Tala-Salitaan 0329 | Dagdag-sahod
Dagdag-sahod – pagkaloob nang dagdag suweldo sa mga obrero? sa oras-oras o pagbabayad na batay sa pang-araw-araw na ibinibigay sa paggawa para sa dami ng trabaho na natapos sa loob ng isang araw.
Dagdag-sahod – pagkaloob nang dagdag suweldo sa mga obrero? sa oras-oras o pagbabayad na batay sa pang-araw-araw na ibinibigay sa paggawa para sa dami ng trabaho na natapos sa loob ng isang araw.
Nananatiling pinakamahirap at api ang mga obrero. Kulang sa tangkilik at kalinga sa mga nakalipas na ilang dekada ng mga nakaraang rehimen at maging ng kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon, tulad ng marami nating kababayan na apektado ng pagtaas ng mga bilihin at linggo-linggong taas-presyo ng produktong petrolyo dahil sa ipinataw na excise tax ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, humihingi ng dagdag-sahod ang mga manggagawa. Hindi na sumapat ang minimum wage na P570.
Ipinanawagan naman sa gobyerno ng grupong Alliance of Concerned Teachers (Act) na iprayoridad ang dagdag-sahod ng mga manggagawa, lalo ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Act chairperson Vladimir Quetua, dahil ito sa patuloy na pagsirit ng inflation rate sa bansa sa nakalipas na 10 buwan.
Paliit na anya nang paliit ang kinikita ng uring manggagawa dahil sa nagmamahalang mga bilihin kaya’t dapat tutukan ng pamahalaan ngayong taon ang dagdag-suweldo.
Kabilang sa mga dapat pagtuunang pansin ni Marcos Jr ang pagsertipika bilang urgent sa mga wage at salary increase bill na inihain sa Kongreso.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, hindi raw kasi maaaring basta-bastang magpatupad ng taas-sahod sa mga manggagawa kada buwan nang dahil lamang sa pagtaas ng kanilang gastusin na dulot ng walang humpay na pagsirit ng langis, dagdag-pasahe sa publikong transportasiyon at taas-presyo ng mga pangunahing bilihin.
Noong Marso 27, nagsampa ng pinag-isang petisyon sa Regional Wage Board IV-A ang 12 grupo sa paggawa sa ilalim ng Workers Initiative for Wage Increase (WIN4WIN) para sa dagdag-sahod.
Kasabay ng filing, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kasapi ng WIN4WIN sa labas ng tanggapan ng DOLE Regional Office IV-A sa Calamba City kung saan iginiit ng mga manggagawa ang kanilang karapatan para sa nakabubuhay na sahod.
Layunin ng petisyon na itaas sa P750 kada araw ang iba’t ibang antas ng sahod sa rehiyon. Sa ngayon, mayroong apat na “klasipikasyon” ang sahod sa Calabarzon: P470, P429, P390 at P350. Para magkaroon ng uniform minimum na sahod, kakailanganin na itaas nang P280, P321, P360 at P400 para sa iba’t ibang lugar.
“Depende sa lugar ng pagawaan, iba-iba po ang sahod dito sa aming rehiyon. Deka-dekada na pong pahirap ang wage rationalization sa mga manggagawa sa Southern Tagalog. Ngayon po, ipinapakita namin ang malawak na pagkakaisa ng mga manggagawa sa Rehiyon IV-A para magkaroon ng iisang minimum para sa lahat ng manggagawa sa Calabarzon,” ani Mary Ann Castillo, tagapagsalita ng WIN4WIN.
Giit pa ng mga manggagawa na kailangan ng dagdag-sahod para makakaagapay sila sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon sa kanila, nabawasan nang P90 ang kasalukuyan sahod ng mga manggagawa dulot ng implasyon. Lumahok din sila sa pagkilos sa Mayo Uno para igiit at ipanawagan sa gobyerno ang kanilang kahilingan.
Binubuo ang WIN4WIN ng Metal Workers Alliance of the Philippines, Bukluran ng Manggagawang Pilipino Southern Tagalog, Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers, Confederation of Filipino Workers, National Federation of Labor Unions, Drug, Food and Allied Workers Federation, Kilos na Manggagawa Southern Tagalog, TF2-Kilos Damit, Workers Assistance Center, Workers in Semiconductor and Electronics Network, at Kilusan ng Manggagawang Makabayan-Katipunan.
Ang dagdag-sahod ay hindi kusang ibinibigay; ito’y ipinaglalaban. Kaya ang pagkakaisa ng mga obrero at mamamayan ay mahalagang maabot sa pagkakaisa na isulong at kamtin mismo ang pambansang demokrasya sa bayan.
Ang dagdag-sahod ay panlunas lang sa sintomas ng isang malalang sakit. Ang sakit ay walang iba kundi ang umiiral na sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas na nagpapairal at kumukunsinti na panatilihin ang sahod-alipin sa bansa.
Mapipigilan lang ang patuloy na lumalalang krisis na ito kapag napalaya na ang bansa sa kontrol ng mga monopolyo-kapitalista at ng mga kasabwat na naghaharing uri sa bansa. Hindi lalaya ang mga obrerong Pilipino hangga’t hindi rin lumalaya ang ating bansa.