Talasalitaan

TalaSalitaan 1010 | Pagbabanta


Pagbabanta – babala na may halong pananakot o paninindak sa buhay na ginagawa ng isang tao, ahente ng estado o opisyal ng gobyerno. Pagpapahayag din ito ng bantang panganib.

Talasalitaan 1010

Pagbabanta – babala na may halong pananakot o paninindak sa buhay na ginagawa ng isang tao, ahente ng estado o opisyal ng gobyerno. Pagpapahayag din ito ng bantang panganib.

Ang pagbabanta ay krimen sang-ayon sa Saligang Batas na may parusang kulong at multa. Tinatawag itong “Grave Threat” sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code.

Hindi gawang biro ang pagbabanta o pagsasabi katulad ng “papatayin kita” na maaari mong makita ang mga banta sa Socia media, Internet o sulat.

Kamakailan nagbabala ang Korte Suprema na kakasuhan ng pagsuway sa korte ang mga nagbabanta ng karahasan laban sa ilang miyembro ng hudikatura. 

Ayon sa pahayag ng Public Information Office ng Kataas-taasang Hukuman, tinalakay ng court en banc ang mga posibleng aksyon sa mga pagbabanta ni dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Lorraine Badoy kay Manila Regional Trial Branch 19 Judge Marlo Magdoza-Malagar. 

Sa Facebook post ni Badoy, iniuugnay nito si Malagar sa Communist Party Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front of the Philippines matapos nitong ibasura ang petisyon ng Department of Justice para ideklarang terorista ang CPP-NPA-NDFP.  

Ayon sa post ni Badoy, masidhing nag-abogado si Judge Malagar para sa CPP-NPA-NDFP. Tinawag rin niyang shameless o walang kahihiyan ang desisyon ng hukom. Binansagan rin ni Badoy si Judge Malagar na walang prinsipyo, mangmang at kaibigan ng CPP-NPA-NDFP.

Sa isa pang post, tinawag pa ni Badoy si Malagar na “kakilakilabot na Judge” at na ito ay mula sa impyerno. 

Sabi ng Korte Suprema, maituturing na contempt o paglapastangan sa korte ang mga paguudyok ng karahasan sa social media na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga hukom at pamilya nito.

Binigyan diin nito ang pagbabanta ni Badoy na patayin si Judge Malagar pati na ang pagtawag niya sa hatol ng korte bilang mitikulosong depensa para sa CPP-NPA-NDFP. Gayundin ang pagaakusa niya kay Malagar na umabuso sa kapangyarihan at pagtawag sa dito na traydor. 

Sa desisyon ni Judge Malagar, ipinaliwanag niya ang kaibahan ng terorismo at rebelyon at ang mga kaguluhang kinukuwestiyon ng DOJ ay hindi napailalim sa pakahulugan ng terorismo.

Si Malagar na ang ikalawang Judge na nared-tag kasunod ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio ng Mandaluyong RTC Branch 209, matapos nitong palayain sina Lady Ann Salem, isang mamamahayag, at si Rodrigo Esparago, isang unyoista, noong 2021.

Kamakailan, pinagbantaan naman ang mga mamamahayag na sina Ed Lingao at Lourd de Veyra ng programa sa TV5 na Frontline. Ayon sa post ng isang Seith Corteza sa Twitter noong Oktubre 4, sinabi nitong “balita ko may dalawa pang kasama sa kontrata na itutumba pero diko alam ang eksaktong oras at petsa o lugar. Sila Ed Lingao at Lourd de Veyra ng TV5.” 

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga biktima ng pampulitikang pagpatay, pagdukot, pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Itinuturing din ang bansa na isa sa pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag sa buong mundo.

Ang palatandaan ng pagbabanta at red-tagging – ang pagbansag sa isang indibidwal o grupo (kabilang ang mga magsasaka, manggagawa, mamamahayag, relihiyoso, mga NGO at tagapagtanggol ng karapatang pantao) bilang mga komunista o terorista – ay nagdulot ng malubhang banta sa lipunang sibil at kalayaang magpahayag. 

Kailangan ng matinong sistema ng hustisya sa ating bansa at hindi pananakot, hindi karahasan, kundi katarungan sa mga nagiging biktima ng pamamaslang ng estado. Ang mga ahente at mga nasa ahensya ng gobyerno gaya ni Badoy ay walang puwang sa ating lipunan.