Kuwento ng paglaban sa gitna ng pananamantala 

Sa bawat sulok ng lipunan, nariyan ang manggagawa na patuloy na pasan-pasan ang kinabukasan ng ating bayan.

Matagumpay na nangalampag sa lansangan ang malawak na hanay ng mga obrero nitong Mayo Uno sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. Napuno ang Liwasang Bonifacio ng mga makukulay na panawagan at mga imahe ng pagtutol sa kasalukuyang kondisyon ng paggawa ng mga obrero.

Nagtungo sila sa Mendiola upang irehistro sa Malacañang ang kanilang mga panawagan, ngunit binati sila ng karahasan mula sa pulisya. Hinarangan ng mga bakal na pader na pinaikutan ng alambre ang daan, ngunit nagpumiglas ang mga manggagawa, kongkretong pagpapakita ng kanilang paglaban ang nagsisilbing patunay na ang uring manggagawa ang pangunahing puwersa ng bayan.

Sa bawat sulok ng lipunan, nariyan ang manggagawa na patuloy na pasan-pasan ang kinabukasan ng ating bayan. Naghihikahos ang obrero ngunit pinapanday pa rin ang isang lipunang kumikilala sa dignidad nila. Bawat isa sa bumubuo ng malawak na hanay ay may kuwentong obrero na ibig ibahagi: mga kuwento ng pananamantala, paglaban at pagbangon muli.

Mahigit dalawang dekada nang guro si Michael Pante sa Ateneo de Manila University, ngunit hindi pa rin siya tumitigil sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga kapwa niya guro. Isa siyang Katuwang na Propesor sa Kagawaran ng Kasaysayan at tambad ang kaniyang kritikal na tinig sa mga inilathala niyang sulatin. Miyembro din siya ng Ugnayan ng mga Makabayang Guro sa Ateneo (Umaga) na nagtataguyod ng makataong kondisyong paggawa para sa mga guro ng pamantasan.

Aniya, napag-iwanan na raw ang sahod ng mga guro ng pribadong paaralan. Kakarampot ang kinikita ng mga guro sa pribadong paaralan kumpara sa mga guro sa pampublikong paaralan. Kaya ikinakampanya ng Umaga ang pagpapantay ng kanilang sahod sa salary matrix ng mga guro ng pampublikong paaralan para makaagapay sa kanilang mga pinansiyal na pangangailangan.

Dagdag pa dito, isinusulong din ng Umaga pati ng ACT Teachers Partylist ang pagsasabatas ng Magna Carta for Private Teachers na nagpapatibay sa mga batayang karapatan sa sahod, benepisyo at regularisasyon ng mga guro sa pribadong edukasyon.

“Ang mga guro, bagama’t tinuturing ng ilan na propesyonal o middle class, sa totoong buhay ay napakaraming mga guro ang hirap sa buhay na maituturing na nila ang sarili nila bilang proletaryado o ordinary blue collar worker sapagkat ang sahod at uri ng buhay nila ay hindi nalalayo. ‘Yong mga tactics at strategies ng labor unions ay ginagamit na rin namin,” ani Pante.

Kamakailan lang ay nagdaos ng isang diyalogo ang iba’t ibang unyon ng mga pribadong paaralan at asosasyon ng mga guro at mula sa talakayang ito nabuo ang Solidarity of Workers in Private Education.

Iginiit niya na magkaugnay ang mga hinaing ng mga guro sa malawak na pakikibaka ng mga manggagawa sapagkat magkahawig ang kanilang nais makamtan na pagbabago sa kanilang mga kondisyong pagawa. Sabi ni Pante, ilan lang sa bitbit nilang mga panawagan ang pagpapataas ng sahod, pagbasura sa kontraktuwalisasyon at pagsasabatas para sa pagpapatibay ng kanilang mga batayang karapatan. 

Si Ka Cerillo, 61 anyos, ay isang jeepney driver na bumabiyahe sa rutang Divisoria-Baclaran sa gitna ng matinding init, ibinibahagi niya ang buhay bilang tsuper sa panayam ng Pinoy Weekly.

Aniya hindi naman maiiwasan ang pagod kasi hanapbuhay niya ‘yon bilang manggagawa kahit na nahihirapan siya humabol dahil sa modernisasyon ng transportasyon at ng ibang kompetisyon tulad ng transport network vehicle service at motorcycle taxi.

Hiling lang ni Ka Cerillo at ng iba niyang kasama sa sektor ngayong Mayo Uno na pakinggan sila ng mga nakatataas at ibalik ang limang taon na prangkisa kasabay ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang industriya.

“E sa amin naman, talagang [ikinabubuhay] namin na trabaho ay driver lang, pero nandiyan ‘yong napipinto ‘yong [pagbabago] sa aming kabuhayan,” wika ni Ka Cerillo 

Janitor sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa si Juliet, 47. Taon-taon siyang sumasama sa Mayo Uno kasama ng kanyang unyon mula sa Samahang Janitorial ng PUP upang ipaglaban ang karapatan bilang manggagawa.

“Ganoon pa rin ang sistema, problema pa rin ang sahod at benefits namin, walang pagbabago kahit na matagal na kami,” ani Juliet.

Para sa kanya, malaking tulong ang pagkakaroon ng unyon dahil itinatuguyod nito ang kanilang samahan na dapat sana ay lusaw na dahil sa walang pagbabagong sistema sa sahod at benepisyo. Kaya ang panawagan niya ay ipaglaban ang pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na P1,200.