Delivery riders, dapat regular sa kanilang mga trabaho
Sa kasalukuyan, napakahalaga sa ating lipunan ang serbisyo ng mga delivery rider. Sapagkat dini-deliver ng mga delivery rider ang mga gamit, bagay at dokumento na kailangan nating ipadala o tanggapin kaugnay ng ating mga transaksyon o hanapbuhay.
Sa kasalukuyan, napakahalaga sa ating lipunan ang serbisyo ng mga delivery rider. Sapagkat dini-deliver ng mga delivery rider ang mga gamit, bagay at dokumento na kailangan nating ipadala o tanggapin kaugnay ng ating mga transaksyon o hanapbuhay.
Noong una, tanging LBC lamang ang kumpanya na gumagampan sa negosyong ito. Ngayon, nariyan na ang AIR21, JRS Express, J&T Express, Shopee, Lazada at iba pang mga kumpanya.
Ngunit hindi maiwasan na magkaroon minsan ng hidwaan sa pagitan ng mga delivery riders na ito at ang kanilang mga kumpanya.
Ganito ang nangyari sa kasong “Chrisden Ditiangkin, et. al. vs. Lazada E-Services Philippines, Inc. et al” na hinatulan ng Korte Suprema noong Setyembre 21, 2022.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho sina Chrisden at kanyang mga kasama bilang delivery riders ng Lazada E-Services Philippines Inc.
Isang online selling platform ang Lazada na tumutulong sa mga nais magbenta ng kanilang mga produkto na hindi kailangan makaharap ang kanilang mga kustomer sa pamamagitan lamang ng online service sa kompyuter o smartphone.
Ngunit kailangan pa rin ng mga delivery rider upang maihatid ang mga ibinebentang bagay sa mga kustomer.
Ito ang gawain nina Chrisden sa kumpanya ng Lazada: tagakuha ng mga bagay mula sa mga seller upang dalhin sa Lazada at kunin muli sa Lazada kapag naibenta na upang ihatid sa kustomer.
Sa pagpasok sa kumpanya, mayroong nilagdaan na kontrata sina Chrisden na independent contractor agreement.
Ayon sa kontrata, mga rider ng Lazada sina Chrisden na itinuturing na independent contractor at hindi regular na empleyado o manggagawa ng kumpanya.
Ibig sabihin, pangunahing ginagabayan ng kanilang mga kontrata ang kanilang mga trabaho sa kumpanya at pangalawa lamang ng Labor Code.
Sa ilalim ng ating Labor Code, obligadong magbayad ng kontribusyon sa SSS, Philhealth at Pag-IBIG ang mga regular na manggagawa ng kumpanya.
Ngunit pagdating sa mga independent contractor, walang obligasyon ang kumpanya para magbayad sa mga kontribusyon na ito, maliban lamang kung nakasaad ito sa kontratang kanilang pinirmahan.
May batas din na nagsasabing kailangang magbayad ng 13th month pay at holiday pay ang isang kumpanya sa kanyang mga manggagawa.
Ngunit sa mga independent contractors, walang obligasyon ang kumpanya na bayaran nito ang kanilang 13th month pay at holiday pay maliban lamang kung nakalagay ito sa kanilang kontrata.
Hindi rin kailangang ipatupad ng kumpanya ang batas tungkol sa walong oras na pagtatrabaho pagdating sa mga independent contractors.
Ang huli, binibigyan ng kalayaang magtrabaho kahit anong oras at kung kailan nila gusto. Ang mahalaga, matapos nila ang pinapagawa sa kanila sa takdang panahon na ibinigay ng kumpanya.
May haba naisang taon ang kontrata nina Chrisden sa Lazada na nagsimula noong buwan ng Enero. Ayon sa kontrata, sariling motorsiklo ang gagamitin sa kanilang trabaho at babayaran ng P1,200 ang bawat araw na kanilang pinagtrabahuhan.
Pagsapit ng Enero ng sumunod na taon, ipinaalam kina Chrisden na wala na silang darating na iskedyul sa trabaho. Nalaman nila na ibinigay ng kumpanya ang kanilang gawain sa mga bagong rider na kapalit nina Chrisden.
Nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa kumpanya sina Chrisden sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sinabi nila na regular sila na mga empleyado ng kumpanya at hindi sila dapat tanggalin sa kanilang mga trabaho.
Bilang depensa, sinabi ng Lazada na hindi empleyado ng kumpanya sina Chrisden bilang mga delivery rider kundi mga independent contractor at mapatutunayan ito ng kanilang mga kontrata.
Pagkatapos ng Disyembre, humina ang negosyo kung kaya napilitan ang kumpanyang baguhin ang kanilang mga iskedyul sa trabaho at hindi na sila binigyan ng biyahe araw-araw.
Sa madaling sabi, “no-work, no-pay” ang pinairal sa kanila ng Lazada ngunit hindi naman sila tinatanggal sa kanilang mga trabaho. Alinsunod daw ito sa batas at maaaring gawin sa mga independent contractor ng kumpanya.
Sa desisyon ng Labor Arbiter, pinanalo nito ang kumpanya at sinabing mga independent contractor sina Christen dahil nakalagay sa kontrata nina Christen na walang employer-employee relationship sa pagitan nila at ng kumpanya.
Umapela sina Christen sa National Labor Relations Division ngunit ganun pa rin ang desisyon. Inakyat nila ang kaso sa Court of Appeals ngunit hindi pa rin ito nagbago. Inakyat nina Christen sa Korte Suprema ang nasabing kaso bilang huling hantungan.
Sinabi ng Korte Suprema na kailangan munang masagot ang apat na katanungan upang malaman kung regular na empleyado ang isang manggagawa ng kumpanya.
Una, sino ang kumuha o pumili sa kanya sa kanyang trabaho? Pangalawa, sino ang nagbibigay ng kanyang sahod? Pangatlo, sino ang may karapatang magtanggal sa kanya sa kanyang trabaho? At pang-apat, sino ang may karapatang magpasya kung paano niya gagawin ang kanyang trabaho?
Iisa lamang ang sagot: ang kumpanya.
Ang kumpanya ang pumili at kumuha kina Christen sa kanilang mga trabaho. Direkta silang kinuha ng Lazada upang magtrabaho rito. Sinasahuran sila ng P1,200 sa bawat araw sa kanilang mga trabaho. Nakalagay din sa kanilang mga kontrata na maaari silang tanggalin ng kumpanya sa kanilang mga trabaho sa anumang paglabag sa kanilang mga gawain. At panghuli, ang kumpanya ang siyang may karapatan na magpasya kung paano nila gagawin ang kanilang trabaho.
Walang duda na regular na empleyado sina Christen at hindi independent contractors ng kumpanya, sabi ng Korte Suprema.
Kaya iniutos ng Korte Suprema sa Lazada na dapat ibalik sa kanilang mga trabaho sina Christen at bayaran ang kanilang backwages.
Malaking tulong sa mga delivery rider sa bansa ang desisyong ito ng Korte Suprema.