Kaso ni Mary Jane Veloso, bola na ng DOJ–NUPL


“Nasa kapangyarihan iyan ng ehekutibo na punan ‘yong detalye ng mga polisiyang panlabas kasama na yung pakikipagusap [at] pagtalakay ng mga ganitong klaseng usapin,” wika ni NUPL spokesperson Atty. Josa Deinla.

Mary Veloso with her family, lawyers and support group in Yogyakarta, Indonesia
Makalipas ang limang taon, nakadalaw ang pamilya ni Mary Jane Veloso sa kanya sa Yogyakarta, Indonesia kamakailan. Kasama ng mga magulang at dalawang anak ni Veloso ang Migrante International, National Union of People’s Lawyers at United Church of Christ in the Philippines. Larawan mula sa Migrante International.

Nanawagan ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa Department of Justice (DOJ) ukol sa naantalang mosyon upang makuha ang testimonya ni Mary Jane Veloso na kasalukuyang nakapiit pa rin sa Yogyakarta, Indonesia.

Isang taon mula nang payagan ng Korte Suprema ang deposition order, nananatili pa rin itong nakabinbin sa DOJ.

Ayon kay NUPL spokesperson Atty. Josa Deinla, nananatiling on-going ang proseso sa DOJ nitong Hunyo matapos nilang humingi ng request sa public prosecutor. 

Layon ng deposition order na makapagtestigo si Veloso sa kasong human trafficking nina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao, mga recruiter ni Veloso noong 2010.

Noong 2021, nag-file ng motion for reconsideration ang Office of Solicitor General (OSG). Layon naman ng OSG na sa loob lang ng kulungan tumestigo si Veloso at hindi sa Embahada ng Pilipinas batay sa mga kondisyon ng pamahalaan ng Indonesia.

Ayon kay NUPL spokesperson Atty. Josa Deinla, nananatiling on-going ang proseso sa DOJ nitong Hunyo matapos nilang humingi ng request sa public prosecutor. Larawan ni Junneth Dela Cruz.

“Dito sa motion na ‘to hinihiling na baguhin yung order na payagan [ang] pagkuha ng deposition sa loob ng kulungan noong panahon na iyon [na] naka-commit pa siya [Mary Jane] sa Perempuan Women Penitentiary sa Yogyakarta din,” ani Deinla.

Sa kasamaang palad, hindi na muling nakausad ang kaso dahil “natuldukan” na ito umano, ayon sa Korte Suprema. Itinuturing irreversible at immutable na ang desisyon ng DOJ.

“Nasa kapangyarihan iyan ng ehekutibo na punan ‘yong detalye ng mga polisiyang panlabas kasama na yung pakikipagusap [at] pagtalakay ng mga ganitong klaseng usapin,” wika ni Deinla.

Dagdag pa niya, nasa kamay na ng ehekutibo, partikular ng DOJ, upang pag-usapan at talakayin ito.

Samantala, ibinahagi ni Migrante International chairperson Joanna Concepcion ang pag-aantabay ng Ministry of Women ng Indonesia hinggil sa kaso ng mga recruiter ni Veloso.

“Kung mapapanagot [ang] traffickers ni Mary Jane sa korte ng Pilipinas, malaking bagay daw po sa kanila at magiging ligal na basehan para mabigyan ng clemency si Mary Jane,” ani Concepcion.

(Mula kaliwa) Ina ni Mary Jane Veloso na si Celia Veloso, amang si Cesar Veloso at mga anak na sina Mark Darren Candelaria at Mark Danielle Candelaria sa isang press conference pagbalik mula sa pagdalaw kay Mary Jane sa detention center sa Yogyakarta, Indonesia. Larawan ni Junneth Dela Cruz.

Inihayag rin niya ang kahalagahan ng malawakang kampanya ng mga migranteng Pilipino at kung paano ito lubos na nakatulong sa kaso ni Veloso.

“Ito po ang nakapagligtas sa buhay ni Mary Jane. Patuloy po sana natin pasiglahin ang kampanya na nanawagan ng clemency at kalayaan ni Mary Jane,” panawagan ni Concepcion.

Higit pa rito, mula sa naging pagbisita ng pamilya Veloso sa Indonesia kamakailan, nabalitaan din nila ang umano’y sakit na dinadaing ni Veloso.

Panawagan din ng mga kaanak ni Veloso ang agarang pagpapatingin niya sa espesyalista upang masiguro ang lagay ng umano’y panibagong bukol niya sa matres.