Main Story

Titig sa mata ng obrerong Pinoy


Sa harap ng patong-patong na krisis, araw-araw na pasakit ang dinaranas ng manggagawang Pinoy upang makaraos sa buhay. Sa kanilang kolektibong lakas, handa silang lumaban para sa kanilang mga karapatan sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho at kalayaang mag-unyon.

Deka-dekada nang pahirap ang mga kontra-manggagawa at kontra-mamamayang patakaran, kawalan ng trabaho at mababang sahod sa bansa. Pinalubha pa ito ng walang puknat na pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin, serbisyo at yutilidad sa krisis na nilikha ng digmaan ng United States at Israel laban sa Iran.

Sa kabila ng mga panawagan manggagawa’t mamamayan sa pamahalaan, wala pa ring makabuluhang pagbabago sa kalagayan sa paggawa at kabuhayan habang patuloy na kinakandili ang bawat hingin ng mga malalaking negosyante’t kapitalista.

Nitong Pandaigdigang Araw ng Manggagawa, bumuhos sa mga lansangan ang kolektibong lakas ng manggagawa’t mamamayan para igiit ang nararapat na kanila, ang yamang nililikha ng kanilang lakas-paggawa.

Makatarungang ibigay sa mga bumuhuay sa ekonomiya ng bansa ang nakabubuhay na sahod at regular na trabaho, hindi lang para sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya, kundi ng lahat ng mamamayan.

Zedrich Xylak Madrid

Si Renz Soriano, pangalawang pangulo at organisador ng Glowhrain-KMU Kowloon House West Chapter. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

“World’s Best Dimsum” ang ibinibigay ng Kowloon House sa mga parokyano’t kustomer nito. Pero sa paggawa ng kanilang sikat na siopao, siomai at mami, may mga manggagawang binabarat ang sahod sa kabila ng kanilang mahalagang ambag sa produksiyon.

Kamakailan, pinatunayan ng mga manggagawa ng nasabing restawran sa West Avenue sa Quezon City na may magagawa ang sama-samang pagkilos para sa mga karapatan.

Noong Abril 14, nagpasya ang unyon ng Kowloon House West Avenue na magwelga at itigil ang produksiyon dahil sa hindi pagtalima ng manedsment sa P25 wage compliance at hindi pagbibigay ng service charge sa manggagawa.

Sa picket line sa labas sa restawran at pagawaan ng dimsum, nakakuwentuhan ng Pinoy Weekly si Renz Soriano, pangalawang pangulo ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant and Allied Industries Glowhrain-KMU-Kowloon West Chapter.

“Pilit nilang dinudurog [ang unyon], pinapalitan ng bagong provision [ang collective bargaining agreement] na gawa-gawa nila mismo,” ani Renz na production staff sa Kowloon House West Avenue.

Dagdag pa aniya ang magulong diyalogo sa manedsment at ang kanilang konsultant nagpapahirap sa hindi pagtupad sa mga napagkasunduan sa huling collective bargaining agreement. 

“Kami mga manggagawa ang pinakaapektado dahil minimum wage earner lang kami,” sabi niya habang nakabilad sa init ng unang araw ng welga. 

“Hindi na nga sumasapat ang sahod, tapos gigipitin pa kami ng manedsment,” sigaw ni Renz habang nasa picket line.

Si Renz Soriano (kanan) at ang kanyang kasamahan sa Kowloon House West Avenue. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Kasama ang kapwa obrero mula sa pagawaan at sa kusina, pinatunayan ni Renz at ng mga manggagawa ng Kowloon House West Avenue na may magagawa sila para sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan.

Nitong Abril 20, nagkasundo ang unyon at manedsment sa isang negosasyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB). Habang iniuulat sa picket line ang mga napag-usapan, hindi napigilan ng ilang manggagawa ang maiyak sa tuwa dahil sa nakamit na tagumpay.

Ngunit sa siklab ng tagumpay, tuloy pa rin ang panggigipit at patatraydor ng manedsment sa mga manggagawa. Nitong Abril 24, ilang araw lang matapos ang negosasyon sa NCMB, tinanggal ng manedsment ang nasa 80 manggagawa sa kabila ng kasunduang walang paghihiganti ang magkabilang panig matapos ang welga.

Sa ngayon, desidido sina Renz at ang unyon na ipagpatuloy ang laban para sa sahod, trabaho at karapatan tulad ng tagumpay na kanilang nakamit noong 2008 nang magwelga ang unyon.

Huling mensahe ng organisador para sa paparating na Mayo Uno, Dapat magkaisa tayo mga manggagawa, ipaglaban ang karapatang mabuhay na may tamang sahod at trabaho para sa kinabukasan nila at kanilang pamilya. 

“Huwag sila matakot ihayag ‘yong kanilang saloobin, ‘yong karapatan nila sa pagkikibaka,” sabi ni Renz.

Andrea Jobelle Adan

Kakabente anyos pa lang ni Orlando delos Reyes nang una siyang mamasada. Ngayon, pag-aari na niya ang tricycle na ipinapasada sa Mandaluyong City. Andrea Jobelle Adan/Pinoy Weekly

Inaabangan o inihahatid nina Orlando delos Reyes, 36, ang mga mananakay sa estasyon ng MRT-3 mula sa terminal nila malapit sa kanto ng Madison sa Barangay Barangka Ilaya, Mandaluyong City. Ilang hakbang mula sa Boni Station, magiliw na nagtatawanan sina Orlando at iba pang mga drayber ng tricycle.

Maya-maya, halos pabulong sasabihin ni Orlando na nag-eenjoy siya sa trabaho dahil “mga kasama ko sila.” Isa ito sa mga rason bakit kinaya niyang mamasada nang higit 15 taon.

Sa biruan, kantiyawan at malakas na tugtugin, gumagaan ang araw nina Orlando at iba pang drayber na napipilitan ngayong maghigpit ng sinturon.

“Lalo po kaming napahirap sa gasolina,” sabi niya. “Kikita lang ako ng P700 tapos gas pa, tapos pangkain pa sa bahay kaya kung minsan wala na.” Sa kabila ng higanteng lundag ng presyo ng krudo, hindi nagtaas ng singil sa pamasahe na P25.

Tricycle na naghihintay ng pasahero sa Madaluyong City. Andrea Jobelle Adan/Pinoy Weekly

Sa mga araw na kapos, nasa P300 ang maiuuwi niya sa pamilyang may siyam na katao. Puro sardinas na lang ang inuulam nila at kahit pa kapos sa sustansiya, wala na raw silang pagkakataon na isipin pa ‘yon.

Ang kailangang hindi magmintis: ang pabaon sa kinupkop niyang mga anak ng ka-live-in na nasa Grade 4 at Grade 7. Singkwenta ang baon ng bunso at P100 naman sa nakatatanda. Pangkain na nila ito sa buong araw sa paaralan.

Hanggang ngayon, nakaabang si Orlando at mga kasamahan niya sa hakbang ng gobyerno at mga may-ari ng mga kompanya ng langis.

“Magbawas sila sa gasolina, ibaba ang presyo. Imbis na kunin sa ayuda, ibaba na lang ang presyo ng bilihin,” sabi niya. Nakatanggap man ng ayuda na P5,000, nagkakaisa sila na “sa gasolina lang rin napunta” ang kalakhan no’n.

Kapag nabawasan ang presyo ng bilihin, ng krudo, “lahat tayo giginhawa,” aniya.

Kat Catalan

Buong araw humahawak sina Ate JM noon ng plastik at pandikit para sa mga binabalot na parcel ngunit walang ibinibigay sa kanila ang kompanya na guantes, face mask, at iba pang personal protective equipment. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Mula noong magsimulang magtrabaho, kung saan-saan na nakapasok si Ate JM, hindi niya totoong pangalan: sa pagawaan ng electronics, sa pagbabantay bilang lady guard, sa panininda at kung ano-ano pa. Pansamantalang napatigil siya ngayong taon dahil sa haba ng oras ng trabaho at sa pababa nang pababa na tunay na halaga ng sahod.

Marubdob niyang tinanong sa kanyang panayam sa Pinoy Weekly, “Saan pa makakarating itong sahod naming mga manggagawa?”

Isa sa mga pinakatumatak sa kanyang karanasan ay noong maging trabahante siya sa loob ng isang warehouse sa Bulacan nang mahigit isang buwan. Inaayos, binabalot at isinasalansan nila doon ang mga order ng sapatos at tsinelas para sa mga malalaking online shopping platforms sa Pilipinas.

Katulad ng marami pang manggagawang kababaihan, nag-apply siya doon dahil kailangang itaguyod ang kanyang pamilya. Ang mas eksakto pa, namasukan siya doon dahil ang mga maaari na lang pasukan ng mayorya ng mga manggagawang kababaihan ay mga trabahong maselan, walang katiyakan at barat ang sahod.

Sumasahod si Ate JM at mga kapwa niya manggagawa ng mula P400 hanggang P520, depende sa kung gaano sila kalapit sa manedsment. Samantala, ang minimum na sahod sa Bulacan noong nagtatrabaho si Ate JM sa warehouse ay P525.

“[Kaunti] lang ang tao pero dinodoble ang trabaho ng isang tao. Tinitipid nila ang mga manggagawang pinapasahod nila,” aniya.

“Puwede namang maging regular doon basta umabot ng six months. Pero walang ipapapirma sa’yo, kumbaga ‘regular’ ka sa trabaho pero hindi ka regular sa company. Sa isip mo lang,” patawa niyang dagdag.

Noong mabalitaan ni Ate JM isang araw na nagtaas sa P540 ang sahod sa Gitnang Luzon, agad niyang tinanong sa manedsment kung bakit hindi pa ito ipinapatupad sa warehouse. Pagkatapos nito, bigla siyang tinanggal dahil “maalam tungkol sa sahod.”

“Halos wala [akong] laban at [walang] maipapakitang ebidensiya. Ang tanging ebidensiya ay payslip lang. Walang ibang pinanghahawakan bilang isang empleyado,” aniya.

Araw-araw, sandamakmak na mga parcel ang binabalot ng mga manggagawa sa mga bodega bago ipadala sa mga sorting center at delivery hub. Kat Catalan/Pinoy Weekly

Hindi nagtagal ang poot ni Ate JM. Alam niyang malaki ang ambag niya bilang manggagawang kababaihan at na mayroong magagawa. Agad siyang nanindigan para sa kanyang sarili.

Nanghingi si JM ng tulong at legal advice mula sa lokal na organisasyon ng Samahan at Sandigan ng Manggagawa sa Marilao at Meycauayan (Sama-Samma). Nakapagsampa siya ng kaso sa rehiyonal na tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC) upang mapatunayan na hindi makatarungan ang pagtanggal sa kanya.

“Hanggang ganito na lang ba, porket mga manggagawa kami?” marubdob niyang muling itinanong.

Nananatiling bulnerable ang manggagawang kababaihan sa mga trabahong masahol ang kalagayan at walang benepisyo at seguridad, bunga lang ng kawalan ng employer-employee relationship. Nasasadlak din sila sa barat na sahod dahil sa mababang pagtingin sa kababaihan na ang papel lang nila ay sa tahanan, hindi sa produksiyon.

Lantaran na ibinababa ng mga dayuhang kompanya ang kalidad ng trabaho para sa mga manggagawa at inaalalayan pa sila ng gobyerno na lumaganap para masabing lumilikha sila ng trabaho at tumataas ang antas ng mga nagtatrabaho.

Ngunit hangga’t lumalaban ang mga manggagawang kababaihan tulad ni Ate JM, tiyak na lalaganap din ang mga lupon ng mga kababaihang mulat tungkol sa kanilang karapatan at niyayakap ang kanilang makabuluhang papel sa pagbabago ng lipunan.

M.A. Abril

Protesta ng mga health worker para sa dagdag sahod at mga benepisyo. Larawan mula sa Alliance of Health Workers

Kaysa maging ehemplo at tagapagtaguyod ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa, sa loob mismo ng gobyerno, buhay na karanasan ang mababang suweldo at kawalan ng regular na empleyo. 

Tatlong taon na ang lumipas sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., pero para kay Sally Ejes, tagapangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-Alliance of Health Workers (PHCEA-AHW), walang nagbago sa kalagayan nilang mga manggagawang pangkalusugan at sa estado ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Binansagan silang mga “bayani” sa panahon ng pandemya, pero sa likod ng pagpupugay ay ang kulang na kulang na suweldo at benepisyo.

Kuwento ni Ejes, sinagupa nilang mga manggagawang pangkalusugan ang banta ng Covid-19 habang wala silang maayos na proteksiyon at kulang ang kanilang benepisyo. “[Kahit] ‘yong PPE (personal protective equipment) ng mga health worker [noon], hindi alam saan kukuha [ng pondo] o anong klase ang kailangan,” ani Ejes.

“Noong panahon ng Covid-19, parang pelikula, noong panahon na iyon kami ang bida, pero after noon, para kaming mga artistang nalaos na,” hinanakit ni Ejes.

Aniya, matapos kasi ang pandemya, naiwan na muli sa kawalan ang kanilang mga panawagan. Tumaas man daw ang sweldo ng mga entry-level nurse tungong P36,000, ngunit napag-iwanan naman ang sa ibang health professional at health worker.

Hindi rin aniya ramdam ng mga administrative staff kagaya niya ang pagtaas ng suweldo sa ilalim ng Executive Order 64 dahil wala rin namang awat ang pagtaas ng presyo ng bilihin. 

Pagtindig ng mga health workers laban sa korupisyon. Larawan mula sa Alliance of Health Workers

Ang mga benepisyo, napako sa mababang halaga kagaya ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) o kaya ay hindi pa rin naibibigay sa kanila, tulad na lang ng medical allowance para sa mga health worker ng government-owned and -controlled corporation (GOCC) na ospital. 

Para kay Ejes, ito ang nag-uudyok sa mga kapwa niya health worker na umalis na lang. Aniya, linggo-linggo na lang, kailangan niyang pumirma ng clearance ng mga nurse sa kanilang ward na nagbibitiw dahil mangingibang-bansa.

“Ang sigaw namin sa Mayo Uno ay P36,000 entry salary para sa salary grade 1. Taon-taon tumataas ‘yong pangangailangan natin. P50,000 sa nurses at iba pang health professionals,” ani Ejes. 

Dagdag pa niya, dala rin nila ang panawagan sa pagbibigay na ng performance-based bonus para sa mga taong 2021 at 2022 at ng medical allowance na P7,000 sa mga GOCC na ospital. 

“‘Di kagaya ng mga politiko na trilyon-trilyong [piso] ang nilustay, kami humihingi [lang] ng sapat, makatao at marangal na sahod.”


Sa bawat butil ng pawis ng obrerong Pinoy nagmumula ang yaman ng bansa. Kung walang manggagawa, walang magpapatakbo ng mga kagamitan sa mga lugar-paggawa, walang mailuluwal na produkto ang mga pagawaan at pabrika.

Hindi humihingi nang labis-labis ang manggagawa. Ang tanging nais nila’y mabuhay nang disente’t marangal. Ngunit kung binubusabos na sila ng estado’t kapital, walang ibang nararapat gawin kundi ang mangahas na lumaban.