FEATURED

Kumusta na, Amanda?


Kasabay ni Amanda Echanis umakyat ng hagdan ng Tuguegarao Hall of Justice ang limang armadong miyembro ng kanyang escort team mula sa provincial jail. Mahahabang riple ang bitbit. Nakaposas man, nagawa pang kumaway ni Amanda sa amin at kanyang ina bago minamadali siyang pinapasok sa pagdinig ng kaso.

Kasabay ni Amanda Echanis umakyat ng hagdan ng Tuguegarao Hall of Justice ang limang armadong miyembro ng kanyang escort team mula sa provincial jail. Mahahabang riple ang bitbit. Nakaposas man, nagawa pang kumaway ni Amanda sa amin at kanyang ina bago minamadali siyang pinapasok sa pagdinig ng kaso.

Magtatatlong taon na sa kulungan si Amanda sa Disyembre sa gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives. Hanggang ngayon, bumubuhos ang suporta para kay Amanda, isang manunulat at organisador ng magsasaka.

At ayon sa kanyang mga kaanak at kaibigan mula sa Free Amanda Echanis Network, sinasadya naman ng mga awtoridad na patagalin at pahirapan ang pag-usad ng kanyang kaso.

Tatlong beses nang nauusod ang petsa ng kanyang hearing bago siya natuloy nitong Mayo 25, ang una sa taong ito.

Ilang araw bago ang petsa ng hearing, ikinuwento ni Amanda ang matinding stress at pagkadismaya na nararamdaman niya tuwing made-delay na naman ang pagdinig sa korte.

“Parang lagi akong pinapaasa sa wala. Naku, sana matuloy na talaga,” balisang wika ni Amanda.

Gayunpaman, masigla ang pagbati niya sa amin. Agad niyang niyakap ang kanyang ina pagkalabas ng pinto. Isinunod niya kami habang nagpapasalamat at nagsasabing “kaya natin iyan.”

May walong witness ang mga awtoridad na nag-aakusa kay Amanda na siya nga ang may hawak at nagmamay-ari ng mga armas at granadang natagpuan nang siya arestuhin. Magtatalong taon na, pero wala ni isa sa mga witness ang humarap na sa korte para tumestigo.

Sabi ni Luz Perez, abogado ni Amanda, “Witnesses for the evidence in chief are supposed to be presented today and this the first presentation for the evidence in chief of the prosecution, however both witnesses were not present in court today.”

Nakakapagtaka man, pero kalakaran na iyan sa mga bilanggong politikal: maraming isinasampang kaso sa kanila, ngunit wala naman maipakitang testigo o solidong ebidensiya.

Sa susunod na pagdinig kaso sa Hulyo 12, inaasahan ni Perez dapat naman nang magpakita ang mga witness ng prosecution, kundi ay dapat ikonsidera na ng korte na may problema sa nag-aakusa.

Ngunit may magandang balita! Napapayag ang korte na makapag-medical check up si Amanda bilang requirement sa pagbabalik-aral niya sa University of the Philippines. 

“Karapatan ng sinuman ang medical check-up,” paliwanag ni Perez.

Ilang beses na ring nakakapag sit-in sa klase ng malikhaing pagsulat si Amanda nitong nakaraang mga buwan, bagaman sa susunod na semestre na siya tuluyang makakapag-enrol.

Binabayaran niya ang paggamit ng tablet at pagbili ng data. Sa piling ng halos 20 pang bilanggo, sa luma at munting gadget, nakakapakinig ng lesson ang makatang nakapiit.

Abala nga naman si Amanda sa pagsusulat. Pana-panahon, nagpapasa rin siya ng mga bukas na lihim na may mga update sa kanyang buhay.

Masaya rin niyang ibinahagi na lalabas na ang kanyang libro bago ang kanyang kaarawan sa Oktubre sa tulong ng progresibo at kilalang publisher na Gantala Press, maililimbag ang “Binhi ng Paglaya” na koleksiyon ng mga tula tungkol sa iba’t ibang pagsubok at karanasan niya.

“Gusto kong mabasa nang pauna ang tulang ito,” bilin at pasasalamat ni Amanda sa lahat ng nananawagan para sa kanyang paglaya.