang araw lang ang pagitan ng Mayo Uno sa kaarawan nina Karl Marx sa Mayo 5 at Vladimir Lenin sa Abril 22, dalawang dakilang lider-manggagawa at rebolusyonaryong nagsulong ng ideyang ang pagpapalaya ng manggagawa sa kanyang sarili mula sa pagsasamantala ng mga kapitalista’t naghahari, ay pagpapalaya rin sa buong sambayanan.
Para sa dalawa, may misyon ang manggagawa ng daigdig: manguna sa pagtatayo ng isang bagong klaseng lipunan na magwawakas sa pagsasamantala habang lahat ay lumilikha ng batay sa pangangailangan ng bawat isa.
Pero hakbang-hakbang tayo. Bago makarating doon, kailangan ipaglaban muna ang mga kagyat na tutugon sa sikmura ng Pilipino.
Kailangan natin makaiskor ng mga bagong tagumpay para sa sahod at trabaho. Dinagdagan nga ang sahod sa mga nakaraang taon, pero nananatiling barat ito sa aktwal na pangangailangan.
Hindi nakasasapat sa obrerong naghihikahos, P1,200 na nakabubuhay na arawang sahod dapat! At sa buong bansa!
Hindi madadaan sa pagtitipid, sa dagdag overtime, sa pakikisama sa mga nasa manedsment ng kompanya ang pag-asenso sa buhay. Kung lulunukin lang natin lahat ng ipinapakain sa atin ng mga nang-aapi sa atin, tayo din ang kawawa sa huli.
Mayo Uno na naman. Mapupuno ang mga kalsada ng mga manggagawa. Higit sa pag-apresya sa mga nagbabanat na buto nating kababayan, kilalanin natin na may dakilang misyon sila para sa pagbabago ng buong lipunan.
Mabuti pa kung makipagkapit-bisig na rin tayo at sumama sa nagpapatuloy na pagkilos at pakikibaka ng obrero’t mamamayan. Para sa nakabubuhay na sahod ngayon, para sa malayang bayan bukas-makalawa.