ILO High-Level Tripartite Mission: Pagpatay sa manggagawa, iimbestigahan


Iimbestigahan ng ILO-HLTM ang mga paglabag sa freedom of association sa bansa. Tututukan nito ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto, red-tagging at pananakot sa mga manggagawa na sagka sa malayang pag-uunyon.

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) nitong Enero 17 ang kasong murder laban sa 17 pulis na pumatay kay Manny Asuncion, lider-manggagawa na biktima ng ‘bloody Sunday massacre’ noong Marso 7, 2021. Ayon sa kagawaran, kulang ang ebidensya na may naganap na krimen at hindi natukoy ang mga may sala.

Nireyd ng pulisya mula sa Bay, Laguna ang tanggapan ng Workers’ Assistance Center (WAC) na pinamumunuan ni Asuncion sa Cavite. May dala silang warrant of arrest. Unipormado pero may takip ang mukha at nameplate ng mga sumalakay. Pinalabas ng mga pulis ang asawa ni Asuncion at iba pang testigo.

“Mga tao rin kami!” huling sigaw ng lider-manggagawa bago umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril. Ilang saglit pa, kinaladkad na ng mga pulis ang duguang bangkay ni Asuncion.

Walong aktibista pa ang pinagpapatay sa mga koordinadong operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Batangas at Rizal noong araw na iyon.

High-Level Mission

Kabilang ang pagpatay kay Asuncion sa mga kasong iimbestigahan ng International Labour Organization (ILO) sa ilulunsad nitong High-Level Tripartite Mission (HLTM) sa Pilipinas ngayong Enero 23 hanggang 27.

Pangunahing tututukan ng HLTM ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto, red-tagging at pananakot sa mga manggagawa na labag sa Freedom of Association and Protection of the Right to Organise Convention of 1948 No. 87 (C87).

Ayon kay Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), pundamental sa isang mayabong at demokratikong lipunan ang kalayaan ng mga manggagawa na mag-organisa para itaguyod ang kanilang karapatan.

“Gayunman, ang freedom of association (FoA) ay isa sa pinakanalalabag na karapatan ng mga manggagawa na nagkakait sa kanila ng buhay na may dignidad at kaseguruhan,” aniya.

May mga pandaigdigang pamantayan at kasunduan ang ILO gaya ng C87 sa pagpapatupad ng mga batas at patakaran sa paggawa na nilagdaan ng lahat ng kasaping bansa, kabilang ang Pilipinas.

“Nakapirma ang Pilipinas sa mga ILO convention gaya ng C87 mula pa 1953 at obligado itong ipatupad ang mga ito sa batas at sa praktika,” ani Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) executive director Daisy Arago.

Pero mas naging laganap at nakakabahala aniya ang mga paglabag sa karapatang pangmanggagawa sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at nagpapatuloy ngayon sa administrasyong Marcos.

Inirekomenda ng ILO ang paglulunsad ng HLTM sa bansa noon pang 2019. Tugon ito sa ulat ng mga kinatawan ng kilusang paggawa ng Pilipinas hinggil sa lumalalang kaso ng pagpatay at iba pang paglabag sa labor standards sa 2019 International Labour Conference (ILC).

Paulit-ulit na tinanggihan ng administrasyong Duterte na papasukin sa bansa ang HLTM sa kabila ng malawak na pandaigdigang pagkundena sa brutal na ‘crackdown’ at pag-aresto sa mga unyonista sa bansa noong 2019. Lalo pa itong nabalahaw nang abutan ng pandemya noong 2020.

Mga kaso

Marso 28, 2021, ilang linggo mula nang patayin si Asuncion, pinagbabaril at pinatay naman sa Laguna si Dandy Miguel, pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric Philippines (LNMFEP-OLALIA-KMU).

“Ang pagpatay sa mga unyonista dahil sa gawing pang-unyon ang pinakasukdulang paglabag sa kalayaang mag-organisa,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Sa tala ng CTUHR, umabot sa 56 manggagawa at unyonista ang pinatay sa ilalim ni Duterte na wala pang nakakamit na katarungan hanggang ngayon. Kabilang sa naitala ang mga kaso ng pagpatay sa Davao de Oro, Negros Island, Bikol at Timog Katagalugan.

Mayroon namang 27 unyonista at labor rights defender na nakakulong pa at humaharap sa mga gawa-gawang kaso. Kabilang sila Esteban Mendoza, Arnedo Lagunias, Romina Astudillo, Mark Ryan Cruz, Joel Demate, Jaymie Gregorio at Roel Duyag.

Samantala, nakapagtala rin ang CTUHR ng mahigit 30 unyon na biktima ng red-tagging, harassment at sapilitang pagpapatiwalag ng mga armadong puwersa ng estado sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Isa sa pinakatampok na kaso ang pananakot at sapilitang pagpapatiwalag sa Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPU). Sa gitna ng mga lockdown, nagawa ng mga nagpakilalang tauhan ng NTF-Elcac na magbahay-bahay sa mga lider at kasapi ng unyon. Ang pangulo ng WPPU, pinagbantaan pang kung hindi titiwalag ay maaring maulit ang “bloody Sunday.”

Ayon kay Labog, maituturing na pangingialam sa gawaing unyon ang gawain ng NTF-Elcac dahil pinoproteksiyunan nito ang mga kapitalista sa paglabag sa karapatang pangmanggagawa.

“Hindi na kataka-taka na ang Philippine National Police ay nagiging kasangkapan sa paglabag sa karapatan na mag-organisa. Sa kanilang bakuran, ang PNP management ay kilala sa pagyapak sa karapatan ng unyon ng Non-Uniformed Personnel Association Inc. (NUPAI) ng PNP,” sabi ni Annie Geron, secretary general ng Public Services Labor Independent Confederation (PSLink).

Aniya, imbes na kilalain ang akreditasyon ng NUPAI bilang Sole and Exclusive Negotiating Agent (Sena), nired-tag at pinadismiss pa nang dalawang beses ni dating PNP Chief Debold Sinas ang pangulo ng NUPAI dahil sa paggiit sa mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng PNP.

Nakasaad sa C87 na ang mga pampublikong awtoridad ay hindi dapat gumawa ng hakbang na makakasagka sa kalayaang mag-organisa. 

Dagdag naman ni Labog, naging talamak din sa ilalim ni Duterte at nagpapatuloy ngayon ang kriminalisasyon ng pag-uunyon at ang paggamit ng armas sa batas ng gobyerno laban sa mga unyonista.

Iniulat din ng CTUHR ang kaso ng pagdukot ng militar sa mga lider-manggagawa na sina Ador Juat at Loi Magbanua noong Mayo 2022. Hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ang dalawa.

Huling nagpadala ng HLTM ang ILO sa Pilipinas noong 2009 para imbestigahan ang malawakang pagpatay sa mga lider-manggagawa sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Rekomendasyon

Ani Matula, matapos ang imbestigasyon at konsultasyon ng HLTM sa gobyerno, mga employer at mga manggagawa, maglalabas ang ILO ng mga rekomendasyon para tiyakin ang pagsunod sa labor standards sa bansa.

Para sa mga manggagawa, maituturing ng malaking tagumpay ng HLTM ang pagkakabuo ng pinakamalapad na pagkakaisa ng kilusang paggawa sa bansa. Kabilang sa mga bumubuo sa tinawag na All Philippine Trade Unions (APTU) ang pinakamalalaking sentrong unyon gaya ng KMU, FFW, PSlink, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Partido Manggagawa (PM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), All Workers Unity (AWU) at iba pa.

“Nananawagan ang mga unyon sa HLTM na himukin ang administrasyong Marcos na imbestigahan at itigil ang mga paglabag sa FoA, partikular ang mga pagpatay, red-tagging, at labag sa batas na mga pag-aresto sa mga unyonista,” ani Matula.

Umaasa ang APTU sa HLTM na igiit sa gobyernong Marcos na tugunan ang kanilang mga rekomendasyon na bumuo ng mga mekanismo para tiyakin ang pagrespeto sa FoA. Kabilang dito ang pagbuo ng Presidential Commission on FoA na magkakaroon ng mga kinatawan mula sa mga manggagawa, employer at gobyerno.

Dapat din anilang magresulta ang HLTM ng pagpapanagot sa mga may sala sa pagpatay at iba pang paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa. Inirekomenda rin ng APTU na amiyendahan o ipawalang-bisa ang mga kontra-manggagawang batas at patakaran gaya ng Labor Code, Anti-Terror Law at ang Executive Order 70 na bumuo sa NTF-Elcac.

Para kay Labog si dating Pangulong Duterte at ang mga armadong puwersa ng gobyerno ang pangunahing dapat managot sa mga pagpatay at talamak na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

“Wala dapat mga Manny Asuncion, Dandy Miguel o Dennis Sequena na pinapatay dahil ipinaglalaban nila ang karapatang mag-unyon,” ani Nice Coronacion, deputy secretary general ng Sentro.

Tuluy-tuloy pa rin ang pananawagan ng katarungan ng mga kamanggagawa at kaanak ni Asuncion.

Sa isang pahayag, sinabi ng kanyang asawang si Liezel na kawawa ang Pilipinas sa ilalim nina Duterte at Marcos Jr. dahil nawala na ang esensya ng demokrasya at mga ginagarantiyang kalayaan ng konstitusyon.

“Kahit ganito ang naging desisyon ng DOJ, hindi ako, kami titigil sa pagsisiwalat at paniningil sa kawalan ng hustisya. Umaasa ako na makakamit ko ang katarungan sa pagkamatay ng aking asawa,” aniya.