Husgahan Natin

Pagreretiro sa trabaho

Maaaring magamit ng mga manggagawa o empleyado ng isang kompanya ang opsyonal o ‘di sapilitang pagreretiro kung umabot na siya sa edad 60 taon at nakapagsilbi na sa kompanya nang hindi bababa sa limang taon. 

Husgahan natin

Matagal ng manggagawa sa isang pabrika itong si Pedro. Sa tagal ng kanyang kanyang pagtatrabaho, umabot na siya sa edad na 60 sa trabahong ito.

Ang kanyang tanong: Maaari na ba siyang magretiro mula sa kanyang trabaho sa pabrika? Kung sakali, ano ang kanyang benepisyong makukuha mula sa kompanya?

Makikita ang sagot sa tanong na ito sa New Retirement Law oRepublic Act No. 7641 na nagging batas noon pang 1993.

Ayon sa batas na ito, maaaring magretiro si Pedro sa pamagitan ng optional retirement. 

Maaaring magamit ng mga manggagawa o empleyado ng isang kompanya ang opsyonal o ‘di sapilitang pagreretiro kung umabot na siya sa edad 60 taon at nakapagsilbi na sa kompanya nang hindi bababa sa limang taon. 

Kung sakaling gusto pa niyang ipagpatuloy ang kanyang trabaho, maaari niyang gawin ito hanggang sa eded na 65. 

Sa edad na 65, magkakabisa na ang tinatawag na compulsory retirement o sapilitang pagreretiro. Obligado dito ang manggagawa na tumigil sa kanyang pagtatrabaho at obligado rin ang kanyang kompanya na siya ay patigilin. 

Dito sa ating bansa, parehas ang retirement age para sa lalaki at sa babae. Ngunit may kaibahan ito sa ibang bansa.

Sa bansang Tsina, halimbawa, 60 ang retirement age sa mga lalaking manggagawa, subalit 50 lamang sa mga babae. Sa Georgia at Cuba, 65 sa lalaki at 60 naman sa babae. Sa bansang Columbia, 62 sa lalaki at 57 naman sa babae. 

Ngunit marami pa ring bansa kung saan parehas lang ang ang retirement age ng mga empleyado sa kabila ng kanilang sex. Halimbawa nito ay ang Hungary, Iceland, Indonesia, Italy at Israel.

Ngunit balikan natin ang retirement dito sa Pilipinas. 

Magkano naman ang makukuhang benepisyo mula sa kompanya ng isang manggagawa na kwalipikado ng magretiro dito sa ating bansa? 

Babayaran ng kanilang kompanya ng retirement benefits ang mga manggagawa na nagretiro sa pamagitan ng optional o compulsory retirement sang-ayon sa ganitong pormula: number of years in the company x 22.5 x basic wage per day.

Kaya kung sakaling umabot na sa 40 taon ang pagtatrabaho mo sa kompanya at nagkataong P570 ang iyong arawang sahod, ang iyong retirement pay ay 40 x 22.5 x P570 = P513,000.

Hindi maaring patawan ng buwis ang retirement pay. Kung sakaling nagkautang ang manggagawa sa ibang tao dulot ng ano mang transaksyon, hindi maaaring gamitin ang retirement pay bilang pambayad sa nasabing pagkakautang.

Paano kung may unyon ang mga manggagawa sa kompanya at merong probisyon tungkol sa pagreretiro sa kanilang collective bargaining agreement (CBA)? 

Titingnan ngayon kung alin ang nagbibigay ng mas mataas na benepisyo.

Kung mas mataas ang benepisyong binibigay ng CBA, ang CBA ang masusunod. Pero kung mas mataas ang benepisyong binibigay ng batas, batas ang siyang masusunod.

Obligado ba ang lahat ng kompanyang magbigay ng retirement benefits?

Hindi. Exempted sa batas ang mga service, retail o agricultural establishment na may 10 o mas mababa pa na bilang ng manggagawa.

Bukod pa sa benepisyong kanyang makukuha sa ilalim ng Social Security Law ang benepisyong makukuha ng isang magreretirong manggagawa sa ilalim ng RA 7641, kung sakaling kwalipikado siya rito.

Kung kawani ng pamahalaan, ang retirement benefits na kanyang makukuha ay nakasaad sa ilalim ng Civil Service Law. Ibig sabihin, maaari rin siyang mag-apply ng retirement ‘pag siya ay umabot na sa edad na 60 hanggang 65.

Sa isang pribadong kompanya, maaari bang pababain ng pangasiwaan ng edad ng pagreretiro kahit ito ay hindi sinang-ayunan ng manggagawa?

Sa kaso ng Alfredo Laya vs. Philippine Veterans Bank, et. al. (GR No. 205813) na hinatulan ng Korte Suprema noong Enero 10, 2018, sinabi na ang sagot sa tanong na ito ay hindi.

Sa kasong ito, pilit na pinagretiro ng kompanya ang isang empleyado dahil nakaabot na siya nang edad 60 at nakapagtrabaho na ng 10 taon. Sang-ayon sa Retirement Plan Rules and Regulations ng kompanya, kwalipikado na siyang magretiro.

Nang umayaw ang empleyado, naglabas ng memorandum ang kompanya na retirado na siya at dapat itigil na niya ang kanyang paggampan sa kanyang trabaho.

Nagdemanda ng illegal dismissal ang empleyado ngunit kinampihan ng Labor Arbiter ang kompanya at dinismiss ang kanyang kaso. Nag-apila ang empleyado ngunit ganun pa rin ang naging hatol ng National Labor Relations Commission.

Pagdating sa Korte Suprema, binaliktad nito ang hatol. Sinabi ng Korte Suprema na walang karapatang baguhin ng kompanya ang batas tungkol sa pagreretiro maliban lamang kung may pagsang-ayon ang empleyado.

Kaya dahil sa ayaw ng empleyado, obligadong maghintay ang kompanya hanggang naabot na niya ang mandatory retirement age sa edad na 65.

Noong nakaraang taon, inihain sa Mabababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 3220 ng Senior Citizens Partylist na nagtatanggal sa mandatory retirement age na 65 at hayaang magpatuloy ang isang manggagawa sa kanyang trabaho hangga’t kaya pa niya ito ayon sa alituntunin ng kompanyang kanyang pinapasukan. 

Marami mambabatas ang pumayag sa naturang panukala subalit marami din ang tumutol. 

Abangan natin kung ano man ang magiging kahihinatnan nito.