2023 Badyet ng NLRC, tinutulan ni Marcos Jr.
Nitong nakaraang Disyembre 16, 2022, inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang P5.268 trilyon na badyet ng Pilipinas para sa taong 2023.
Dangan nga lang at may mga probisyon sa pambansang badyet na tinutulan ang pangulo. Kabilang sa mga tinutulan ni Marcos Jr. ang probisyong may kaugnayan sa badyet ng National Labor Relations Commission (NLRC).
Nitong nakaraang Disyembre 16, 2022, inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang P5.268 trilyon na badyet ng Pilipinas para sa taong 2023.
Dangan nga lang at may mga probisyon sa pambansang badyet na tinutulan ang pangulo. Kabilang sa mga tinutulan ni Marcos Jr. ang probisyong may kaugnayan sa badyet ng National Labor Relations Commission (NLRC).
Pamilyar sa NLRC ang lahat ng manggagawa na nakaranas na maghain ng kaso kaugnay sa kanilang mga trabaho o laban sa kompanyang kanilang pinagtatrabahuan.
Isang tanggapan ng pamahalaan ang NLRC na nakadikit sa Department of Labor and Employment (DOLE) at inaatasang magdesisyon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga manggagawa at mga kompanya o opisinang kanilang pinagtatrabahuan.
Unang isinasampa ang mga labor case o kaso sa paggawa sa tanggapan ng mga labor arbiter, ang unang baitang sa proseso.
Ayon sa ating Labor Code, ang mga labor arbiter ay may karapatan upang hawakan at desisyunan ang mga sumusunod na kaso: 1) kaso tungkol sa tanggalan sa trabaho; 2) kaso tungkol sa unfair labor dispute (ULP); 3) anumang kasong isinampa ng manggagawa na humihingi na ibalik siya sa kanyang trabaho; 4) kasong humingi ng danyos kaugnay ng relasyon sa paggawa ; 5) kaso kaugnay sa legalidad ng welga ng mga manggagawa o lock-out ng manedsment sa kanilang kompanya; 6) at iba pang kaso kaugnay ng relasyon sa paggawa kung saan ang halagang hinihingi ay lampas sa P5,000.
Sa pagsampa ng kaso, kailangan munang dumaan sa proseso ng mediation o negotiation ang magkabilang panig.
Pagkatapos ng prosesong ito at hindi pa rin naareglo ang nasabing kaso, iuutos ng labor arbiter na magbigay ng position paper at reply ang bawat panig.
Batay sa mga papeles na ibinigay sa kanya, maaari nang hatulan ng labor arbiter ang kaso. Sa madaling sabi, maglalabas na ang labor arbiter ng desisyon o hatol tungkol sa kaso.
Ang desisyon ng labor arbiter ay maaaring iapela ng manggagawa o ng kompanya sa NLRC. Ang NLRC ang may karapatang bumaliktad sa desisyong iginawad ng mga labor arbiter.
Maaaring gawin ang apela sa NLRC sa loob ng 10 araw mula sa pagkakatanggap ng desisyong inaapela.
Magiging pinal din ang desisyon ng NLRC sa mga kasong inaapela sa loob ng sampung araw mula sa pagkatanggap nito.
Ito na ang katapusan ng usapin, bagamat maaari pa ring magsampa ng petisyon sa Court of Appeals ang sinumang natalo sa nasabing kaso.
Ganito kahalaga ang papel na ginagampanan ng NLRC sa mga labor case o mga kaso kaugnay ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, may walong dibisyon ang NLRC. Anim sa mga dibisyong ito ang humahawak sa mga kaso sa Luzon at ang dalawang dibisyon naman ay para sa mga kaso sa Visayas at Mindanao.
Batay sa rekord, sang-ayon naman sa panahon at wala namang pagkukulang ang NLRC pagdating sa deadline ng mga kasong kanyang hinahatulan.
Ngunit sa pambansang badyet para 2023, tinutulan ni Marcos Jr. ang probisyon tungkol sa halagang kikitain ng NLRC.
Ayon kasi sa batas sa national budget, binibigyan ng karapatan ang NLRC na gamitin sa sarili nitong diskresyon ang anumang halagang kikitain nito.
Manggagaling ang halagang ito sa appeal fee at iba pang mga miscellaneous fee pagdating sa apela ng kaso. Nagkakahalaga ng P500 ang appeal fee sa ngayon.
Ang probisyong ito na nagbibigay ng diskresyon sa NLRC upang magpasya kung saan gagamitin ang kita ng ahensiya ay hindi raw maaari, sabi ng MalacaƱang.
Bahagi ng revenue and financing sources ng 2023 National Expenditure Program ang nasabing kikitain ng NLRC.
Naibigay na ni Marcos Jr. ang 2023 National Expenditure Program sa Kongreso bago magsimula ang regular session nito.
Sa ilalim kasi ng Seksyon 22, Artikulo VII ng 1987 Saligang Batas, obligasyon ng pangulo na magbigay sa Kongreso, sa loob ng 30 araw bago magbukas ang regular na sesyon nito, ng budget of expenditures and sources of financing, para maging batayan ng general appropriations bill.
Kaya bilang pagtupad sa Konstitusyon, ibinigay na ito ni Marcos Jr. sa Kongreso at hindi na kailangang magbigay pang muli.
Kaugnay nito, binabanggit din ng Presidential Decree No. 1445 o Government Auditing Code of the Philippines na kailangang maideposito sa National Treasury ang lahat ng kita ng mga ahensiya ng pamahalaan na mapupunta sa general fund ng pamahalaan.
Ang ibig sabihin nito, dapat munang mapunta ang anumang kikitain ng NLRC sa general fund maliban lamang kung may specific law na nagsasabi kung saan ito gagamitin.
Ito ang dahilan sa pag-veto ni Marcos Jr. sa partikular na bahagi ng batas tungkol sa pambansang badyet sa 2023.
Ayon sa Konstitusyon, maaari pa ring baliktarin ng Kongreso ang pag-veto ng pangulo sa anumang batas na kanilang tinadhana sa pamagitan ng pagboto pabor sa batas ng hindi kulang sa 2/3 na mga kasapi nito.
Mababaliktad kaya ng Kongreso si Marcos Jr. sa bagay na ito, bagamat maraming Senador ang sang-ayon sa kanyang ginawa?
Abangan natin ito, mga kasama.