FEATURED Kontribusyon

Apat na Dekada ng Tunay, Palaban, at Makabayang Unyonismo


Sa loob ng 40 na taon, naitayo, nadapa, at muling bumabangon ang aming unyon. Sa karanasan namin, ang pagkakaroon ng unyon ay pagharap sa maraming pagsubok at mas marami pang tagumpay. Hiling namin na marami pang manggagawa sa iba’t ibang parte ng bansa ang makapag-organisa ng kanilang kolektibong lakas. 

Sa karanasan namin, ang pagkakaroon ng unyon ay pagkakaroon ng boses ng mga manggagawa. Sa loob ng pagawaan, hindi ka nag-iisang haharap sa management tuwing may problema sa trabaho. Sa labas, isang malakas na boses tayong nananawagan sa gobyerno para tugunan ang pangangailangan sa nakabubuhay na sahod.

Malaking tagumpay ang apat na dekada ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU). Maraming hinarap na mga pagsubok. Kinikilala namin na ang kasalukuyang lakas ng unyon ay pinanday ng kasaysayan at pinaghirapan ng mga nauna sa amin na henerasyon ng mga manggagawa.

Patunay nito ang pagtatayo ng NPIWU. Nag-umpisa ang unyon bilang Philips Component Philippines Incorporated Workers Union (PCPIWU) noong 1982. Naging posible ito sa tulong ng mga manggagawa at unyon sa Philips Electronic Lamps at Philips Glass Bulbs. Panahon ito ng kilusang unyon sa Pilipinas. Nauna lang ng dalawang taon ang pagkatatag ng Kilusang Mayo Uno noong Mayo 1, 1980. Yumabong at nagpalakas ang PCPIWU kasabay ng paglakas ng kilusang masa na sa kinalauna’y nagpabagsak sa 22-taong paghahari ng pamilya at mga kroni ni Marcos Sr.

Taong 1991, tinangananan naman ng unyon ang paglaban sa mga neoliberal na patakaran na lumalaganap sa bansa. Nagbigay-luwag ito sa malalaking negosyo para magpalaki ng tubo habang inaapakan ang karapatan ng mga manggagawa. Pinasok ng kapitalistang PCPI ang lumalagong negosyo ng semiconductors at lumipat ito sa noo’y bagong bukas na Light Industry & Science Park 1 (LISP 1), ang kauna-unahang Special Economic Zone na nakarehistro sa Philippine Economic Zone Authority. Iginiit ng unyon na kilalanin ito ng management gayundin ang mga napagtagumpayan na Collective Bargaining Agreement (CBA) kahit pa lumipat ng planta. Nagtagumpay at patuloy na nagpalakas ng mga komite ng unyon bilang paghahanda sa mga militanteng labanan.

Larawan mula sa Mayday.

Nagdaan pa ang napakaraming pagsubok sa unyon. Nariyan ang mga pagtatangka ng management para buwagin ito sa pamamagitan ng tanggalan sa mga opisyales hanggang mga soft approach na nagtuturo ng kulturang pagkakanya-kanya sa mga manggagawa.

Sa mga nakaraang taon, panibagong hamon na nagpatibay sa aming unyon ang aming pinagdaanan sa gitna ng pandemya.

Marso 16, 2020, naglockdown sa buong Luzon. Napilitan ding ihinto ang nagaganap na negosasyon sa CBA dahil ipinagbawal ang mga pagtitipon. Agad na nanawagan ang NPIWU ng Paid Pandemic Leave (PPL) upang labanan ang Department of Labor and Employment Order na “No Work No Pay.” Niyakap ng mga manggagawa ang panawagang ito. Umabot sa 22 araw ng PPL ang naipagtagumpay sa pagawaan.

Nag-organisa din ang unyon para sa pangangailangan ng aming kapwa manggagawa. Nagtulungan kami sa gitna ng kapabayaan ng gobyerno. Nag-organisa ng mga relief operation upang magbigay ng pagkain at gamot sa mga manggagawang kontraktuwal sa loob at labas ng Nexperia na pinakamalubhang naapektuhan ng pandemya. Nanguna rin ang unyon sa pangangalap ng bunny suit para sa healthcare workers na isa-isang nagkakasakit at namamatay dahil sa kawalan ng Personal Protective Equipment (PPE). Tinatamasa na rin ngayon ng mga manggagawa ang dagdag na sahod at mga benepisyo bunga ng matagumpay na pagsulong ng CBA sa kasagsagan ng pandemya.

Samantala, itinuring na krimen ng pamahalaan ang aming paglilingkod sa kapwa at sa bansa. Sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), walang patumanggang pananakot at pagbabanta ang ginawa ng mga sundalo at pulis sa mga opisyales maging sa mga bagong miyembro ng unyon. Tinawag kaming terorista. Ang terorismo ay ang paghahasik ng matinding takot sa mga inosenteng sibilyan. Tiyak kaming hindi kami ang naghasik ng matinding takot matapos ang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 at pagpaslang kay Pangulong Dandy Miguel ng Pamantik-KMU noong March 28. Tiyak din kaming unipormado at may sukbit na baril ang mga dumadalaw sa aming mga bahay at boarding house.

Matinding takot at alinlangan ang epekto nito sa amin at aming mga pamilya. Ngunit matapos naming matakot ay nagpasya kaming manindigan at humakbang pasulong.

Sa loob ng 40 na taon, naitayo, nadapa, at muling bumabangon ang aming unyon. Sa karanasan namin, ang pagkakaroon ng unyon ay pagharap sa maraming pagsubok at mas marami pang tagumpay. Hiling namin na marami pang manggagawa sa iba’t ibang parte ng bansa ang makapag-organisa ng kanilang kolektibong lakas. 

Mary Ann Castillo
Pangulo, Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU)