Dekanong Makabayan FEATURED

Ang Maharlika Investment Fund at ang ordinaryong Pilipino


Mararamdaman ng ordinaryong Pilipino ang tunay na pagbabago kung ilalaan na lamang ang “sobrang pera” sa iba’t ibang mga sektor.

Ilang buwan nang usapin ang Maharlika Investment Fund (MIF). Dahil naaprubahan na ng Kongreso, lagda na lang ni Marcos Jr. ang kulang upang maisabatas ito. At ayon sa kanya, pipirmahan niya agad ang dokumento.

Ano nga ba ang MIF at bakit maraming Pilipino ang nababahala rito?

Unang-una sa inaalala ng mamamayan ang pagmumulan ng pondo. Magiging sovereign wealth fund (SWF) ng Pilipinas ang MIF. Ginagamit ang SWF na pang-invest sa iba-ibang asset gaya ng foreign currencies, domestic and corporate bonds at infrastructure projects.

Kadalasan, nagmumula ang pondo ng SWF sa kita ng bansa mula sa natural resources, sobrang budget o pangkalahatang yaman ng bansa. Sa madaling salita, sobrang pera. Pero may sobrang pera ba ang Pilipinas?

Mukhang wala ayon sa panggagalingan ng pondo. Sa halip ng paggamit ng sobra, magbibigay ang mga bangko ng gobyerno sa MIF. Bago baguhin ng Senado, dapat ay mag-aambag din ang SSS at GSIS, mula sa pension funds ng mga mamamayan. Maraming Pilipino ang nagreklamo tungkol dito kaya inalis ito sa panukalang batas.

Ngunit sa kabila ng pagbabago, duda pa rin si dating Bangko Sentral ng Pilipinas deputy governor Diwa Guinigido. Ayon sa kanya, dahil magmumula sa pera ng publiko ang pondo ng SWF na maaaring para sa national budget, kailangan itong bawiin. Maaaring mangyari ito sa pagtaas ng buwis o pag-utang pa nang mas malaki.

Kadalasan, nagmumula ang pondo ng sovereign wealth fund sa kita ng bansa mula sa natural resources, sobrang budget o pangkalahatang yaman ng bansa. Sa madaling salita, sobrang pera. Pero may sobrang pera ba ang Pilipinas?

Isa pang inaalala ng mamamayan ang pangalan ng pondo, “Maharlika.” Maharlika ang tawag sa mga mandirigmang Tagalog noon. Ngunit dahil sa propaganda ni Marcos Sr., naging kakabit na ito ng kanyang imahen.

Ayon kay Marcos Sr., naging pinuno siya ng guerilla unit laban sa mga Hapon noong World War II. “Maharlika” ang tawag sa kanila. Ilang beses naman na itong pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines pati na ng US government.

Mayroon ding sumikat na Facebook post noon tungkol sa Maharlika Kingdom. Ayon dito, sakop ng kaharian ang Pilipinas, Brunei, Hawaii, Spratly Islands at Sabah. ‘Di umano’y pinamunuan ito ng Tallano royal family at naging abogado nila si Marcos Sr. Binayaran daw siya nang ginto kaya sumikat ang “Tallano gold.”

Matagal nang inangkin ng mga Marcos ang “maharlika.”

Bukod pa sa usapin ng wika, tanong din kung kailangan ba talaga ang MIF ngayon. Nagpadala sa Senado ng liham si Marcos Jr. noong Mayo 22. Kailangan daw madaliin ang MIF.

Sagot naman ni Sen. Koko Pimentel, hindi konstitusyonal ang utos na ito. Sa Konstitusyon, maaari lang madaliin ang bill kung mayroong public emergency o kalamidad.

Bukod pa sa pagmamadali, tinatanong din ng karamihan, kailangan ba talaga ito?

Ayon kay Sonny Africa ng Ibon Foundation, kung mayroon tayong sobrang pera, mas mabuti pang gastusin ito sa mga pampublikong serbisyo. Mas makabubuti kung itataas ang budget para sa ayuda, wage subsidy, suporta sa maliliit na negosyo, mga pampublikong paaralan at mga pampublikong ospital.

Mararamdaman ng ordinaryong Pilipino ang tunay na pagbabago kung ilalaan na lamang ang “sobrang pera” sa iba’t ibang mga sektor.

Delikado rin sa korupsiyon ang isang SWF. Sa Malaysia, mayroon sila noong SWF, ang 1Malaysia Development Berhad (1MDB). Diumano, malaking halaga mula sa 1MDB ang nanakaw sa ilalim ni Prime Minister Najib Razak. Ayon sa US Justice Department, ginastos ang nakaw sa suhol, yate at mamamahaling artworks.

Dahil hindi malinaw ang plano para sa MIF, lapitin din ito ng korupsiyon. Isa sa gusto nilang paglaanan ng investment ang infrastructure projects pero matagal na itong source ng korupsiyon. Ayon din sa 2022 Corruption Perception Index (CPI), pang-116 ang Pilipinas sa 180 na bansa.

Dahil sa mga kritisismong ito, mahalagang patuloy na tanungin, anong ibibigay ng Maharlika Investment Fund sa ordinaryong Pilipino?